Mas mabisa nga ang branded medicine kumpara sa generic?
Mas mahinang klase nga ba ang generic medicine?
Ang mga ito ay nasagot ng isang medical doctor sa Good Morning Kuya ng UNTV News and Rescue nitong October 24, 2026.
Sabi ni Dr. Mariane Bonita-Bautista, na ang specialization ay family and community medicine, pareho lamang daw ang active ingredient/s nila, ang bisa, kalidad, at epekto sa katawan.
“Ang pinagkaiba naman, siyempre, mas mura po yung generic drugs para po mas maabot ng pamilyang Pilipino.
“Sa katunayan, meron po tayong mga studies, lalung-lalo na na-publish po sa Journal of American Medical Association, kung saan meron po tayong 47 na artikulo na nakita po, kunsaan walang pinagkaiba ang generic sa branded medication, lalung-lalo na po para sa mga puso nating mga gamot."
Ayon pa sa eksperto, may mga worldwide studies na ikinumpara ang epekto ng generic at branded medicine sa parehong klase ng mga tao o case-control studies.
“Nakita talaga nila na pareho po yung benepisyo ng isang generic at saka branded medication," diin niya.
Read: Raymor Cuevas: UP cum laude who brings education to social media
HOW TO MAKE SURE MEDICINE IS LEGIT
Ang paalala ng doktor, siguraduhing hindi peke ang gamot.
“Importante, siyempre, na ang pinagkukunan natin ng gamot ay lisensiyado po ng LTO (License To Operate), at yung mga pharmacy na binibilhan natin, at saka yung mga gamot po, siyempre, ay rehistrado po sa Food and Drug Association.”
Kinumpirma rin ni Dr. Bautista na puwedeng ma-search at ma-verify ang gamot kung lehitimo ito o bawal ibenta sa pamamagitan ng pagbisita sa FDA verification portal.
Dapat ding alamin kung saan binili ang gamot.
“May pagkakataon na sobrang mura na nga yung gamot, medyo questionable na po yung pinaka-source nung gamot.”

CHANGING FROM BRANDED TO GENERIC
Ang payo rin ng doktor, huwag mahiyang magtanong sa doktor ng generic counterpart ng iniresetang gamot.
Sabi ni Dr. Bautista, “Wag po tayong mahihiya na porke usapang presyo ito, nakakahiya pong tanungin sa doktor.”
Nagpaliwanag din siya tungkol sa kahalagahan ng pagiging consistent sa uri ng gamot—generic o branded—na iniinom.
“May mga pagkakataon kasi talaga na mas makakatulong sa pasyente kapag consistent nilang naiinom yung gamot dahil naa-afford nila yung gamot na iniinom nila.”
Paano kung naisipan daw ng pasyente na palitan ang iniinom na branded na gamot sa generic?
Muling giit ni Dr. Bautista, pareho ang bisa at active ingredient ng generic at branded, pero tanungin pa rin ang doktor.
“Pero hindi pa rin po maganda na bigla na lang tayo magpapagalit ng gamot kasi may pagkakataon na yung doctor po natin, meron silang preferred na manufacturer o may binabantayan sila na mga side effect ng gamot.
"Mas mainam pa rin na magtanong tayo sa doktor natin bago tayo mag-shift ng medication.”
Read: EXPLAINER: Pinoy doctors shed light on early cancer detection
ON BUYING OVER-THE-COUNTER DRUGS
May reminder din siya tungkol sa over-the-counter medicine na nabibili kung saan-saan.
“Siyempre, gamot pa rin ito so meron pa rin po siyang magiging epekto sa katawan natin, partikular sa matatanda nating mga pasyente na maraming maintenance medication.”
Diin niya, “Hindi basta-basta tayo bumibili lang ng over-the-counter medications."
Muli niyang inulit ang kahalagahan ng pinanggalingan ng gamot lalo na kung binili lang ito online.
“Wag sana tayong basta bumili online lalung-lalo na marami pong scammers ngayon, saka hindi po tayo sigurado sa pinanggalingan ng gamot kapag online.
“Dapat lehitimo ang pinagkukunan ng gamot dahil ayaw nating magkaroon ng side effect sa atin.
“Dapat maganda po yung nakukuha nating gamot para po makasigurado tayo na magagawa niya yung expected na effect niya."
Para makasiguro, tiyaking FDA approved ito at binili sa mga lehitimong drugstore or pharmacy.
FDA ON GENERIC MEDICINE
May pahayag din ang FDA tungkol sa generic drugs.
“Ang mga generic na gamot ay kapareho lamang ng mga kilalang tatak ngunit mas mura.
"Ito ay may parehong aktibong sangkap at kalidad na nagbibigay ng epektibong lunas para sa iba't-ibang karamdaman,” post nito sa official Facebook page noong 2023.
Dagdag paliwanag ang ahensiya: “Ang Generic Drug naman ay gamot na hindi saklaw ng patent protection at ginagamitan ng generics name (Republic Act 6675).
“Ito ay gamot na kapareho ng branded na gamot sa aspeto ng aktibong sangkap (active ingredient), gamit, epekto, dosis (dosage), hindi kanais-nais na epekto (side effect), at paraan ng pagbibigay (route of administration).
Ang R.A. 6675 ay kilala bilang Generics Act of 1988, na minandato ang "use, prescription, and manufacture of medicines by their generic names" para magkaroon ang mga Pilipino ng affordable choices pagdating sa mga gamot.

