Laging dumidighay o kinakabag.
Ilan ito sa mga sintomas kapag ikaw ay laging bloated.
Anu-ano ang mga posibleng dahilan nito at kelan dapat mabahala?
Narito ang payo ng ilang eksperto tungkol sa pagiging bloated.
Kabilang sa resulta ng pagiging bloated ay ang belching o pagdighay at pag-utot, ani Doctor Pau Vanadero, Internal Medicine specialist, sa Good Morning Kuya ng UNTV News and Rescue.
“It’s a normal way of our body to expel excess air sa loob ng katawan,” paliwanag niya.
Nakakaranas daw ng kabag kapag nagkakaroon ng labis na hangin sa tiyan, tulad ng pagsasalita kapag kumakain.
Kaya totoo ang advice na, “Don’t talk when your mouth is full.”
Nangyayari rin ang pagkakaroon ng maraming hangin kapag madalas ngumuya ng chewing gum at kapag umiinom ng carbonated drinks.
Tugma ito sa paliwanag ni Dr. Dex Macalintal, isang medical doctor at content creator.
Ang pagkakaroon ng kabag o kaya ang pagiging acidic ay puwedeng dahil sa hidden triggers.
Sabi niya, ilan sa mga dahilan nito ay ang sobrang pag-inom ng kape, soft drinks, at alak.
Nagiging sanhi rin ng kabag ang madalas na pagkain ng processed food.
Dahilan din daw ng bloating ang pagkakaroon ng gut imbalance, kakulangan sa fiber, probiotics, kulang sa tubig, mabilisang pagkain, o kaya ay ang pagiging lactose intolerant, na dulot ng gatas o dairy products.
Read: Branded drugs vs. generic drugs: Truths and misconceptions
THINGS TO DO
Pero paalala ni Dr. Macalintal, huwag agad mag-resort sa pag-inom ng gamot.
Dahil ang tendency nito ay magpapabalik-balik lang ang bloating.
Payo niya, unahing baguhin at ayusin ang lifestyle at ang diet.
Iwasan daw ang pagkain ng instant noodles at milk tea. Mag-resort sa healthier alternatives, tulad ng gulay at tubig.
Sang-ayon dito si Dr. Vanadera, na sinabing iwasan ang carbonated drinks.
“If laging bloated, puwedeng isyu ng gut dysbiosis,” dagdag ni Dr. Macalintal.
“Ibig sabihin ay nagkakaroon ng imbalance sa good and bad bacteria sa tiyan.”
Nagsasanhi raw ang kondisyong ito ng bloating, constipation, diarrhea, brain fog, at laging pagod.
Malaking tulong daw ang pagkakaroon ng plant-based diet na beneficial sa good microbes sa katawan.

WHEN DOES IT GET MORE SERIOUS
Samantala, ipinaliwanag din ni Dr. Vanadera na ang pagiging bloated ay puwede ring sanhi ng mas seryosong kondisyon, tulad ng diabetes.
Dahil sa diabetes, nagkakaroon ng tinatawag na diabetic gastroparesis, na tumutukoy sa mabagal na transit ng paggalaw ng tiyan.
Puwede rin daw itong functional dyspepsia, na mabagal na galaw ng tiyan.
Kapag diabetic daw ang pasyente, dapat daw ay controlled ang sugar intake.
Nakatutulong daw ang pagkilos tuwing pagkatapos kumain para makatulong sa bituka.
Sapat na raw ang simpleng paggalaw tulad ng paglalakad.
Halimbawa ni Dr. Vanadera, marami raw kaso sa kanilang pasyente na nasa intensive care unit na nagiging constipated dahil hindi sila gumagalaw.
“So yung galaw mismo, kumbaga, pino-promote yung katawan na mas gumalaw, pati na yung bituka po natin.”
Binanggit din ni Dr. Vanadera kung kelan nagiging nakababahala ang pagiging bloated.
“Kapag ito ay may associated na abdominal pain, may dugo o maitim na ang dumi, nagsusuka…” babala niya.
“Maiging magpa-check na kasi baka may ibang klaseng sakit na po iyon,” sabi niya pa.
Read: EXPLAINER: Pinoy doctors shed light on early cancer detection
