Kung magpapagawa ka ng bahay, malaki ang papel ng kukunin mong contractor.
Kailangan pulido ang trabaho ng mga workers, at malinaw ang usapan tungkol sa budget at completion date.
Hindi biro ang magpatayo ng bahay, kaya hangga’t kayang makatipid nang hindi naisasaalang-alang ang kalidad, mas mabuti.
Basta wag ka lang matiyempo sa mga scammers na pinagsasamantalahan ang kahinaan ng mga kliyenteng nagnanais makamura sa pagpapatayo ng bahay.
Paano nga ba makakaiwas sa mga nagpapanggap na legit contractors?
Narito ang ilang paalala ng licensed architecture na si Ed Ramos.
Read: Tiny House Living: Pros and Cons
THREE RED FLAGS
Babala ni Ed, sumasabay na ngayon ang scammers sa modern times. Nariyan ang mga pekeng contractors na namimingwit ng potential victims via social media.
Ani Ed, karaniwang may offers ang mga scammers na ito para kagatin ng mabibiktima.
Halimbawa, may “contractors” na magmi-message na sa halagang PHP200,000 ay makakapagpatayo na ng two-storey house, at nagbibitaw ng mga salitang, “Kami na bahala sa perspective, sa plano…”
“Mag-ingat kayo diyan, scammer iyan,” babala ng arkitekto.
Nagbigay ng tatlong tell-tale signs si Ed.
1. WALANG LISENSIYA
Kung wala raw lisensiya ang isang contractor, mag-isip-isip na.
“Anong pinanghahawakan niya na legal na dokumento para puwede mo siyang habulin pagka nagkabulilyaso?” bungad ni Ed sa kanyang YouTube video noong September 2024.
“Kung wala siyang lisensiya, hindi siya dapat nagpa-practice.
Tiyakin daw na ang contractor—kung ito man ay architect o engineer—ay may lisensiya ng Professional Regulation Commission o PRC. In short, pasado ito sa licensure exam.
Para sa isang contractor, dapat ay mayroon itong lisensiya mula sa Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP) o kaya ay Philippine Contractor Accreditation Board (PCAB).
“Kung siya ay legit, nasaan ang papel niya [o] ang dokumento ang nagbibigay sa kanya ng karapatan para mag-alok ng serbisyo ng isang builder.”
Kung wala raw itong maipakita, huwag nang makipag-usap.
2. NAGBIBIGAY NG PRESYO PERO WALANG DETALYE
Ito raw ang mga “contractors” na nagku-quote ng specific amount pero walang definite details ang plano.
Halimbawa, isang arkitekto na humingi ng PHP2 million at nangakong may roof deck at swimming pool.
Nagbabala rin si Ed na mag-ingat sa mga nangongontrata na “per square meter” ang basis ng presyuhan.
Paliwanag niya, “Dahil ang per square meter na pagpepresyo ng bahay, bahay lang iyon. Hindi pa kasama doon ang kikitain ng contractor, yung bayad sa professional…
“Bayad sa building permit, yung site works, hindi kasama don kasi mismong bahay lang iyon.
“Kung hindi siya arkitekto, hindi siya engineer, hindi siya contractor, wag kayong maniniwala diyan. Wala silang basis.
“Kaya wag na wag kayong maniniwala sa nagbibigay ng presyo pero walang detalye.”
Mag-ingat daw sa mga offers na walang detalye sa scope of work at walang kontrata.
“May nakikita ako sa Facebook nakasulat lang sa palara ng sigarilyo, yung iba sa karton lang," pagbabahagi ni Ed.
Nagbigay siya ng halimbawa tungkol sa modus ng mga scammers na ito.
“Kukuha lang iyan ng down payment, sasabihin pa nila 30%.
“Bibigay mo naman yung pera. Wala kayong pinirmahan. Tapos, wala na. Kawawa ka diyan. Scam iyan.”

3. SOBRANG BABA NG PRESYO. TOO GOOD TO BE TRUE
Marami pang binanggit na halimbawa ang arkitekto.
Sabi niya, “Sa social media may nagpepresyo ng ‘per square meter’ so yung ‘per square meter,’ ibig sabihin non yung sukat ng floor area.
“Kung two story yung bahay, yung sukat ng floor area sa baba, ita-times two mo. More or less, yun iyon.”
Currently, ang presyuhan daw sa market para sa basic house ay PHP30,000 per sqm.
Kung ang contractor daw ay nagbigay ng mas mababang presyo rito at taglay pa ang isa o dalawang naunang red flags, malaki raw ang posibilidad na scam ito.
“Kukunin lang niya yung pera mo, downpayment. Mawawala na iyan.”
Read: CHECK THIS OUT: PVC, good wood alternative resistant to anay, water, heat
WHAT TO DO TO AVOID BEING SCAMMED
Simple lamang naman ang “antidote” na ipinaliwanag ni Ed para makaiwas sa scammers.
Kung natandaan ang tatlong red flags na binanggit niya, madaling malalaman kung ano ang susunod na gagawin.
Sa unang halimbawa niya ukol sa mga walang lisensiya, ito ang sabi ng arkitekto.
“Makipag-deal ka lang sa may lisensyang professionals: architects, engineers, mga licensed contractors, at yung talagang merong license to operate.”
Pangalawang reminder ni Ed, “Hingan mo ng detalye: ano yung scope of work, plano...
“At least man lang meron siyang detalye ng floor plan, elevation, basic architectural… Ano yung services na ibibigay niya sa iyo.
“Meron siyang written contract… draft man lang kung ano yung mapagkakasunduan niyo.
"Ano yung mga kasama sa presyo niya? Ano yung mga hindi kasama? Dapat meron kayong details.”

Pangatlong paalala niya, kung masyadong mababa ang price na ibinigay, “E, di, mag-compare.”
“Magpa-quote ka sa dalawa o tatlo na mga service providers.”
Pagkatapos ay tiyakin na kasama rito ang una at pangalawa niyang reminders.
“‘Tapos dahil makakakita ka ng presyo ng dalawa o tatlo, makukumpara mo ngayon kung sino yung mababa. At most of the time yung pinakamababa, delikado iyan.
“So mag-settle ka don sa nasa gitna [o] midrange. Most of the time, iyan yung safe.”
Umiwas daw sa masyadong mababa ang presyong iaalok at ang kontrata ay nasa yellow paper.
“Most of the time, iyan yung mga nang-iiwan sa project.”
Ibinigay rin niyang halimbawa ang isa pang ugali ng scammers na sisimulan ang pagpapatayo, hihingi ng additional money at magdadahilan ng unforeseen additional expenses.
“Malabo iyon. Lolokohin ka lang niyan,” ani Ed.
