Si Eric Martin, 49, ay isang retiradong electrical engineer sa Singapore.
Kasama sa mga naipundar niya ay ang 60-square-meter A-frame resthouse na tinawag niyang Cabina de Martin.
Yari ito sa drift wood at steel, at matatagpuan sa two-hectare land property niya sa Tanay, Rizal.
Ani Eric, ayaw niyang manatiling Overseas Filipino Worker (OFW).
Gusto raw niyang ma-enjoy ang buhay kasama ang pamilya, at nais din niyang maging halimbawa sa mga kapwa OFW pagdating sa retirement plan.
“Tuwing magkakasama-sama kayo, ang topic niyo is retirement, pero walang gustong mag-retire,” lahad ni Eric sa Summit OG.
“So, sabi ko, ‘Sige, ako yung magiging example ng mga kasama ko. Eto yung retirement na hinahanap natin.’”
Alam daw ni Eric ang pakiramdam na piniling mapalayo sa pamilya.
“Minsan, nakakapag-provide ako, but di mo maramdaman na naa-appreciate nila.
“Minsan pala, hindi lang dahil sa financial, minsan pala, emotional, minsan pag kailangan ka nila lalo,” sabi niya ukol sa buhay OFW.
Marami rin daw OFWs na pinipiling magtrabaho sa abroad hangga't kaya pa.
“Minsan iba-balance mo rin gusto mo lumayo, isipin ko, kelan makakabalik?”
Sa desisyon ni Eric na makabalik sa bansa at magretiro, sabi niya, “Ako ngayon, mas na-e-enjoy ko.”
Read: This camper van in Negros Occidental brings you closer to nature
Eric Martin's DREAM PLACE FOR RETIREMENT
Naging wake-up call daw sa kanya ang pagtama ng ng pandemya.
Kung dati, kayod siya nang kayod para kumita, na-remind siya kung gaano kaikli ang buhay.
“During pandemic, doon lahat nag-sink in, na i-pursue ko yung early retirement ko kasi nga, health is wealth.
“During pandemic, kahit may wealth ka, problema ka naman pag tinamaan ka ng sakit. Hindi mo ma-e-enjoy.
“Sabi ko nga, mas maganda na mag-enjoy ka nang mas maaga before it’s too late.”
Noong mga panahong iyon, nakakulong lang sa bahay ang mga tao at walang ibang mapuntahan. Naging dahilan daw ito ng matinding stress.
Ito ang nag-udyok kay Eric para maghanap ng rural life.
Marami raw siyang ikinunsiderang lugar bago nakapili ng loteng pagtatayuan ng kanyang dream rest house.
Bandang huli, nag-settle siya sa Tanay—malapit sa city at nature.
“First time kong makarating ng Rizal. Nakita ko yung Rizal, sabi ko, ‘This is the place na.’
"Isa sa mga wish list ko, magkaroon ng cabin sa forest. Nung una hindi ko akalain na magkakatotoo.”
Ang nasa isip daw niya noon ay ang pagkakaroon ng simple at toxic-free life.
Read: How to spot a scam contractor; here are key warning signs to watch for
FROM DREAM TO REALITY
Ilan sa mga materyales na ginamit ni Eric para itayo ang bahay ay mga kahoy na makikita mismo sa lote.
“Gusto ko kasi i-reclaim lahat ng mga natural woods na nandito sa lugar,” paliwanag niya.
“Nung na-acquire ko kasi itong property, maraming mga drift wood na mga natumba na. So sabi ko, magandang gawing mga furniture, like table, itong mga doors, itong mga loft, so lahat iyan puro reclaimed…
“Kinombine ko yung wood at saka metal, so as much as possible in-avoid ko yung mga cement.”
Gumamit daw siya ng tubular steel at fiber cement para sa insulator.
Ang flooring naman ay gawa mula sa extra tiles na nasa bahay niya sa Quezon City.
“As much as possible lahat is reclaimed materials,” ani Eric.
Sa labas ng cabin ay makikita ang outdoor kitchen para kita ang magandang tanawin at maiwasan ang pangangamoy ng pagkain sa loob ng cabin.
Mayroon ding dip pool kunsaan nanggagaling mismo sa bukal ng Sierra Madre ang tubig, at tumutuloy sa isang pond na may mga coy at tilapia.


Mayroon ding bonfire sa isang bahagi ng lugar.
Pagpasok naman sa loob, bubungad ang living room, na katabi ang dining area at ang toilet and bath.
Nasa likod ng dining area ang mini-kitchen.



Kapansin-pansin ding gawa sa driftwood at steel ang hagdan paakyat sa loft.
Kasya ang anim na katao sa loft na may dalawang queen-sized beds at dalawang single beds.
Tanaw rin mula sa loft at sa balcony ang magandang view.
Gumamit siya ng fiber glass sa front wall dahil mas safe daw ito kumpara sa tempered glass, na nag-a-absorb daw ng init kaya puwede pa ring mabasag

CHALLENGES
Eventually ay nagdesisyon si Eric na buksan na rin sa publiko ang cabin.
Aniya, “Gusto ko i-share ang place at ma-motivate din ang iba na yung rest house i-turn into passive income.”
Sabi niya pa, “Gusto ko lang ma-emphasize, ma-feel nila hindi ito accommodation house, yung ma-feel nila [it] feels like home.”
Magandang lugar daw ito para sa mga naghahangad na maging close to nature. May magandang view rin ng Sierra Madre.
Sa mga nagnanais namang bumili ng property, importante raw na gustung-gusto mo ang lugar.
Mas mainam din kung accessible ang daan papunta sa property para hindi mahirapan.
Sa pagpapatayo naman daw ng property, unang-unang kunsiderasyon ang budget.
“As much as possible kung kaya mo, i-double [ang budget]. Kasi owning a property is madali, pero building a property is much more difficult."
Batay sa karanasan ni Eric sa pagpapatayo ng kanyang retirement house, nagkaroon siya ng maraming add-ons na hindi raw niya inasahan.
Pero gustung-gusto niya ang resulta, at sulit naman daw ang lahat ng pagod at paghihirap na kanyang pinagdaanan.
Mensahe niya sa mga kapwa OFW, huwag kalimutang isipin ang retirement.
Think of it as a reward sa sarili.
Pagtatapos niya, “Hindi ako nagkamali ng decision.”
Para sa mga gustong ma-experience ang Cabina de Martin, makipag-ugnayan kay Eric sa pamamagitan ng kanyang Facebook page.
