Mamamangha ka sa ganda ng malaking bahay ni Pehrie Cruz at ng asawa nitong si Jackie Cruz.
Inabot ng PHP15 million ang kanyang gastos para ma-achieve ang gusto niyang modern design at mangyari lahat ng kanyang gusto para nakaka-engganyo itong tirhan.
Kung magagawi ka sa Baliwag, Bulacan, hindi mo mami-miss ang Instagram-worthy mansion.
Ayon kay Pehrie, nabuo ang bahay mula sa pagmamahalan nila ng asawa.
“Magmamahalan kayo, mabubuo niyo ang dream house na gusto niyo.
“When you’re building your own house, be happy. Hindi lang ako dapat ang masaya, dapat pati yung mga tao na gumagawa dito sa bahay ko masaya,” pahayag ni Pehrie sa OG.

Read: Solar-powered tiny house in Rizal showcases off-grid living
BUS VENDOR at an early age
Si Pehrie ay galing sa broken family, naging tindero sa bus, at hindi nakapagtapos. Pero nagawa niyang iahon ang sarili mula sa kahirapan.
Hindi pa rin daw makapaniwala si Pehrie, 38, na nakapagpatayo siya ng isang multi-million-peso dream house.
“Kung iisipin mo, hindi pa rin nagsi-sink in sa akin na may bahay na ako, kung isipin mo kung saan ako nagsimula,” pagsisimula ni Pehrie sa kanyang life story.
“I started [as] a bus vendor when I was 12 years old. Kaka-graduate ko lang ng elementary kasi separated ang parents ko. Hindi na ako kayang pag-aralin.”
Tinapat daw siya ng kanyang ama na isang bus inspector.
“Sabi niya sa akin, ‘Hindi ka na mag-aaral. Kung gusto mong mag-aral, magtrabaho ka.’ So yun, napilitan akong maging bus vendor.
“Pinag-aral ko yung sarili ko for four years hanggang matapos ko yung high school.”
Nag-enroll daw siya sa kolehiyo subalit hindi nakatapos.
“Naisip ko, ‘Hanggang dito na lang siguro ako. Bus vendor na lang ako.’”
Sinubukan daw niyang mamasukan bilang trabahador, subalit hindi raw niya nagustuhan ang pagkakaroon ng boss. Hindi na nagdetalye si Pehrie tungkol dito.
Bumalik siya sa pagiging bus vendor.
“Pinagpatuloy ko yung pagtitinda sa bus. Madami akong natutunan, madaming struggles sa buhay ko.
“Minsan nga naitanong ko sa Panginoon, ‘Bakit ako? Bakit ganito? Hindi na perfect ang pamilya ko ‘tapos ganito pa ako.’”
Tila may sagot na biglang pumasok sa isip ni Pehrie.
“Nag-sink in” daw sa kanyang hindi na perfect ang pamilya niya, kelangan din daw ba niyang mapariwara?
“So create your own life,” ani Pehrie. “Doon ako parang nabuhayan…”
Pinakiusapan daw niya ang ina na pag-aralin siya sa kolehiyo, pero hindi siya nakapagtapos.
Kalaunan ay napang-asawa niya si Jackie, at nagtayo sila ng maliit na sari-sari store.
Nagkaroon din sila ng ihaw-ihaw at nagtinda ng crispy pata, crispy ulo, at iba pang barbecue products.
Batay sa pagsasalaysay ni Pehrie, hindi siya takot pasukin ang anumang pagkakakitaan dahil maaga siyang namulat sa pagtatrabaho.
Nagbago raw ang kanyang buhay nang kausapin ang isang kaibigang nasa buy-and-sell trade.
Hiniling daw niya rito na turuan siya, at pumayag naman ang kaibigan.
Sinabihan si Pehrie na kailangan ng malaki-laking puhunan.
“May naipon na ako noon. Binenta ko na yung sasakyan ko noon, pero kulang pa. So, nangutang ako ng karagdagang puhunan sa biyenan ko.”
Pinasok ni Pehrie ang buy-and-sell business ng second-hand cars.
Pumatok ang kanyang negosyo at guminhawa ang kanyang buhay.
“Di lang ako bumitaw kay God, kasi Siya na lang ang natitira kong sasandalan,” ani Pehrie.
“Andoon yung pagtatanong, pero andoon pa rin yung faith na dapat hindi nawawala sa atin.
“Kasi pag andoon yung faith, ibig sabihin naniniwala ka sa Kanya.”
Binanggit ng negosyante ang bible verse na Isaiah 60:22, “When the time is right, I, the Lord, will make it happen.”
Sinabi rin daw sa kanya ng mentor niya na pagkatapos ng bagyo, lilitaw ang bahaghari.
“Naisip ko na, ‘Eto lang ako dati, e, isang bus vendor, and then eto na ako ngayon.
"Hindi naman sobrang taas. Pero, at least, hindi na katulad ng dati. Sabi nga nila, malayo na, pero malayo pa.”
Hindi naman daw ibig sabihin na wala na silang nagiging problema. Pero malaking tulong ang pagkakaroon ng magandang pananaw sa buhay.
“I feel happy,” ani Pehrie. “Actually, di ko ma-explain ang nararamdaman ko.
“Even now, we struggle. Pero sabi ni Misis, siya lagi ang nagpapalakas ng loob ko… ‘Isipin mo na lang kung asan tayo kahapon and kung asan ka ngayon.’”

DREAM HOUSE
Pero may konting aberya sa una nilang nabiling lupa.
Kuwento ni Pehrie, “Nung nabayaran na namin yung lupa na nabili namin, yung katabi pala ay ayaw ibenta nung may-ari. So parang na-disappoint kaming mag-asawa.”
Makalipas ang isang taon, nakabili sila ng isa pang lupa, na siyang kinatitirikan ng kanilang bahay ngayon.
Pero hindi raw nila kaagad nasimulan ang pagpapatayo ng bahay dahil kapos sila sa budget.
Tila isa na namang biyaya ang dumapo sa palad ni Pehrie.
Pumayag daw ang landowner na gawing hulugan ang pagbabayad ng lupa sa loob ng isang taon.
Sinimulan na raw agad nilang mag-asawa ang pagpaplano at pagpapatayo ng kanilang pinapangarap na tahanan.
“Naghanap ako sa Google, nakita ko yung industrial type ng bahay,” sabi ni Pehrie.
“Sa design, tumitingin-tingin lang din kami sa Facebook, sa Internet. Kumbaga kumuha kami ng patsi-patsing parts. Saka namin sinasalpak.”
Nakipag-usap na sila sa engineer at sa architect para buuin ang kanilang bahay.
Naging maganda raw ang kinalabasan nito.
“Actually, I’m a fan of industrial. Gusto ko talaga ma-bato.
“Kaya nga makikita niyo yung labas ng bahay namin, sabi nga ng iba, parang factory, e. Pero pagka pumasok ka na ng bahay, dun na naiba. Nagkaroon na siya ng touch of wood.”
Ang kanilang bahay na may floor area na 240 square meters ay nakatayo sa kanilang lupang may sukat na 700 square meters.
Pagpasok sa gate, makikita na agad ang basketball court at four-bay-area parking lot. Mayroon din itong garden.
Sa labas din naroon ang “man cave,” kunsaan tinatanggap ni Pehrie ang mga bisita.


Pagpasok sa main house, makikita ang PVC wall na isa palang “secret room” kunsaan pinapatulog ang kanilang mga bisita.
Maganda rin ang kitchen dahil mahilig magluto ang mag-asawa. Meron itong pantry area.
Meron silang dirty kitchen, kung saan niluluto ang mga pagkaing maaaring mangamoy.


Malapit sa dirty kitchen ang common toilet and bath at laundry area.
Malapit dito ang solar-battery room. May solar panels kasi ang bahay ni Pehrie.
Mayroon din silang mini-chapel.
“Talagang sinadya kong magpagawa ng mini-chapel dahil ito yung nagre-represent sa amin, bilang pasasalamat ko na rin sa kabutihan ng Diyos sa aming pamilya.”

Ang kanilang dining area ay may eight-seater table na gawa sa acacia wood.
Mayroon ding porch area ang kanilang bahay.
Ang living room naman ay may motorized curtains.


Sa itaas naroon ang kids’ room at master bedroom.
Makikita rin sa second floor ang ipinagawang altar.
May sariling toilet and bath ang dalawang kuwarto.
Parehong may access ang dalawang kuwarto sa balcony.

Sa master bedroom, agaw-pansin ang PVC wall, na secret entrance pala sa walk-in closet ni Pehrie.
“Yung nakalagay dito is yung mga hindi ko kayang bilhin nung bata pa ako,” sabi ni Pehrie.
Dito makikita at naka-display ang mga mamahaling damit, shoes, at bags ng mag-asawa.


Ang banyo sa master bedroom ay may smart toilet.
Read: Bahay-kubo in Cavite offers “probinsiya feels”
LESSONS IN BUILDING A HOUSE
Ang patience ay isa raw sa mga natutunang lessons ni Pehrie sa pagpapatayo ng bahay.
“Kelangan mo talaga. Walang instant. Hindi puwedeng one click, buo na,” paliwanag niya.
Isa rin daw konsiderasyon ang pondo.
Hindi naman maiwasang banggitin ni Pehrie na suwerte siya sa kanyang asawa.
“Choose your partner,” sabi niya. “Yung mapapangasawa mo, iyan yung makakatuwang mo sa habambuhay.
“Kung yung napangasawa mo supportive sa iyo, supportive sa lahat ng ginagawa mo, everything will follow.”
Panghuli niyang payo: “Pag nakatira na kayo sa bahay niyo, maging masaya kayo ng pamilya niyo dito dahil ito na yung retirement house.
“Dito na kami tatanda.”
