"Old but gold," isang kasabihan na ang ibig sabihin ay nanatiling kalidad, importante, at kapaki-pakinabang sa kabila ng paglipas ng panahon.
May mga bagay kasing kahit wala na sa uso at nagsulputan na ang modern options ay nanatili pa ring best option.
Tulad na lamang ng jalousie windows.
Ilan sa mas popular na bintana ngayon ay ang sliding at casement windows, pero ang dami pa ring pros kung ang pipiliin ay jalousie.
Inisa-isa ng isang registered-architect-turned-vlogger kung bakit maigi pa ring gumamit ng jalousie windows sa ngayon.
Read: Man spots deceased mom in a throwback TV commercial
THE BENEFITS OF JALOUSIE WINDOWS
Ang “jalousie” ay French word na ang ibig sabihin ay “jealousy” o “screen from view.”
Ayon sa history, ito ang itinawag sa bintana dahil pinoprotektahan nito ang interior ng bahay mula sa mga mata sa labas na naiinggit.
Mula pa noong 18th century ay ginagamit na ang ganitong disenyo ng bintana pero na-patent ito ni Joseph W. Walker Malden, Massachusetts, sa U.S., noong November 26, 1901.
Kung ito ang bintanang pipiliin mo, malaking percentage ng natural light at hangin ang pumapasok sa loob ng bahay, paliwanag ni Architect Edel Ramos sa kanyang YouTube vlog nitong October 4, 2025.
“Ang pinaka-best part nito, napaka-effective niya kung ano yung purpose ng bintana—ang magbigay ng ventilation at natural light, maibibigay niya almost 100 percent.”
Napaka-beneficial din ng jalousie windows ngayong tag-ulan.
“Kahit na malakas ang ulan, puwede mo pa ring partly open para pumasok ang liwanag saka yung hangin,” ani Ed.
Naiiwasan na ang pagpasok ng tubig-ulan, nagagawa pa ring makapasok ng liwanag at hangin sa loob ng bahay.
Kung ikukumpara ito sa sliding windows, hindi nama-maximize ang gamit ng bintana dahil ang kalahating espasyo ay may harang.
“Kalahati lang yung effectiveness,” paliwanag ng architect. “’Yung isa, nagiging sandalan ng isang panel, so kalahati lang yung effective na opening.
“’Yung jalousie one-hundred percent efficiency. Operable mula sa taas at baba.”
Dagdag niya pa, madaling linisin ang jalousie windows. Pupunasahan lamang ito gamit ang basahan—tuyo man o basa.
“Mas mura pa ito compared sa ibang klaseng windows kasi mas konti ang piyesa niya,” ani Ed.

MODERNIZED JALOUSIE WINDOWS
May ilang pagbabagong ginawa sa jalousie windows ngayon para mas maging moderno.
Bukod sa transparent, ang salamin nito ay nabigyan ng kulay, tulad ng green at bronze.
Ang glass clips nito na dati ay gawa sa aliminum ay ginawa nang plastic, gayundin ang operator handle o lever nito.
“Yung holder [glass clips] nung glass ngayon plastic na siya. So, hindi kagaya dati na aluminum na sinisikwat ng screwdriver, ‘tapos puwede na tanggalin itong glass.”
Paliwanag pa ni Ed, maganda na rin ang cuts ng jalousie glasses ngayon dahil makina na ang gamit.
“Hindi yung mano-mano lang kasi matatalas iyon. Pero itong machine cut [mas maganda].”
Read: What eye experts want you to know about LASIK eye surgery
JALOUSIE WINDOWS NOW TEMPERED GLASS
Paliwanag pa ni Ed, may cuts ngayon ang jalousie glasses para maging tempered glass.
Sabi niya, “Ito naman yung jalousie windows na mas malapad [6 inches], pwede na siyang gawing tempered.”
Karaniwan kasi ay four inches ang lapad ng common jalousie glass.
“Kasi yung mas makitid, yung four inches, ang sabi ng supplier sa akin hindi siya pwedeng gawing tempered. Wala pang capacity yung planta na gawing tempered yung ganoong makikitid kasi mababasag lang siya.
“Pero pag ganito [na] nasa six inches, na one fourth [of an inch] yung thickness, pwede na siyang i-temper.
“Mas matigas siya. Pinatigas siya nang matindi sa matinding temperature. Hindi siya mababasag nang basta-basta kahit paluin mo ito. So, safety glass na ito.”
Kung mabasag man daw ang salamin ng jalousie tempered glass, “Ang basag niya, hindi kagaya nung basag na magkakaroon ng sharp na mga edges… makakatusok, makakasugat. Hindi.
“Pag tempered glass, ang mangyayari dito pag nabasag ito, magiging bola, mga bolitas, maliliit na bola. Gano’n siya kaya pag nabasag ito, hindi siya makakasugat, hindi makaka-harm sa atin.”
Dugtong niya pa, mayroong jalousie windows ngayon na remote-control operated.
“Kahit mataas siya pwede mo siyang buksan gamit ang remote control.”
Paalala ni Ed, para sa karagdagang seguridad, maglagay ng metal grills sa mga bintana kung saan inilagay ang jalousie windows.
“Ang grills mas maganda, depende sa iyo kung gusto mong protektahan ang iyong salamin mula sa basag, mula sa magnanakaw...
“Karaniwan naman ginagawa ang grills nasa labas, kaya lang dapat medyo na naka-protrude. Hindi siya pwedeng idikit sa salamin.”
