Sa sunud-sunod na mga pagyanig dahil sa lindol, marami sa atin ang nangangamba.
Marami rin ang nag-iisip—ang ilan ay sinimulan na—ng mga paghahanda para sa kaligtasan.
Isa sa mga utmost concerns ay may kinalaman sa bahay na tinitirhan: Gaano ba katibay ang mga materyales nito? Magigiba ba ang mga pader? Magkaka-crack ba ang mga sahig? Magko-collapse ba?
At alam niyo bang may mga materyales sa pagpapatayo ng bahay na mananatiling matatag kahit magkaroon ng malakas na lindol?
Tatlo ang binanggit ng isang registered architect at content creator na magandang gamitin sa house construction para maging earthquake-proof ang bahay.
Yun nga lang, ang mga material na ito ay kailangan pang i-develop o maging common sa ating bansa, bagama't popular materials na sa ibang bansa.
PROS AND CONS OF REINFORCED CONCRETE
Sa kasalukuyan, ang kadalasang pamamaraan ng pagpapatayo ng bahay o gusali ay ang paggamit ng reinforced concrete.
Ito ay composite material ng pinaghalong concrete at bakal.
“Well, unang-una, ang reinforced concrete na nakasanayan natin is maganda naman talaga iyan. Magandang material talaga iyan," paliwanag ni Architect Ed sa kanyang YouTube video noong October 12, 2025.
Subalit ang problema raw rito ay ang execution sa construction site.
“Although maayos yung design nung engineer, talagang naka-design siya to withstand magnitude 8 na mga earthquake, pero pagdating sa site, dahil sa dami ng procedures para mabuo ang reinforced concrete, minsan diyan nagkakaproblema.”
May pahaging si Ed na minsan ay nagkakaroon daw ng shortcut sa construction.
Kaya nagmungkahi ang arkitekto na mag-isip ng ibang alternatibo sa pagpapatayo ng structure “para ma-guarantee natin na hindi nag-shortcut..."
At mahirap daw malaman kung nasunod ang design pagdating sa construction, lalo na kung tibay ang pinag-uusapan.
Kaya narito ang mga rekomendasyon niya na highly-recommended din ng mga experts dahil ang mga methods at materials na ito ay tried and tested na sa ibang bansa.
Read: What to do before, during, and after an earthquake
Materials That Will Make Houses Earthquake-Proof
Structural Insulated Panels (SIPs)
Ang SIPs ay “high-performance building system for residential and light commercial construction," ayon sa sips.org.
Sabi ni Ed: “Ito ay magagaan, may halo siyang mga materials na nagiging katawan, pero hindi siya contributor sa strength [kundi] more on sa body at insulation.”
Dagdag na paglalarawan sa website: “The panels consist of an insulating foam core sandwiched between two structural facings, typically oriented strand board (OSB).
“SIPs are manufactured under factory controlled conditions and can be fabricated to fit nearly any building design.
“The result is a building system that is extremely strong, energy-efficient and cost-effective.”
Ginawang halimbawa ni Ed ang Steel Reinforced Concrete (SRC) panels, na ayon sa isang Facebook post niya noong 2021 ay: “Ang SRC Panel ay isang building material na gawa sa EPS (Expanded Polystyrene) o kilala natin bilang styrophor na may kasamang steel mesh sa magkabilang side.
“Ina-apply-an ito ng cement plastering at puwedeng gamitin bilang interior or exterior walls, suspended slab floor, o buhos na sahig, at roofing.”
Aniya, itong mga panels na ito ay darating na buo mula sa mga planta at isasalpak na lang.
"Parang plywood siya. Sasalpak mo na lang sa framing mo o kung may poste na saka may beams, sasalpak mo na lang siya.”
Ito raw ang ginagamit ni Ed sa kanyang mga projects simula 2009.
Ipinaliwanag niya ang advantages ng SRC panels.
“Kasi nga minanufacture na siya sa planta. Napag-aralan na siya sa planta. Na-engineer na siya bago pa dumating sa site mo.
“Ang gagawin mo na lang pagdating sa site, ikakabit mo na lang.
“So mas na-lessen yung mga procedure na kailangan para ma-guarantee na pasok sa standard yung end product.”
Ibinahagi rin ni Ed na ang mga townhouse projects nila sa Bohol ay nanatiling matibay sa kabila ng pagtama ng malakas na lindol noong 2013.
“Kahit na isa sa mga ginawa naming townhouses doon sa Tagbilaran, hindi nagkaroon ng major defects. Hindi siya nagkaroon ng mga cracks.
“Nagkaroon siya ng mga hairline cracks kasi plastering nga.”

Sabi ni Ed, sa lindol na iyon ay nabuwag ang reinforced concrete ng mga gusali, kasama na ang simbahan.
“So, proven ko iyan. Kahit ako sa experience ko na talagang maganda yung material na iyan,” pagtukoy niya sa SRC panels.
Read: Architect explains why jalousie windows are more practical
KAWAYAN O BAMBOO
Pangawalang binanggit ni Ed ang kawayan o bamboo—na readily available at hindi pinapansin sa atin dito sa Pilipinas.
“Yung bamboo, alam naman natin na yumuyuko iyan tapos bumabalik sa [original] form. Isang katangian ng material na gustung-gusto natin when it comes to earthquake. Hindi siya mapuputol, sasayaw lang siya," sabi ni Ed.
Pagpapatuloy niya: “Imagine kung made-develop natin yung material na iyan, at gagamitin natin as structural component or framing system ng ating mga structures. Napakaganda ng potential.
“And matagal nang ginagawa iyan sa ibang mga bansa. Matagal na nilang ginagamit ang bamboo. Ginagawa nila itong structural-engineered bamboo.”
Ano naman ang structural-engineered bamboo?
“Yung mga layers ng bamboo ay pinagdidikit-dikit, ina-apply-an ng matinding pressure at matinding temperature, hanggang ang bamboo ay maging solido, matibay na frame, poste, beam na di na napuputol at di na nasusunog,” paliwanag ng architect.

Bukod sa matibay, isa pa raw itong sustainable material.
“Marami nang studies na nagsasabing ang bamboo talaga ay mahusay na material, so puwede natin iyan i-develop dahil ang dami-dami niyan dito sa atin.”
CROSS-LAMINATED TIMBER
Hindi nalalayo rito ang ikatlong item na binanggit ni Ed—ang cross-laminated timber na gawa rin sa punong kahoy.
“Kagaya ng ginagawa sa bamboo sa ibang bansa—sa Europe, sa Japan, at iba pang American countries—matagal na nilang dini-develop at ginagamit ang cross laminated timber o CLT.”
Paano ginagawa ng CLT?
Ani Ed, “Yung mga species ng kahoy na kilalang matitibay, pinagsasama-sama nila at nile-layer-layer nila kaya tinawag na cross laminated…”
Sobrang matibay raw ang ganitong materyal.
Nagbigay siya ng halimbawa, ang three-fourths na plywood na pakakapalin nang 50 times.
Ayon sa websites, ang kapal o width ng CLT ay maaaring four inches hanggang 20 inches.
Lahad ni Ed, may mga buildings sa U.S. na ginamitan nito para sa poste, beams, at flooring.
“Mas napabilis niya ang construction time, mas napababa nila ang cost, at mas napagaan nila ng 100 times ang kanilang buildings dahil ang ginamit nila magaan,” paliwanag ng arkitekto.
Sabi ni Ed, kung ikukumpara sa reinforced concrete, mas marami ang advantages ng tatlong materyales na binanggit niya.
Mas mataas daw kasi ang carbon footprint ng reinforced concrete, na nakakasama sa kalikasan at nagdudulot ng polusyon.
“Mabigat, complicated gawin, at maraming room sa malpractice, error,” sabi niya pa.

