Ano nga ba ang pinaka-epektibo at pinakamatibay na roof design na kakayanin kahit ang malakas na bagyo?
Ito ang sinagot ng isang licensed architect na isa ring content creator.
Kung may matibay na bubong ang tahanan, hindi mangangambang liliparin ito ng malakas na hangin sa panahon ng bagyo.
Isa pa, matitiyak na hindi mapapasukan ng tubig-ulan ang loob ng bahay.
Read: DOST reacts to claims that Sierra Madre shields Luzon from typhoons
Sa pagpapagawa ng bubong ng bahay, primary considerations ang hangin at ulan, ani Architect Ed Ramos sa kanyang YouTube video noong October 2024.
“Dapat ang disenyo ng bahay ay kayang i-withstand ang malakas na hangin at maraming ulan.
Pagdating naman sa water o tubig ulan, ikukunsidera ng architect ang gagamiting materyal upang matiyak na water tight at water resistant ang bubong.
WINDPROOF ROOF
Handa ba ang bubong mo sa malakas na hanging?
Ayon kay Ed, may kinalaman dito ang disenyo.
“Ang isang designer, ang iniisip niya, yung form ng gagawing bubong, dapat ay maging aerodynamic.”
Kapag aerodynamic ang disenyo, either mari-repel o madi-disperse ng bubong ang lakas ng hangin.
Ang unang halimbawa ng aerodynamic roof design na ibinigay ni Ed ay ang slanted o shed roofing.
Ideal daw ito sa paglalagay ng solar panels upang 100 percent na maa-absorb ang araw.
Sabi ng arkitekto, marami ang kokontra sa design na ito dahil ang katuwiran nila ay liliparin agad ng malakas na hangin kapag may bagyo.
Aminado si Ed na prone ang shed roofing sa pag-collapse kapag malakas ang puwersa ng hangin.
Kaya kailangan ay matindi at matibay ang pagkakagawa nito.
“Craftmanship ang magdadala,” paglilinaw ni Ed.
Hindi raw matutuklap ang ganitong roofing kung professional, gaya ng engineer o architect, ang nag-oversee sa connections ng vaults sa structure ng bubong. Kailangang welded upang maging matibay.
“Yung pagiging aerodynamic ng roofing natin ay idea ng dalawang professional.
“Yung architect ang nag-iisip ng form kung paano maging matibay ang structure, at ang technicalities noon ay pinapa-compute sa structural engineer.”
Sabi ni Ed, walang problema kung sa mismong bubong hahampas ang hangin dahil kaya itong harangin ng shed roof.
Pero paano kung mas mababa at sa ilalim ng shed roof humahampas ang hangin?
Ang suggestion ng arkitekto ay maglagay ng parapet.
Bukod sa purpose nitong hindi maging visible ang bubong, nagsisilbing added layer of protection din para ma-disperse ang malakas na hangin.

Ibinahagi rin ni Ed ang isa niyang project kunsaan nilagyan niya ang bahay ng tatlong shed roofing sa halip na isa lamang.
Ang logic daw rito: “Para distributed yung force ng hangin kung tumama sa isang direksiyon…”
Read: Storm chaser Josh Morgerman, binasag ang paniniwala ng mga Pinoy sa Sierra Madre
GABLE ROOFING
Ang gable roofing ay karaniwang disenyo ng bubong na tatsulok ang hugis, na kayang i-disperse ang hangin kahit saan mang direksiyon ito manggaling.
Nagiging kritikal lamang daw ito kapag ang hangin ay tumama sa harap ng gable roof dahil maari nitong buhatin ang buong bubong.
Ang solusyon ng mga engineers ay gawing mas matibay ang framing ng tatsulok gamit ang mga trusses at rafters para anumang bugso ng hangin ay mananatiling intact ang buong structure.

QUATRO AGUAS AND DOME ROOF
Ang pangatlong uri ng aerodynamic roof ay tinatawag na quatro aguas, na may apat na sloping sides.
“Sa quatro aguas, lahat ng side, ibabato niya ang hangin…” sabi ni Ed.

Ang panghuling uri ng roofing ang pinaka-epektibong panlaban sa bagyo.
Ang binigay na example ni Ed ay ang dome roof ng simbahan.
“Kahit saan pumunta yung hangin diyan talagang ibabato ng structure.
“Ang gagawin ng structure, pagtama [ng hangin], ibabato niya sa lahat ng direksiyon…
“Iyan ang pinakamatibay, pinaka-aerodynamic na form ng bubong ng isang structure."
Mas matibay pa raw ito kumpara sa pyramid style.
Yung nga lang, aminado si Ed na ito man ang pinakamatibay na roofing laban sa bagyo ay hindi ito mabenta.
Although dome roofs are considered outdated, architect Ed Ramos describes them as the most effective type of roof against strong typhoons.
WATER-RESISTANT ROOF
Pagdating naman sa tubig mula sa ulan, sinabi ni Ed na importante ang tamang pagpapatong ng mga yero lalo na kapag hindi long span ang ginamit.
Binigyang diin din ni Ed ang paggamit ng tek screws sa pagkakabit ng bubong.
Ang tek screws o roofing screws ang siyang nag-uugnay ng yero sa frame ng bubong.
Karaniwang nilalagyan ng goma ang pagitan ng ulo ng screw at yero.
Ani Ed, “Ang maintenance ng goma na iyan, kapag malalakas ang bagyo, umaalog talaga yung yero dahil may force.”
Dahil dito, nagiging loose ang goma.
“Makakatulong kung every after bagyo ay it-che-chek.”
Karinawan namang nilalagyan ng sealant ang mga goma kapag ito ay lumuwag.
Concrete naman ang pinakamatibay na structural design pagdating sa bubong, ani Ed.
“Kung magde-decide na concrete ang gagawin mong roofing, talagang matibay naman.
“Ang problema diyan is water-proofing.”
Bagama’t concrete, asahan daw na sisipsip ito ng tubig pagdating ng ulan.
“Dahil ang concrete ay porous, may microscopic holes kaya papasukin ng tubig.”
Ano ang solusyon dito?
“Ang dapat mong gawin, tiyakin mo yung bubong—yung surface ng concrete roof at surface ng parapet—ay water-tight. Gagamit ng water-proofing.
Inirerekomenda niya ang membrane type sa concrete roof subalit may kamahalan lamang.
Ang membrane waterproofing ay isang uri proofing sa pamamagitan ng watertight layers.
Yun nga lang, mas mapapagastos daw sa labor.
Pero kung matatanggal naman ang kaba at pangambang mapapasok ng tubig ang bahay, why not, di ba.
