Nag-iisip ka ba o nagkukunsiderang magpagawa ng prefabricated home?
Hindi magtataka ang isang licensed architect kung sa mga susunod na taon ay dumami nang dumami ang demand para sa prefab houses o prefab homes.
Sa social media nga lang, nagsulputan na rin ang maraming manufacturers at suppliers.
Ano ang prefab homes?
Tinimbang ng professional architect at content creator na Edel “Ed” Ramos ang mga pros and cons ng pagpili ng prefab homes kung ihahambing sa tradisyunal na customized houses.
But first, ano nga ba ang prefab homes?
Ani Ed sa kanyang recent YouTube video: “Heto yung mga bahay na dadalhin sa site, it’s either buo na iyon or bubuuin yung mga panels or yung mga parts; mga assemblies nun, at mabilis na maiko-construct in just a matter of days."
TYPES OF prefab homes
May tatlong klase ito.
- Modular type
Ito ang box-type unit na tapos na ang mga parts. Ia-assemble o “pagdudugtung-dugtungin” na lamang sa site.
- Panel type
Paliwanag ni Ed, para itong Lego.
“Bawat panel ay puwedeng ang panel na iyon yun yung wall, yun yung roof, yung flooring, or either way, magagamit ang kada panel na iyon.”
- Container type
Ito naman ang prefab homes na gawa sa container vans na ginamit for cargoes.
“Itong mga shipping containers na ito na galing sa mga pier, galing sa barko [ay] ire-refurbish at iko-convert sa bahay o livable structure,” dagdag ni Ed.
Ang reminder ng architect pagdating sa paggamit ng container van, alamin kung saan yari ito. Minsan, makikita raw ito sa label.
“[K]ung toxic chemicals ang pinanggamitan nun, hindi siya puwedeng gamitin sa habitable space. Maging maingat din.
“Lalo na yung container homes. Although yun ay portable, madali siyang i-convert into something livable kasi nga buo na siya—flooring, roofings, walls…”
Ang mga lightweight steel tulad ng aluminum, galvanized, at light-gauge metals, ay rekomendado niya.
Mayroon din daw Autoclaved Aerated Concrete o AAC, na “lightweight and versatile building material used for walls, floors, and roofs,” ayon sa isang site.
Binanggit din ni Ed ang EPS o Expanded Polystyrene na “lightweight, rigid foam used for its excellent thermal insulation, strength, and versatility.”
Idinagdag din niya ng panelized materials tulad ng insulated fiber cement walls at structural insulated panels.
Kung preference naman ang sustainable materials, mayroong engineered wood at engineered bamboo.

ADVANTAGES OF PREFAB HOMES
Inisa-isa ni Ed ang advantages ng prefab homes.
Una, mabilis itayo ang mga ito. Madalas ay tumatagal lamang ng ilang araw.
Pangalawa, konti ang requirement sa labor o human intervention.
Hindi ito katulad ng traditional customized houses na tumatagal sa pagpapatayo at nangangailangan ng mas maraming manpower.
Pangatlo, “Dahil mabilis itayo, mas konti yung magiging losses mo at wastage sa materyales, labor, at sa oras,” ani Ed.
Maaaring mas mura raw ito depende na lamang kung sa ibang bansa nag-order o nag-import ng materyals.
Tiyak namang mas mura ito kung locally in-order.
Pang-apat, consistent ang quality.
Paliwanag ng arkitekto, “Dahil gawa sa factory, so tested siya at mayroong maliit na chance na medyo mayroong flaws. Kasi nga dumaan iyan sa masinsinang quality control.”

DISADVANTANGES or prefab homes
Una, limitado ang customization nito.
“Hindi kagaya kapag customized yung bahay mo, yung conventional, kapag magpapa-extend ka. Kung gusto mong baguhin every five years, mas magiging madali kung yung conventional.”
Pangalawang challenge dito ay logistics, partikular kung container van type ang napili.
Puwede raw maging hamon ang transportation lalo kung mahirap ang daan patungo sa location, o kaya ay masikip ang area.
Pangatlo, may building code na kailangang ikunsidera.
Paliwanag ni Ed ukol dito: “May mga requirements na maaaring hindi pa pasok yung mga modular units o yung mga prefab houses kasi luma ang building code. Itong mga bagong technology ay hindi pa na-consider noon. So baka magkaroon ng challenge.”
Kaya paalala ni Ed: “Kailangan aralin mo muna bago ka bumili.
“For example, bibili ka ng isang prefabricated home, tingnan mo muna ang specs niya. Ano ang fire rating niya. Ito ba talaga ay structurally accepted na sa city ninyo o sa building code natin?”
Ikunsidera rin daw dapat ang materyal at ang insulation. Bagay ba ito sa klima ng Pilipinas sa panahong mainit?
Huwag din daw kalimutan ang warranty at ang local compliance sa local government unit, kung ito ay pinapayagan.
ARCHITECT’S FINAL SAY
Sa huli, sinabi ni Ed na “very practical” at “modern” ang prefab homes.
Nagpaalala rin siya pagdating sa costing para sa transportation o logistics.
Aniya pa, “Malapit na siyang maging common dahil papunta diyan ang trend natin—mas mabilis itayo, mas mabibilis i-assemble na mga bahay.”
Tiyakin lamang na magugustuhan ang disenyo.
Sa ngayon, may manufacturers naman daw na may available showrooms.
“Maganda ang potential ng prefabricated na mga bahay dito sa Pilipinas, at sana nga, magkaroon din ng customizable na units para kahit na binili mo siya na panel by panel, puwede kang magkaroon ng renovation later on,” ani Ed.
May binanggit pa siyang dahilan kung bakit mas praktikal ang prefab homes.
Sabi niya: "Sa tingin ko, magiging limited na yung mga skilled workers like yung karpintero, mga mason, mga foreman.
“Baka later on, magkakaroon tayo ng shortage sa ganoong klase ng manpower o ganoong skilled workers kasi ang mga bata ngayon, ayaw na sa construction. Gusto nila yung mga trabaho na hindi masyadong labor intensive.”
Bukod sa scarcity of workers, mababawasan din ang carbon footprint kapag pinili ang prefab homes, na mas energy-efficient ipagawa at tirhan.
