Kung hindi pa raw sa 2025 Metro Manila Film Festival official entry na Call Me Mother, hindi makakabili ng mga bagong kasangkapan sa bahay si John “Sweet” Lapus.
Ayon sa 52-year-old film-TV-stage comedian, katas ng talent fee niya sa naturang pelikula ang pinambili, kaya binigyan niya ng mga pangalan ang mga gamit base sa mga karakter sa pelikulang pinagbibidahan ni Vice Ganda.
“Twinkle, Mara, Mama M, at Angelo—ang mga characters sa Call Me Mother na ipinangalan ko sa mga bagong bili kong gamit sa bahay.
“Si Vice Ganda ay si Twinkle, si Nadine Lustre si Mara, yung batang si Lucas Andalio si Angelo, at ako naman si Mama M.
“Si Twinkle yung refrigerator, kasi para puno lagi ng laman. Punong-puno ng love ang character dito ni Vice."

“Si Mara naman ang bladeless electric fan, kasi minsan umiikot siya, at minsan, focused. Focused si Nadine dito sa movie namin. Ang husay niya!"

“Si Angelo naman yung upuan na may ottoman, kasi, like the chair, may support system siya dito sa movie.
"Magaling si Lucas Andalio dito. Pamangkin pala siya ni Loisa Andalio. Lalaban siya sa Best Child Performer award."

“Si Mama M naman ang dining table kasi mahilig magpakain ng food, magbigay ng advice, at mag-share ng love. I’m trying my best every day to be like my character Mama M.”

JOHN LAPUS' CONSIDERATIONS BEFORE CHANGING FURNITURE OR APPLIANCE
Pero bago raw nag-splurge sa bagong kagamitan sa bahay si Sweet, siniguro niyang nararapat nang palitan at swak ang mga ito sa kanyang budget.
“Hindi naman ako ma-brand na tao. Gusto ko lang talaga, may binibili na bagay from each suweldo ko, sa bawat project na natapos ko.
“So I can be reminded to be grateful to those projects pag nakikita ko ang mga bagay na binili ko.
"Minsan bag or relos or shoes. Gamit sa bahay naman ngayon.
“Lagi kong iniisip yung necessity and price lagi. Ano ang gagawin ko sa ref na pang-mayaman kung wala naman laman?” tawa niya.
Alam ba nina Vice, Nadine, at Lucas na parte na sila ng bahay niya?
“Mukhang hindi pa yata. Kasi nabili ko na sila after our last shooting day.
"Baka si Vice, nakita sa Facebook post ko since friends kami sa FB.”
Maingat naman daw si Sweet sa mga naipundar niyang mga gamit. Pero kung kailangan na raw palitan, iba-budget daw talaga niya.
“Kapag sira na or malapit na masira, tulad ng kotse, I sell kapag 4 years old na. Sabi kasi ng mga friends kong magaling sa cars, dumadating daw ang sakit ng mga kotse after 4-5 years.”
Kaya very timely ang pagdating ng movie dahil saktong kailangan na ni Sweet na magpalit ng mga luma niyang gamit sa bahay.
“Sobrang grateful 'ko sa movie na ito. Matagal ko nang gusto bumili ng bagong refrigerator kasi 20 years na yung luma kong ref.
"Pag gabi nga, bigla na lang iyon tumutunog na parang nagsasalita. Pa-Shake, Rattle & Roll na siya!"
Ang tinutukoy dito ni John ay ang isang iconic episode ng popular horror franchise ng Regal Entertainment na pinamagatang "Pridyider" na ipinalabas noong 1984.
“Yung dining table ko naman, synthetic wood lang kaya nagbabakbak na.
“Yung chair with ottoman naman at bladeless electric fan, naka-50 per cent off kaya binili ko na sila.”
Read: Loisa Andalio, Ronnie Alonte soon-to-be-parents
JOHN LAPUS's CHRISTMAS WISH
Ano pa ang wish niyang maidagdag sa kanyang bahay ngayong Pasko?
“Wala naman na sa gamit ng bahay. Nag-iipon ako ngayon para sa renovation and repair ng house.
“Mag-15 years na din itong bahay ko. Madaming tulo, bulok na ceiling, sirang pintura, at basag na tiles.
“Gusto ko ipa-elevate ang harap kasi pinasok ako ng konting baha last year for the first time. Ayaw ko na magka-second time!”
Sa darating na Pasko, ano ang mga tradisyon ng kanyang pamilya?
Sagot ni Sweet: “Every Noche Buena, instead of cooking or buying, nagpapa-contest ako sa mga friends ko.
“MasterChef ang drama. Sila nagdadala ng mga cookfest entry nila. At yung pera na imbes na ipanghanda ko, pinapang-prize ko na lang sa tatlong winners.
“My theme every year ay Pinoy, Seafood, International, etc. Tapos sabay-sabay kami kakain.
“Masayang Noche Buena parati with my friends in the past 10 years.”
