Sa sunud-sunod na pag-ulan nitong mga nakalipas na araw, isa sa mga pinoproblema sa mga bahay-bahay ay ang paglitaw ng amag o molds sa iba’t ibang parte ng bahay— sa dingding, kisame, pader, pinto, o kaya sa furniture.
Hindi dapat ipagsawalang-bahala ito dahil sa banta nito sa kalusugan.
Naglalabas kasi ang molds ng maliliit na spores sa hangin at kapag nalanghap ay puwedeng pumasok sa katawan ng tao.
Maaari itong pagmulan ng allergy, asthma attack, ubo, sipon, at iba pang respiratory diseases.
Puwede ring magdulot ito ng skin disease kapag dumikit sa balat.

Read: Ghost Month is coming: Do's and don’ts you need to know
HOW TO GET RID OF MOLDS
Kapag nakakita ng amag sa bahagi ng bahay, puwedeng punasan gamit ang basahan, detergent, at tubig.
Pero ang tanong: sapat na ba ito para tuluyan nang matanggal ang amag?
Dapat maunawaan na kapag ang amag ay sumulpot, nangangahulugang ang source nito ay moisture sa bahagi ng bahay.
Ibig sabihin, hindi sapat na punasan lang ito. Kailangang puntiryahin ang source, ulat ng UNTV News and Rescue nitong August 17, 2026.
Kailangan ng moisture control upang ma-address ang problema.
Ang molds ay namumugad sa bahagi ng bahay na mataas ang moisture, kulang sa ventilation, may tagas, saka condensation, na nangyayari kapag napansing nagpapawis ang pader.
Indicator ng excessive moisture kapag laging nakakakita ng condensation sa bintana o dingding.
Ngayong tag-ulan, madalas na isinasara ang ating mga bintana at nagsasampay sa loob ng bahay. Ang mga ito ang nagiging sanhi ng moisture sa loob.
Kasali rin ang pagluluto, pagligo, pagkakaroon ng maliliit na leaks na di napapansin, o kaya ay kulang ang air flow.
Ang solusyon: hanapin ang tumutulong bubong o tubo at kumpunihin ito.
Kapag kulob o kaya ay condensation sa pader o bintana, magdagdag ng ventilation gamit ang exhaust fan.
Mainam na mag-install ng exhaust fan sa banyo at kusina.
Huwag din kalimutang buksan ang bintana kapag walang ulan.
Puwede ring gumamit ng dehumidifier para makontrol ang humidity.
Kapag nagpapawis ang pader, huwag itong pinturahan dahil hindi nito maaayos ang problema.
Again, hanapin kung ano ang nagdudulot ng moisture saka ito ayusin bago pinturahan.
