Higit isandaang libong piso ang iniabot na tulong ng kilalang YouTube content creators na sina Zeinab Harake at Ivana Alawi para sa isang batang may karamdaman.
Minarapat nina Zeinab at Ivana na mag-collaborate para sa game na “category challenge” kung saan paramihan sila ng masasabing bagay na pasok sa kategoryang ibinigay.
May katumbas na presyo ang kanilang mga sagot at kung magkano ang kabuuang premyo ang siyang ibibigay sa napiling beneficiary ni Zeinab.
Sa simula ng video ni Zeinab noong December 24, 2021, binisita niya ang isang netizen na nagkokomento raw sa kanyang social-media accounts.
Gusto raw matiyak ni Zeinab na tamang tao ang kanyang tutulungan.
Sinadya ni Zeinab ang tirahan ng napiling tutulungan.
Pinasok ang isang masikip na eskinita papunta sa isang maliit at masikip na tirahan.
Pagpasok sa bahay, sinalubong siya ni Lea Jane Pagaduan, ina ng bata.
Sinilip ni Zeinab sa maliit na kuwarto kung saan nakahiga ang anak ni Lea.
“Yung heart ko,” bulalas ni Zeinab na halatang nagulat nang makita ang kalagayan ng bata.
Hindi na pinakita pa ang hitsura ng anim na taong gulang na batang tinawag na “Baby Prince.”
Sabi ni Zeinab, “Okay na din na dinalaw ko kasi gusto ko din makita para mas mapanatag yung puso ko, na yung tutulungan natin totoo.
“Kasi maraming nagloloko-loko sa mga comment.”
Nabanggit sa pakikipag-usap ni Zeinab sa ina ng bata na kailangan ng atensiyong medikal ng bata, na kumakain sa pamamagitan ng intravenous (IV) tubing na napasok sa ilong nito.
Inabutan ng isang kumpol ng tig-PHP500 ni Zeinab ang ina at naging emosyonal ang dalawang babae.
Hindi na binanggit ni Zeinab kung magkano ang inabot na paunang tulong.

Nagkasundo rin sina Zeinab na pupunta ang ama ng bata na si Arnold sa studio para sa shoot nina Zeinab at Ivana.
Sa katapusan ng challenge nina Zeinab at Ivana, umabot sa PHP95,000 ang kanilang nakuha.
Dinagdagan ito ni Zeinab ng PHP10,000 kaya umabot ito sa PHP105,000, bukod pa ito sa paunang inabot niyang tulong nang bumisita sa bahay ng kanyang beneficiary.
Makikita rin na biglang binulungan ni Ivana si Zeinab. Naibulalas ni Zeinab na magdadagdag ng financial help si Ivana, pero hindi na ibinunyag ang amount.

Paliwanag naman ni Ivana sa ama ng child beneficiary: “Deserve mo, Kuya.
“Nakikita ko mabait kang tao kasi kanina naluluha siya... mahiyain, makikita mo na mabait siyang tao.”
Sa huli, sinabi ni Zeinab na nais nilang makagawa ng makabuluhang content na makakatulong sa ibang tao para sa kanyang last content for this year.