Pinatunayan ni Shirley Alah na hindi lamang siya qualified na magtrabaho sa ibang bansa, kundi kaya rin niyang gawin ang trabahong panlalaki.
Dating guro sa Pilipinas, si Shirley ay nagtatrabaho ngayon bilang welder sa isang malaking tank manufacturing company sa British Columbia, Canada.
“Unang-una talaga, natutuwa ako, napa-proud ako sa sarili ko na isa lang naman akong ordinaryong guro, ‘tapos nag-aral ng ganyan [welding].
“Napa-proud ako kasi marami akong nai-inspire,” aniya sa ulat ni Paula Saraza ng Omni Filipino noong January 19, 2022.
Noong nasa Pilipinas siya, nagkaroon ng problema sa lalamunan si Shirley, at naapektuhan ang kanyang pagtuturo.
“So, nag-isip ako paano ako makakapagturo habang hindi nagsasalita, kasi sayang yung license.”
Nagkaroon daw ng ideya si Shirley nang magbakasyon siya sa Australia.
“Nakita ko na may mga welders. Nakita ko na puwede nga pala akong magturo kahit hindi ko ginagamit yung salita ko, sa pamamagitan ng pagde-demo.”
Nag-aral si Shirley ng welding skills at nagsilbi siyang welding instructor sa TESDA (Technical Education and Skills Development Authority) Women’s Center sa Taguig City ng tatlong taon.

Shirley Alah was a welding instructor at TESDA before she flew to Canada and tried her luck there.
MOVING TO CANADA
Noong 2017, nagkaroon si Shirley ng pagkakataong pumunta sa Canada at hindi niya ito pinalampas.
Pero pagdating doon, napagtanto ni Shirley na hindi pala madali ang makahanap ng trabaho.
Makalipas ang isang taon ng pagtatrabaho bilang tagalinis sa isang ospital sa Vancouver, naisip ni Shirley kung tama ba ang kanyang naging desisyon na lumipat sa Canada.
“Hindi ko sinasabing masama ang maglinis. Ang sinasabi ko may skills tayo.
“Siguro kaya naman akong tanggapin ng company, pero hindi ganoon kadali dahil ilang company na ang nilapitan ko hindi ako tinatanggap.”
Pero hindi sumuko si Shirley. Humanap siya ng paraan para kilalanin ang kanyang credentials.
Pursigido siyang pasukin ang trade industry, partikular nga ang pagiging welder.
Lumapit siya sa Industry Training Authority o ITA sa Canada, na siyang naging daan para mapunta siya sa British Columbia (BC) for Women in the Trades, para kilalanin ang kanyang credentials.
“Yung UA Piping Industry College ay ang ka-partner ng BC for Women in the Trades,” na nagbigay ng certification kay Shirley at labing-isa pang kababaihan gaya niya.
Dahil sa sertipikasyon, nakapasok na sa welding industry si Shirley.
SHIRLEY DETAILS HOW SHE GOT WELDING JOB
Samantala, sa kanyang YouTube video noong 2021, nagdetalye si Shirley tungkol sa kanyang naging employment journey.
Paliwanag niya, hindi welding ang inaplayan niya na trabaho para makarating sa Canada.
“Ang inaplayan ko talaga caregiver. Kinuha ako ng tiya ko. Ini-sponsoran niya ako pumunta dito,” ani Shirley.
Pero pagdating doon, mali ang kanyang akala na mabilis siyang makakakuha ng trabaho dahil may work experience siya sa welding.
“Yun pala hindi nila kinikilala yung pinag-aralan mo sa atin.
“Umuulit pala dito. Yun pala yung standard dito sa kanila.”
Sa pagsasaliksik sa Internet, nagkaroon siya ng pag-asa.
“Natagpuan ko yung ITA. Dito pala sa Canada may kanya-kanyang industry adviser.”
Sa ITA, binigyan siya ng options at ni-refer nga siya sa BC for Women in the Trades, na nag-refer naman sa kanya sa UA Piping Industry College.

Shirley has advice to people seeking jobs abroad: “The best way to learn is to ask questions.”
Nabigyan siya ng certificate o license at inilagay ito ni Shirley sa kanyang resume.
Malaking bagay ang certificate na iyon para kilalanin siya ng mga companies kahit wala siyang work experience sa Canada bilang welder.
At doon na nga siya nakuha sa current company niya.
Payo ni Shirley kaugnay ng kanyang karanasan, “The best way to learn is to ask questions.”
Gusto raw niyang magsilbing inspirasyon sa mga gaya niya na nais makapasok sa trade, kung hindi man sa welding industry, sa ibang bansa.
