Meet Antonio “Yong” Borlongan, 28, miyembro ng Special Weapons Action Team (SWAT) ng Manila Police District.
Ibig sabihin, si Yong ay highly trained pagdating sa pagharap sa mga mapanganib na kalaban ng batas.
Napansin ang kakisigan ni Yong dahil sa isang TikTok video na umabot ng 8.7 million views.
Hindi raw inakala ni Yong na maraming matutuwa sa TikTok video na iyon, kaya't dumami pa ang kanyang followers.

Yong Borlongan uses his TikTok as a platform to connect with his supporters.
Pero lingid sa kaalaman ng marami, sa likod ng magandang nakikita nila at napapanood kay Yong ay ang matinding hirap ang kanyang pinagdaanan bago niya narating ang kinaroroonan.
Lumaki si Yong sa sementeryo at biktima ng bullying noon.
Single mom ang kanyang ina na si Alona.
Bata pa lang si Yong, iniwan na siya sa kanyang lolo at lola para makapagtrabaho ang ina.
Ang kanyang lolo ay isang sepulturero—gumagawa at nagpipintura ng nitso.
Sa murang edad, kasa-kasama siya at katulong ng kanyang lolo.
Ani Yong na naitampok sa Rated Korina, January 22, 2022, “Tumutulong po ako sa kanya. Helper po ako.”
Dulot ng kahirapan, nabuo ang mga pangarap ni Yong, “Bilang isang bata, nagkaroon po ako ng pangarap sa buhay.
“Nakita ko po ang aking mga magulang, nakita ang aking lolo kung gaano po kahirap.
“Dumadating talaga sa punto na wala talagang ulam. Kanin lang po talaga.”
Sa kabila noon, sinisikap ng kanyang lola at lolo na may maipaulam sa kanya, habang ang dalawnag matanda ay nagtitiis sa tubig at asin bilang ulam.
Tampulan si Yong ng tukso ng mga kaklase dahil nakatira siya sa sementeryo.
Tinutukso rin siya dahil sa kanyang pagiging gusgusin noon.
Taong 2003, bumalik ang kanyang ina at kinuha na siya. Katuwang sa pagpapalaki kay Yong ang kanyang stepfather.
Nang makapagtapos sa high school, hindi inisip ni Yong na makakatuntong pa siya sa kolehiyo.
“Dito po sa amin, karamihan po dito sa Manila North Cemetery, pag ikaw ay nakatapos na ng high school, parang dun na mai-stop ang buhay pag-aaral mo.
“Ang gagawin mo, tutulong ka na sa pamilya mo.”
Kaya laking gulat daw niya nang sabihan siya ng ina magpapatuloy siya sa kolehiyo.
Sa pagtutulungan ng ina at mga kamag-anak, naipasok sa kolehiyo si Yong.
Kumuha siya ng Criminology sa Philippine College of Health Sciences Inc.
Lahad pa ni Yong, “Bilang estudyante, susuklian ko ng kasipagan.
"Kahit hindi matalino ang aking isipan, basta pasok lang nang pasok, makakapasa…”
Nagbunga ang pagsusumikap ni Yong dahil naka-graduate siya at pumasa sa board exam noong 2016.

In 2016, Yong graduated with a B.S. in Criminology ang passed the board exam.
Lubos ang pasasalamat ni Yong sa layo ng kanyang narating.
Sa interview sa kanya, hindi niya maiwasang maging emosyonal sa pagbabalik-tanaw sa kanyang narating.
“Naiiyak ako dahil sa dami-dami ng tao, ako yung napili na maging alagad at tagapagpatupad ng batas.
“Sinisikap na maging isang mabuting pulis. Kaya nakakaiyak dahil sa tuwa. Walang mapaglagyan ng tuwa.”
Pumanaw na ang lolo at lola ni Yong at nakalibing sila sa Manila North Cemetery.
Bilang sukli sa kanilang pag-aalaga, ipinagawa niya ang mga ito nang maayos na nitso.
Sa sementeryo pa rin nakatira si Yong kasama ang kanyang ina.
Paliwanag niya, “Dahil andito po ang aking comfort zone. Dito po ako masaya.
“Andito po ang buhay ko. Walang sasaya pa sa lugar na ito."
Sabi pa ng binata na nais maging mabuting ehemplo sa iba, “Paglabas ko ng bahay tinatawag nila akong Idol Yong.
"Boss Yong, Sir Yong. Nakakataba po ng puso yung ganoon.”

Yong says the cemetery, his home for many years, will always have a place in his heart.
Wala raw intensiyon si Yong na lisanin ang sementeryo.
Aniya, “Kahit na ako’y bigyan ng pagkakataon ng Diyos na mas lalong umangat pa, hinding-hindi ko kakalimutan ang lugar na ito.
“Nandito na po ako, e. Dito na po ako lumaki. Dito na rin po ako hihimlay.”