Matapos ang halos 20 years na pagtatrabaho bilang security guard, napagtapos na ni Roque Bongay, 49, ang kanyang dalawang anak ng college.
Ang isa ay Information Technology (I.T.) graduate at ang isa naman ay electrical engineer.
Kaya naman kuwento ng asawa nitong si Carmen Enderes Bongay, 48, inaatupag nila ngayon ang pagpapatayo ng kanilang bahay sa Albay, Bicol.
Nag-post si Carmen ng larawan sa Facebook group na Simple House in the Philippines.
Under construction pa ang bahay, pero halos tapos na ito.
Caption ni Carmen (published as is), “Isang gwardiya 22yrs in service dahil sa pagtatiyaga nkpagpatapos na Ng IT at Isang registered electrical engineer
“Ngayon inuumpisahan Ang pinangarap na bahay.paunti unti matatapos ka din.
“Sa mga katulad Ng asawa kona Isang gwardiya kaya natin to,Basta sipag,tiyaga at didikasyon sa trabaho.”
Sa kasalukuyan, nasa Valenzuela City sina Carmen at Roque kasama ang tatlong anak.
CONSTRUCTION PROGRESS NG BAHAY
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Carmen sa pamamagitan ng tawag nitong Martes, March 1, 2022.
Nagkuwento muna si Carmen tungkol sa kanilang tatlong anak.
Ang panganay ay 26 anyos at nagtapos ng I.T. sa Datamex College of St. Adeline.
Ang pangalawa ay 25 anyos at board passer na nagtapos ng Electrical Engineering mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela, kung saan siya naging scholar.
Pareho nang may trabaho ang dalawa at nakakatulong sa kanilang mga magulang.
Ang kanilang bunso ay nasa Grade 9.
Ani Carmen ukol sa trabaho ng asawa, “Nag-umpisa po siya noong 2000. One year sa pabrika, ‘tapos next year, nasa Mercury po siya, hanggang ngayon…”
Si Carmen naman ang nag-aasikaso sa bahay.
Unang nag-post si Carmen tungkol sa ipinapatayong bahay sa FB community page noong July 2021.
Balangkas pa lang noon ang ipinapatayong bahay na gawa sa hollow blocks.
“Two months po iyon. Nag-stay yung asawa ko doon para maipatayo po iyon, kasi panahon po ng pandemic iyon," ani Carmen.
“Yung pera na naipon po namin nang konti, yun po yung naipatayo in two months.”

Muli siyang nag-update nitong February 22, 2022.
“Makaipon nang konti, ipapagawa po. Itong last post ko, yung umuwi po ng one week."
Aniya, ang kabuuan ng bahay ay 7X9 meters at may dalawang kuwarto.
Nakatayo ang ipinapagawang bahay sa 400-square-meter lot sa Albay.
Napalagyan na nila ng tiles ang sala, pero hindi pa ang kusina at CR.
FINANCIAL CHALLENGES
Ayon kay Carmen, tinatayang PHP550,000 na ang nagagastos nila sa pagpapagawa ng bahay.

Paglilinaw niya, wala pang definite date kung kelan mapapatapos ang bahay dahil naipagpapatuloy lang ang pagpapagawa kapag nakakaipon sila.
Desidido naman nilang ituloy ito dahil pinangarap nilang mag-asawang magkaroon ng sariling bahay.
Malaking bagay daw ang paglo-loan ng kanyang mister sa SSS at Pag-IBIG para maumpisahan ang pagpapagawa.
Biro ni Carmen, “Dumating kami sa ‘London: loan dito, loan doon.’”
Aniya tungkol sa mister, “Mga loan niya sa SSS, sa Pag-IBIG, maka-ano lang talaga ng pera para sa bahay.”
Pero paglilinaw niya, responsable ang kanyang asawa pagdating sa pagbabayad ng loan.
“Sa kanya, talagang pag inutang, babayaran. Hindi po siya yung tipo pag inutang, wala na.”
Ang ginawa nga ng mister niya, nang halos wala nang natitira sa sahod dahil sa laki ng kaltas, kinuha na niya ang lump sum ng kanyang Pag-IBIG, dahil nag-mature na ito pagkatapos ng 20 years.
Nakaawas na rito ang utang para sa kanilang bahay at may natira pa kay Roque para ipagtuloy ang pagpapagawa ng bahay.
Start daw uli ang mister sa paghuhulog sa Pag-IBIG.
Kumpiyansa si Carmen na mapapatapos din ang bahay at ang pagpapaaral sa kanilang bunso.
“Basta makaipon, yun pagawa [ng bahay]. Unti-unti. Utay-utay, matatapos din iyon.”
Paalala ni Carmen, “Pag may pinangarap ka, yun iyon. Ituon mo yung isip mo, yung puso mo sa pangarap na iyon.”


CHALLENGES SA PAGPAPAARAL
Binalikan din ni Carmen ang hirap na dinanas nila nang pinag-aral ang dalawang nakatatandang anak.
“Nung nag-aaral pa po mga anak ko, wala pa po talaga, as in zero-zero lagi. Minsan dumarating yung panahon na wala.”
Kinakailangan daw noon mag-advance ng asawa para may pantustos bago sumapit ang susunod na sahod.
“Nung nakatapos na po sila, unti-unti nakatabi. Kasi pinangarap po talaga ng asawa ko na magkaroon talaga ng sariling bahay,” ani Carmen.
“Hindi ko ikinakahiya na yung PHP300, pagkakasyahin sa isang araw, basta may bigas na.
“Sabi nga po, di ba, yung higpit ng sinturon. Talagang dumaan kami sa walang-wala.
"As in yung 13th month pay, hindi mo na mahawakan kasi nakahanda nang ibayad sa utang.
“Yung sahod niya asingko, na-advance na po yun. Magbabale lang po sa opisina para may panggastos sa 15 days.”
Malaking bagay raw na sa kanilang pamilya, “walang luho.”
Ani Carmen, “Kelangan yung luho, isantabi muna, kung talagang may pangarap para sa pamilya.
“Isantabi muna iyon. Mag-ipon.”
Diin niya, hindi rin naman nawawalan ng pagsubok sa buhay may-asawa.
“Hindi lahat fiesta. Talagang may taghirap. Kailangan isipin mo yung bukas, hindi lahat ubos-ubos biyaya.”
Giit niya kapag may nais makamit, “Tumingin nang straight. Pag may pinangarap, doon mo ituon ang isip mo, yung puso mo para makapag-ipon ng konti.
"Pag nakapag-ipon nang konti, puwede nang maumpisahan."
