Isang taon nang strawberry and cucumber picker sa Canada si Albert Frederick Logo.
Ang kanyang sahod kada buwan: PHP124,000.
Idinetalye ng Overseas Filipino worker (OFW) kung ano ang araw-araw na ginagawa ng isang tagapitas ng prutas sa Canada.
“Mga limang taon na akong OFW, pero nag-start muna ako sa Taiwan.
"Nahikayat akong magpunta dito kasi balita ko, maganda nga raw dito sa Canada,” kuwento ni Albert sa episode ng Unang Hirit noong April 28, 2022.
“At alam niyo, mukhang hindi ako nagkamali.”
Sa isang modern bunk house nanunuluyan si Albert kasama ang labing-isa pa.

Ipinakita ni Albert via video kung paano ang tamang pagpitas ng strawberries at cucumber.
Inihihiwalay ang bad-shaped at good-shaped strawberries.

Ibinahagi rin niya na kinakailangang kasama ang mga dahon sa dulo ng strawberry kapag pinipitas ito.
Madali raw kasing mag-moist sa container kapag natanggal ang dahon ng strawberry.

Sa cucumber naman, pinagsasama ang magkaka-size na pipino at hindi basta-basta inilalagay sa bin.

Sabi ni Albert, ang rate ng kagaya niyang fruit picker ay 15 Canadian dollars kada oras, at may kasamang 1 Canadian dollar na incentive.
ALSO READ: Pinay na tagapitas ng prutas sa Australia, umaabot sa PHP226K kada buwan ang kita
FRUIT PICKER's SALARY BREAKDOWN
Sa kabilang banda, may mga content si Albert sa kanyang YouTube channel na nagdedetalye ng mga impormasyon tungkol sa pagiging fruit picker.
Noong July 28, 2021, detalyado niyang ipinakita at ipinaliwanag ang breakdown ng kanyang sahod.
Aniya, hindi ito fixed rate kada linggo dahil maraming basehan.
Halimbawa, sa unang linggo ng Mayo 2021, ang sinahod ni Albert ay 1,004 Canadian dollars o PHP40,000 sa unang linggo.
Pero kung tatanggalin ang deductions gaya ng tax, utility expenses (bunk house fee), employment insurance, at Canadian pension plan (version nila ng Social Security System), ang net rate ay magiging $756, o tinatayang PHP30,000 kada linggo.
Nangangahulugan itong ang buwanang sahod ng kagaya niyang fruit picker ay papatak ng PHP120,000-PHP124,000 kada buwan.
Dagdag ni Albert, “So, iba-iba po ang oras namin kada isang linggo. May 68.50 hours, ‘tapos iba rin ang rate ko.
“’Tapos meron ding 65 [hours], meron ding 63 [hours].
Sabi niya pa, “Pero mataas yung rate ko kasi ang rate na iyan, depende iyan sa bilis ng pagtatrabaho mo. Diyan sila nagbi-base, sa mga trabaho.
“Ang pinakamataas na oras ko rito as strawberry picker is 82.75 hours kaso patayan na talaga iyan.
“Pero nakikita niyo ang average natin dito is 750 Canadian dollars [kada linggo].”
