Dati ay sa entablado nagpe-perform si Don Simon, o mas kilala bilang Bustamonte, ng Pinoy rap group na BB Clan.
Ilan sa mga OPM artists na kasabayan ng BB Clan noong ‘90s hanggang early 2000s ay sina Andrew E. at ang yumaong si Francis Magalona.
Nakasama na rin nilang mag-perform ang Parokya ni Edgar at si Gloc-9.

Pero ngayon, ang entablado ni Don Simon—Simeon Monte sa totoong buhay—ay ang kusina.
Si Simeon ay ang namamahala ngayon sa isang pares business sa Calgary sa Alberta, Canada.
Ang negosyo ni Simeon ay ang Sky’s Food Company Pares Atbp., na nagse-serve ng pares at mga Pinoy rice toppings.
Ang lagi raw niyang isini-serve ay garlic style na “parang kanto style ang pagkagawa.”
Madalas daw sa kanyang mga suki ay mga estudyante at mga empleyadong nagmamadali.
Kuwento ni Simeon, paminsan-minsan ay may mga Pilipino sa Canada ang nakakakilala sa kanya, lalo na yung mga ka-edad niya.
“Love ko talaga ang music industry kung ako tatanungin,” lahad niya sa Omni Filipino report, July 26, 2022.
“[Pero] yung love minsan, yung love ‘tsaka ano ba yung dapat gawin, minsan mahirap i-decide iyan.”
Higit isang dekada na si Simeon sa Canada.
Sabi ni Simeon, kuntento na siya noon sa pagso-show at pagtugtog sa mga gigs sa Pilipinas, pero naisip niya kung ano ang gusto niyang gawin sa buhay.
Dahil may kaalaman siya sa culinary arts, nakapagtrabaho sa Canada ni Simeon bilang skilled cook.
Pero bukod sa pagiging skilled cook, nagtrabaho rin siya noon bilang caregiver, lalo na noong kasagsagan ng pandemya.
Biro pa nga niya, isa siyang “curacha,” ang terminong nangangahulugang “walang pahinga.”
Nag-aral ulit si Simeon ng Business Administration sa Canada.
“So pag papasok ako ng school, may mga dala akong food packs. Ibebenta ko iyon sa classmates ko doon.”
Bakit pares ang naging specialty ng kanyang negosyo?
Aniya, "Ang nakita ko kasi is yung opportunity na walang gumagamit ng ganitong idea."
Pinapakinggan noon ni Simeon ang mga komento ng kanyang mga kaklase, para sa itatayo niyang food business.
Hanggang noong March 2022 ay binuksan na ni Simeon ang kanyang food business.

HOW SIMEON GOT TO CANADA
Samantala, sa isang YouTube vlog interview noong October 2020, naibahagi ni Simeon kung paano siya napadako sa Canada.
Taong 2007 ay nagtungo siya sa Amerika para sa kanyang on-the-job training bilang graduate ng culinary arts.
Isang taon siyang nagtrabaho sa Belmont, Arizona.
Naisipan niyang magtuluy-tuloy na magtrabaho abroad at humanap ng country kung saan magtatrabaho.
Nagbukas ang Canada noong 2009 at hindi pinalampas ni Simeon ang pagkakataon.

Nakita rin ni Simeon na maganda ang healthcare system sa bansang iyon.
Ngayon, nagagamit pa rin niya ang kanyang talento sa paggawa ng musika dahil siya mismo ang gumawa ng jingle ng kanyang food business.
