Magkaiba man ang industriyang kanilang ginagalawan, magkapareho ng taste sina Small Laude at Megastar Sharon Cuneta pagdating sa mga kaldero at cookware.
Bida sa kanilang mga kitchen ang magara at mamahaling Le Creuset cookware, isang French brand na itinayo noon pang 1925 at kilalang pioneer ng colorful cookware sets sa buong mundo.
Sa magkahiwalay na vlog posts sa kani-kanilang YouTube channel, ipinakita nina Small at Sharon ang kanilang imported collection na hindi basta-basta ang presyo.
Sa vlog na Unboxing More Stuff I Bought Online Part 2! ni Small noong April 3, 2021, hile-hilera ng Le Creuset products ang ipinakita niya sa kanyang followers.
Ang mga ito ay imported cookware, stoneware, at tableware collection na in-order ni Small abroad.

Mula sa mga kaserola, tea kettle, bandehado, hanggang sa chopstick rests o yung mga patungan ng chopsticks ay daan-daang libo ang halaga ng mga ito.
Hindi nalalayo ang mga ito sa Le Creuset collection na ibinida ni Mega sa kanyang vlog na MEGA Kitchenware Collection noong November 25, 2020.
Ipinasilip ni Sharon ang mamahaling cookware sets mula sa brand na gamit raw niya sa pagluluto for the longest time.

THE MAGIC OF LE CREUSET
Ang Le Creuset na may headquarters sa Fresnoy-le-Grand, France, ay halos isang siglo na ang tanda.
Sikat ang brand sa high quality, durable, at chip-resistant enameled cast iron na may lifetime warranty.
Hindi lamang ito magandang lutuan kundi maganda rin sa paningin.
Ayon sa statement sa website nito, ang Le Creuset ay hindi marapat na itinatago kundi talagang dapat ginagamit sa lahat ng okasyon, mapa-simpleng family dinner man o engrandeng selebrasyon.
Sabi sa statement, “Our cookware is beloved for the empowering performance it delivers, the personal style it expresses and the rich memories it helps make.
“Le Creuset cookware isn’t the kind to gather dust in a cabinet — cooks turn to it regularly, folding it into their everyday rhythm in the kitchen.”
Mismong si Sharon ay nagpatunay na malaking bagay ang kanyang mga gamit sa kusina tuwing magluluto para sa kanyang pamilya.
Kuwento ni Mega sa kanyang vlog, “Ako, usually because I have extended family on my husband’s side, or from my side coming when there’s an occasion, especially before COVID hit us…
“Pag Pasko or usually New Year, or may okasyon sa bahay, at ako’y nagluluto pa noon ng napakadami, ng madalas nung buhay pa ang mama ko, I would really use all these pieces of cookware.”

MAGKANO ANG ISANG LE CREUSET COOKWARE SET?
Bagamat sa Paris nakabase ang headquarters ng Le Creuset, maaari itong ma-order online ng customer from any part of the world.
Maaaring gumawa ng order through its website, o kaya ay sa mga ecommerce sites tulad ng Amazon at eBay.
Ang regular price ng signature enameled cast iron 11-piece ultimate cookware set ay nagkakahalaga ng USD2,203.00 o PHP119,821.17.
Available ito in red, gray, o kaya ay orange tulad ng kay Small at blue at purple tulad ng kay Sharon.
Mayroon din seven-piece set nito na nagkakahalaga ng USD1,443.00 o mahigit PHP78,000.00, o 5-piece set na may presyong USD820.00 o halos PHP45,000.00.
Ang isang rectangular dish na maaaring magamit sa oven at paglutuan ng iba’t ibang breads at baked goods ay nagkakahalaga ng USD70.40 kada piraso o kulang-kulang PHP4,000.00.
Sikat din ang Le Creuset sa stoneware nile nito na “crafted in irresistible colors for those who love to cook, eat, and entertain.”
May dinner plates na nagkakahalaga ng USD106.00 kada apat na piraso, katumbas ng PHP5,765.00.
Ang mugs naman nila ay USD24.00 o PHP1,305.36 bawat isa.

Ang Le Creuset cookware sets ay binubuo ng Dutch ovens, skillets at fry pans, grill pans and griddles, saucepans, stockpots, roasting pans, at iba pa.
Ang kanilang bakeware naman ay binubuo ng muffin pans, baking dishes, pie and tart dishes, at ramekins.
Para sa dinnerware collection, makakapamili ka ng iba’t ibang klase ng pinggan, servers, glassware, coffee and tea sets, at maging mga trivets at coasters.
Mayroon din silang iba’t ibang kitchen utensils tulad ng mga spoons, spatulas, cutlery, salt and pepper mills, measuring tools, at iba pa.