“Nag-start po kami doon sa PHP7,000,” simula ng businesswoman na si Rogelyn “Ghie” Pangilinan sa My Puhunan ng Kapamilya Channel, sa episode na inilabas nitong July 16, 2023.
Si Ghie na dating Overseas Filipino worker (OFW) at online seller ay matagumpay na nakapagpatayo ng kanyang kumpanya ng beauty products.
Kalaunan ay nag-venture na rin siya sa food business at real estate.
Ngayon, siya na chief executive officer ng kanyang group of companies.
Nakabili ng mamahaling mga sasakyan, at itinatayo na ang kanyang 10-bedroom dream house.
Nagsimula ang lahat sa puhunang PHP7,000 at pagbebenta ni Ghie ng sabon online.

Dahil sa magandang review ng kanyang produkto, unti-unti itong lumago.
Sa ngayon, ang dating sabon na ibinebenta ni Ghie ay nag-expand na sa higit 100 beauty products sa brand niyang Skin Magical.
Read: I.T. engineer, nag-resign sa trabaho para magtinda ng siomai; benta per day ay PHP5K
HOW HER BUSINESS GREW
Nagtapos ng Computer Science course si Ghie noong 2001, at nag-asawa noong 2003.
Habang nagtatrabaho bilang seaman ang kanyang asawang si Jerry, naging housewife si Ghie at rumaraket bilang clerk.
Taong 2009 ay nagpunta siya sa Dubai at naging secretary, pero pagkatapos lamang ng tatlong buwan ay umuwi na siya.
“Hindi ko po talaga kaya na mawalay din sa mga anak ko,” ani Ghie na may apat na anak.
At dito na siya nag-venture sa sabon.
Taong 2014, napagdesisyunan ng kanyang asawang si Jerry na umuwi na sa Pilipinas.
“Nung makita niya na lumalago na yung business, so pinauwi ko na po siya na pagtulungan na lang po namin yung business, kasi mahirap po yung lumalaki yung mga bata na ako lang po yung nagga-guide,” sabi ni Ghie.
Sa kanyang Linkedin, may paglalarawan si Ghie sa kanyang naging pag-asenso.
“From only one beauty soap product, my company’s product line has grown and expanded to include cosmetics, real estate and many more. Magical Cosmetics, Artista Scent, Cloud Face International are just some of the brands we have successfully introduced to the market.
“In 2019, I ventured into food business and I created my own food brand, Tea Talk with growing numbers of franchise stores nationwide.
“My company’s phenomenal success is anchored in our core values of integrity and accountability. My sincerity to provide consumers with products that are safe, effective and affordable has been my guiding principle.”

Read: Call-center agent's food kiosk now has 60 resto branches, 40 more coming up
FRUITS OF HER HARD LABOR
Si Ghie ay may sarili nang planta para sa kanyang beauty products.
Sa toner lang, nakakagawa sila ng 100,000 bottles kada araw.
Meron na rin siyang 1,000 distributors sa buong bansa, at malakas ang kanilang produkto sa mga OFWs.
Ipinakita sa My Puhunan ang mga magagarang sasakyan ni Ghie, gayundin ang ipinapatayong two-storey dream house na itinatayo sa halos 2,000 square-meter lot area.

Sabi ni Ghie sa ipinapatayong bahay, “Sa tagal naming mag-business, ito po yung pinakahuli namin na pinagagawa…
“Kasi ang naisip kasi naming hindi siya profitable, so parang investment lang po namin.
“Gusto naming business muna para kumita po nang kumita."
Sabi naman ng kanyang mister, “From nangungupahan kami before, ito na yung bunga ng paghihirap naming, natutupad na isa-isa.
Read: SUCCESS STORY: Judge James Fernandez, dating tindero ng palamig, ice candy, banana cue atbp.

SECRET TO SUCCESS
Ano ang sikreto ng mag-asawa sa pag-asenso?
“Tulungan namin, suporta sa isat-isa. Brainstorming,” sabi ni Jerry.
“Siya [Ghie] kasi yung magaling mag-isip, e. Then di-discuss namin kung puwede ba o hindi.”
Sabi pa ni Jerry, “Bigayan kung ano yung plano, kung pupuwede or hindi. Wag samahan ng bisyo, lalo na negosyo.”
Ang sabi naman ni Ghie, “Di kami tumitigil sa pag-innovate ng product kasi alam naman po natin an andaming pong skincare brand, lalo na po dito sa online.
“Pero hindi po kami nakikipagsabayan doon. Mas gusto po naming mas ma-improve po naming yung product namin.”
At siyempre, importante raw ang pagkakaroon ng pananampalataya at pagkapit sa Panginoon, lalo na sa panahon ng mga pagsubok.
