Sangkaterba at naglalakihang mga isda ang nahuhuli ng mga Pinoy factory workers sa ilog malapit sa kanilang tinutuluyan sa Dalin Town, Chaiyi County, Taiwan.
Hindi rin nila kailangang magpakahirap dahil tila umaapaw ang ilog sa dami ng isdang kumikislot.
Isang hagis lamang ng lambat, puno agad!
Mayroon pa ngang mga higanteng isda na dinadakma lamang para mahuli at gawing ulam.
Sa dami ng kanilang huli kada araw, kaya nilang pakainin ang 100 kasamahan sa pabrikang pinapasukan.
Read: Teacher in Masbate aiming to give free lunch to students daily for entire year


LIBRENG ULAM, DAGDAG IPON
Madalas marinig na “hindi namumulot ng pera ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa ibang bansa,” pero sa kaso ng grupo ng OFWs sa pangunguna ni Ran Olivares, na tubong Cebu, literal na namumulot lang sila ng pang-ulam.
Sa report ng 24 Oras ng GMA, inamin ni Ran na malaking tulong ang kanilang panghuhuli ng isda upang makatipid sa gastusin, at makapag-ipon kahit paano.
Hindi lang sila basta nalilibang, nakakalibre pa ng pangkain.
Aniya, “Gusto lang po namin makapag-ipon. [Ito] ang ginagawa namin para makalibre ng ulam.”
Pero hindi lamang iyan ang benepisyong hatid ng ilog sa kanilang buhay.
Karaniwang ipini-feature ni Ran sa kanyang Facebook at YouTube channel ang panghuhuli niya ng isda, alimango, palaka, at sari-saring biyaya ng mga ilog, at patok ang content na ito sa mga netizens.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang 798,000 followers sa Facebook at 7,440 subscribers sa YouTube ang “fishing adventure” ni Ran at ng kanyang mga kasamahan.
Ayon sa kanya, hindi ipinagbabawal ang panghuhuli ng isda, bagamat may ilang restricted areas dahil marumi o kontaminado ng mga kemikal ang tubig.
Read: Identical twins, iisa ang boyfriend; wish nila na sabay magbuntis

Wala din sila gaanong kakumpitensiya dahil ang karamihan sa locals na naninirahan doon ay hindi kumakain ng isda at karne dahil sa kanilang religious beliefs.
Kuwento pa ni Ran sa GMA: “Mayroon silang hindi kumakain ng karne tapos lagi silang nagpapakawala ng mga hayop o isda.”
“Ang kinakain lang nila ay gulay,” dagdag pa niya.
Forte ni Ran ang pangingisda dahil ito ang kinalakihan niyang hanapbuhay sa Cebu.
Pero sa buong buhay umano nito ay sa Taiwan lamang siya nakaranas ng ganoon karaming huli.
Kung parusa sa ating mga Pilipino ang baha sa Pilipinas, biyaya itong itinuturing nina Ran at mga kasamahan.
Kasunod kase ng pag-agos ng baha ay ang limpak-limpak na higanteng tilapia, karpa, at alimango ang kanilang nahuhuli.
Malinis daw kase ang karamihan ng ilog sa Taiwan.
Kung ganito lamang sana kalinis ang mga ilog at dagat sa Pilipinas, baka walang Pilipinong magugutom o mangingisdang uuwi na basyo ang nasa bangka.