Masuwerte ang ginang na si Teresita Garcia.
Paano ba naman, isang beses pa lamang siyang tumaya sa lotto, nanalo siya agad ng PHP4.5 milyon!
Ang ibang suki ng lotto, taon ang binibilang sa pagtaya sa mga inaalagaang numero.
Pero si Nanay Teresita, naka-jackpot agad, at sa isang iglap, nagbago ang buhay niya.
Pero hindi nagtagal, naubos agad ang kanyang premyo.
Anong nangyari, bakit hindi nagtagal sa kanyang kamay ang inasam na kaginhawaan sa buhay?
Read: Slain Mr. Cayagan de Oro candidate’s dad reacts to arrest of suspects
FIRST-TIME BETTOR
Sa loob ng higit tatlong dekada, namamasukan bilang kasambahay si Teresita.
Pag-amin niya nang matampok ang kuwento sa I-Juander ng GMA News and Public Affairs noong October 8, 2023, hindi siya mahilig sa lotto.
“Dati maliit pa itong bahay namin, namamasukan akong kasambahay. Tagaluto, taga- ano, ganoon. Basta lahat ginagawa ko.
“Thirty-five years akong namasukan diyan,” kuwento ni Teresita.
Ang hindi niya alam, may nakatakda palang suwerteng darating sa kanya.
Inengganyo siya ng kanyang amo na tumaya sa lotto.
December 5, 2005 napilit si Teresita ng kanyang amo na tumaya.
“Nalaman namin ang taya [lotto result], December 10. Hindi ko naman alam na tumama.
“Nagulat ako, tahimik sila. ‘Lola, may pambayad ka na ng kuryente.’ Sabi ko, 'bakit?'
“'May pera na tayo…'
“Sabi ko, ‘Bakit tayo magkakapera?’”
Sagot daw ng kanyang pamilya, “E, tumama tayo sa lotto!”
Sa isang iglap, napuno ng mga tao ang loob ng bahay ni Teresita.
Read: Loyal dog rescued after year-long wait for dead owner outside hospital

Si Teresita Garcia, kasambahay na nanalo ng PHP4.5 sa lotto noong 2005
ANSWERED PRAYER
Akalain niyong ang sampung piso ni Teresita para sa pagtaya ay napalitan ng milyon.
Bukod sa pagbayad ng utility bills, agad na ipinaayos ni Teresita ang bahay nila.
Kung dati ay maliit at masikip ang tinitirhan, napa-extend na ito ni Teresita.
Nakabili rin siya ng jeepney na pampasada para makatulong sa pang-araw araw.
Hindi rin magpapatalbog si Nanay Teresita pagdating sa travel. Aba, bumiyahe sila ng mister niya sa Cebu, Dumaguete, at maging sa Dubai. Lahat ng ito ay dahil sa milyong dala ng lotto.
ONE TIME, BIG TIME
Ang nakaligtaan ni Teresita ay palaguhin ang pera.
Hindi niya namalayan, paubos na ang milyones na hinahawakan. Nakakalungkot na nauwi rin sa wala ang lahat.
“Nung time na tumama ako, nagulat ako. Ang tao diyan, pila. Naubos ko na yung PHP500,000 na butal sa pamimigay ng three days to one week sa kakapamalato.
"Yung naipundar kong mga sasakyan, naisipan ko nang ibenta, kasi nga nagkasakit ang mister ko.”
Maikling sandali lang natamasa ni Nanay Teresita ang kaginhawaan sa buhay.
Ngayon, balik kayod siya, at nagtitinda ng bagoong.
Sa kabila ng lahat, thankful pa rin si Teresita.
“Napakasarap. Napalaking suwerte na nangyari sa buhay namin yun.”
Kung dati’y hindi siya palataya sa lotto, ngayon isa na si Teresita sa patuloy na tumataya at nangangarap na mabiyayaang muli ng isa pang chance na manalo.
“’Pag nanalo po ako uli, iyan po ang dinadasal-dasal ko. Matututo na ako sa buhay.
“‘Yung talagang ilalaan ko na para sa sarili ko, sa mga apo ko’t mga anak ko.”
Minsan lang kumatok ang suwerte sa ating buhay, kaya pag nangyari ito, gawin natin ang lahat para yumabong at hindi magtampo ang grasya ng pagpapala.