From rags to riches.
Ganito kung ilarawan ng 75 years old na si “Ogie” ang naging buhay niya.
Mula kasi sa pagiging anak ng isang tsuper sa Maynila, nahanap niya ang magandang kapalaran niya sa Espanya.
Naging hadlang man noon ang kahirapan sa kanyang pag-aaral, nagpursige siyang makatapos para maabot ang mga pangarap.
At unti-unti, nabuo niya ang buhay na dati ay ipinagdarasal lang niya.
Subalit, bago makarating sa rurok ng tagumpay, dumaan din siya sa maraming pagsubok na sinikap niyang malagpasan.
Inabot din siya ng maraming taon bago niya nakamit ang magandang buhay.
Read: Driver finds white diamond worth PHP5.6 million
JEEPNEY DRIVER'S SON IS A MAN WITH A BIG DREAM
Pang-apat si Ogie sa walong magkakapatid.
Isang jeepney driver ang tatay niya at housewife naman ang nanay niya.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong July 10, 2024, ibinahagi ni Ogie kung gaano kahirap ang buhay na kinagisnan niya.
Nakatira ang buong pamilya niya sa isang maliit na bahay noon.
Kuwento niya, “Kapag umuulan, tumutulo yung bubong, natutulog kami nakapayong.
“Walo kami, isang hilera para kaming bargain sale na tao doon na nakahiga.
“Kapag bumabaha, halos hindi kami humihinga.
“Wala rin kaming kubeta pero hindi ako nahihiya dahil iyon ang kinalakihan ko, e.”
Dahil sa kahirapan, hanggang high school lamang siya nakatuntong. Hindi siya kayang paaralin sa college ng mga magulang.
Aniya, “Ang sabi ko sa tatay ko, gusto ko mag-college, pero wala rin talaga kasi wala nga kami.
“Frankly speaking, ang mga kapatid ko walang pinag-aralan. Ako lang.
“Ang pinakamataas na tinapos ng mga kapatid ko, high school lang, e. Yung iba, hindi pa nga tapos ng Grade 6. Wala silang pangarap.”
Naikuwento rin ni Ogie na isa pa sa mga dahilan kung bakit ayaw siyang papasukin sa kolehiyo ng kanyang mga magulang ay dahil hindi naniniwala ang mga ito na may mararating siya.
“Ako may pangarap, ayaw ako suportahan ng mga magulang ko.
“Sabi ko, gusto ko mag-aral, ang sabi lang ng tatay ko, ‘Bahala ka, ano itutulong namin sa iyo, e, walo kayong magkakapatid? Driver lang ako at walang trabaho ang nanay mo.’ Kaya, iniisip ko kung paano ko tutuparin ang pangarap ko nang walang sumusuporta,” sabi niya.
SELF SUPPORTING STUDENT
Dahil sa matinding hangad na magpatuloy sa pag-aaral, namasukan si Ogie bilang pahinante sa isang pagawaan ng tela noong 16 years old siya.
Pinagsabay niya ang pagtatrabaho at pag-aaral sa isang vocational school dahil sa kagustuhang makapagtapos.
Siya ang nagbabayad ng sariling tuition at ang kalahati ng sahod niya ay inaabot sa ina para pandagdag sa araw-araw na gastusin.
Nang matapos niya ang vocational course, nakapasa siya sa board exams at naging isang radio operator.
Habang nagtatrabaho bilang radio operator, muli siyang nag-aral sa kursong Bachelor of Science in Business Management sa Lyceum of the Philippines University (LPU) upang magkaroon na ng bachelor’s degree.
Kuwento ni Ogie, “Gusto ko kasi magkaroon ng titulo para maipakita ko sa mga kapatid ko na ako ang ehemplo nila at sundan nila ang yapak ko.
“Gusto kong hilahin ang pamilya ko na tumaas kami pare-pareho.”
Kaya naman, nang matapos niya ang pag-aaral ng business management noong 1979, muli siyang nag-aral ng Associate in Hotel & Restaurant Management at nagtapos noong 1981.
Bukod dito, nagkaroon pa siya ng Master’s Degree in Business Administration at Education.

Read: Italian athlete loses wedding ring at Paris Olympics; wife, netizens react
OGIE’S JOURNEY IN SPAIN: CONQUERING IT ALL
Matapos ang kanyang graduation noong 1981 at pagiging radio operator sa loob ng mahigit sampung taon, niyaya siya ng kanyang nobya na magbakasyon sa España at nangako itong tutulungan siya sa lahat ng magiging gastusin.
Noong una ay nagkaroon ng agam-agam si Ogie..
Ngunit nang maisip niya na pagkakataon iyon para makahanap ng magandang trabaho ay pumayag siya.
“Ang sabi ko, baka ito na yung kapalarang hinahanap ko. Baka ito na yung dasal ko sa Diyos,” sambit niya.
Napuno ng pag-asa si Ogie at ginawa niya ang lahat ng makakaya upang makaalis.
Humingi siya ng tulong sa mga dating kompanyang pinasukan, mga kaibigan, at maging sa mga magulang, na hanggang sa pag-alis Ogie ay hindi raw naniwala at hindi siya sinuportahan.
Kuwento niya, “During that time, ibinenta ng father ko yung jeep niya. Alam ko six thousand niya nabenta, e.
“Ako naghahanap noon ng pera kung sinong puwedeng lapitan at mahiraman muna kasi wala talaga, e. Kukulangin ako ng pera.”
“Umuwi ako ng bahay, narinig ko nag-uusap ang tatay ko at saka nanay ko sa may kusina.
“Ang sabi ng nanay ko sa tatay ko, ‘Aalis ang anak mo, ‘Tulungan mo kahit papaano dahil naibenta mo naman ang jeep mo.’”
“Dinig na dinig ko ang sinabi ng tatay ko sa nanay ko, ang sabi ng tatay ko, ‘Hindi! Hindi ko siya bibigyan! Anong malay ko? Mamaya ako tumanda hindi niya nga ako tulungan, e. Hindi ako tutulong! Magdusa siya mag-isa.’”
Himutok ni Ogie, “Samantalang ako lang ang naging breadwinner sa amin.”
Buhat noon, mag-isang ginawan ng paraan ni Ogie ang mga pangangailangan niya upang makaalis ng bansa.
“Walang itinulong ang magulang ko, mula maleta, damit, medyas, ultimo briefs, lahat yun ako.
“Pero kahit na hindi nila ako tinulungan, mahal ko pa rin sila.
“Pangarap nilang tumira sa maayos na bahay, tumira sila sa magandang bahay bago sila mawala,” sabi niya.
Sa kabila ng mga balakid, nagawang makalipad sa Spain ni Ogie.
LIFE IN MADRID
Pagdating niya sa Madrid ay tumuloy siya sa pamilya ng nobya kasama ang mga pinsan nito.
Noong una, naging mahirap para kay Ogie ang makahanap ng trabaho dahil wala siyang kakilala doon at hindi siya marunong mag-Spanish.
Subalit, kalaunan ay naging portero (member of security personnel) rin siya sa Philippine Embassy sa Madrid.
Salaysay niya, “Ang trabaho ko, 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
“Pagkatapos, kailangan ang building mapainit ko kasi malamig doon. Wala kaming heater. Ang heater noong araw puro kahoy na panggatong, at saka uling na bato ang ginagamit namin.
“Pinagtiisan ko yun, isang taon. Nagigising ako ng alas-dos, nagpapainit ako ng building hanggang alas-siyete y media. Alas-otso, may trabaho pa ako saembassy.”
Dahil labis nahirapan sa trabaho, isang taon lamang ang itinagal ni Ogie sa embassy.
Pagkatapos mag-resign, pinasok niya at pinagsabay-sabay ang iba’t ibang uri ng trabaho—mula sa pagiging dishwasher, kusinero, at messenger.
Aniya, lahat ng hirap ay naranasan at tiniis niya sa pagnanais na makahanap ng magandang buhay sa España.
Kuwento niya, “Naranasan ko umupa sa isang apartment, studio lang yun, ah.
“Pati kubeta may natutulog, sa bathtub. Ang mahal ng upa ng bahay, e.
“Sampu kami noon sa studio. Pinagtiisan ko yun kasi kung hindi ka talaga marunong magtiis at magsipag doon, magugutom ka at mahihirapan.”
Ang hindi niya alam, darating pala sa buhay niya ang isang taong magpapabago ng kapalaran niya.
ALBERTO, THE MAN WHO MADE OGIE’S DREAMS COME TRUE
Matapos ang ilang taong pagtitiis ni Ogie sa samu’t saring trabahong pinagsabay-sabay niya, dumating si Alberto sa buhay niya.
Salaysay niya, “Isang araw, nagkakape ako, yung nakatabi ko, nakipagkuwentuhan sa akin, although ang Español ko balu-baluktot pa.
“Kumbaga sa English, e, barok na barok talaga ang Español ko.
“‘Yung nakilala ko na yun, ang bait! Kaya ngayon, pinagdadasal ko pa rin yun kahit ang tagal nang patay, e.
"Lagi ko sinasabi sa Diyos na dalhin niya sa langit dahil napakabait noon.”
“Noong nakilala ko yun sa coffee shop, nahiya ako magtanong kung ano ang hanap-buhay niya.
“Lagi na kami nagkikita noon, hanggang sa tinanong niya ako kung hindi raw ba ako nahihirapan sa trabaho ko.
“Sabi niya, ‘May proposal ako kung gusto mo.’ Hindi ko alam ang pagkatao ng tao na yun, yun pala, ambassador siya.
“Kaibigan niya ang presidente ng Venezuela.
“Sabi niya sa akin, ‘Kung gusto mo, ikaw na lang mag-caretaker sa bahay ko.’”

Nakita ni Ogie ang “proposal” na ito bilang isang magandang opportunity.
Kaya naman, iniwan niya ang trabaho sa restaurant at iba pa niyang side jobs.
Nang maging caretaker sa bahay ni Alberto, nag-umpisa na siyang makaipon.
Kuwento ni Ogie, “Noong nakaipon na ako, ang sabi ni Alberto, ‘Iyong naipon mo, ibigay mo sa akin, bibili tayo ng bahay mo.’
“Dahil matagal ko nang kilala, binigay ko yung ipon ko. Talagang bumili siya ng bahay.
“Nakabili kami malapit sa bahay niya. Yung unang naging bahay ko pa nga, doon tumira si Dr. Jose Rizal, sa kalye na yun. Sa Infanta.”
Ang ipon niya na ibinigay, kulang ng pambili ng bahay.
“Subalit, dinagdagan daw ito ng Español bilang regalo sa pagiging tapat niyang kaibigan.
Taong 1990 nang mabili ni Ogie ang eight-bedroom house sa Spain.
Kasabay nito ay nagtayo rin siya ng isang antique shop sa Madrid at iyon ang naging negosyo niya doon.

Kalaunan, naibenta niya ang kanyang bahay at antique shop nang doble sa presyo matapos ang dalawang taon.
Ito ay sanhi ng pagbabago ng pera sa España mula Pesetas patungong Euro.
At nang dalhin niya ito sa Pilipinas, dumoble pang lalo.
Matapos maibenta ang bahay sa Spain, nalaman niyang pinaaalis na ang pamilya niya sa tinitirhan ng mga ito sa Maynila.
Ang solusyon lamang ay aalis sila o bibilhin ang buong lupa upang maging sa kanila ito.
Dahil dito, nagdesisyon na si Ogie na magbalik-bayan at bilhin ang lupa noong 1997.
Pagkalipas ng dalawang taon, nagpatayo na siya rito ng isang hotel, isang condominium, at isang disco bar.
Sa kabutihang palad, naging successful iyon at naging investment niya sa loob ng maraming taon.
OGIE’S JOURNEY FORWARD
Bunga ng kanyang pagsusumikap, natupad ni Ogie ang mga pangarap niya sa buhay.
Natulungan niya ang lahat ng mga mahal niya sa buhay—mula sa kanyang mga magulang, kapatid, pinsan, pamangkin, at maging mga apo.

Photo: Ogie (topless) during the construction of his condominium in Manila in 1999
Bukod diyan, naikot niya na ang buong mundo at nabili lahat ng bagay na noo’y pangarap lamang niya.
Ang mga sapatos at laruan na hindi niya nabibili noong kabataan niya, binili niya lahat.
Dahil noon, hindi man lamang siya nakahawak ng mga ito at hanggang tingin lamang siya sa ibang mga bata.
Sabi niya pa, “Nangarap ako noong mahirap pa ako na lahat ng wala ako, mabibili ko rin balang araw.
“Ngayon, narating ko na ang buong mundo, e.
“Narating ko na ang Europa, narating ko na ang South America, narating ko ang Africa, narating ko Asya.”
Mag-isa sa buhay si Ogie dahil hiwalay siya sa asawa at nasa puder ng dating misis ang mga anak nila sa Canada.
Kaya naman, ang lahat ng panahon niya ay iginugugol sa pagtuturo.
Sa kasalukuyan ay professor siya sa isang sikat na state university sa Manila.
Nang tanungin kung hanggang kailan siya magtuturo, ang sagot niya: “Hanggang buhay ako. Tatapusin ko ang buhay ko sa mga bata.
“Ang pangaral ko sa kanila, laging mag-aral ng mabuti dahil nasa sakripisyo at pagtitiis, nandoon ang tagumpay.
“I am the example. Lahat mararating niyo, basta magsumikap kayo.”

Photo: Ogie in different countries (Clockwise: Czechoslovakia, Egypt, Russia, USA, Greece, London, Morocco, and Austria)
Ibinahagi rin ni Ogie na kung sakaling dumating ang oras ng kanyang kamatayan, ang lahat ng kayamanan niya ay sa simbahan niya ibibigay.
Aniya, “Ipinagkaloob sa akin ng Diyos lahat iyan. Kung hindi dahil sa kanya, hindi ko makikita lahat iyan, hindi ko maaangkin.
“Siya lahat ang nagbigay sa akin niyan kaya sa Kanya ko rin ibabalik.”
Sa kabutihang palad, tahimik na namumuhay ngayon si Ogie—wala siyang anumang karamdaman—at nagpapasalamat siyang lubos dahil dito.
Ang buhay niya, bagamat hindi naging perpekto, ay isang patunay na walang hindi kakayanin ang isang taong may pangarap.
Gayundin, ang kuwento niya ay nagsisilbing paalala na kung walang ibang naniniwala sa iyo, ikaw ang unang dapat maniwala at magtiwala sa sarili mo.