Sa gitna ng patung-patong na problemang sumalubong sa mga estudyante ngayong pasukan, isang paaralan sa Parañaque City ang nagtayo ng emotional baggage counter.
Ang misyon nito ay pagaanin ang mabibigat na damdamin na dinadala ng mga estudyante pati na rin mga guro.
Binuksan ang emotional baggage counter sa main campus ng Parañaque National High School, kasabay ng opisyal na pagbubukas ng school year 2024-2025 nitong Lunes, July 29, 2024.
Inilaan ito para sa mga estudyante at mga gurong may anumang sama ng loob na nais nilang ilabas.
Isusulat ito sa piraso ng papel at ilalagay sa dropbox, o kaya nama’y sasabihin ito sa guidance counselor.
Read: Hermès heir planning to give away wealth says money vanished
NETIZENS REACT to emotional baggage counter
Samu’t saring reaksiyon ang netizens sa Facebook post ng ABS-CBN News kaugnay ng kakaibang konseptong ito ng Parañaque National High School.
May mga humanga sa innovative idea ng paaralan.
Published as is, narito ang ilan lamang sa mga positibong komentong inani ng nasabing post:
“This is great! It is a bold move to help address or alleviate student's problems emotionally and mentally. Kudos to the people behind this for promoting mental health awareness."
“Finally something innovative and useful.”

“Ang gandang idea neto, mahalaga din ang mental health dapat hindi isinasantabi. Kudos sa pamunuan ng paaralan.”
“Sobrang malaking tulong po yan...salute po sa nakaisip niyan..”
“Very good! It’s time mental health becomes de-stigmatized in our schools too. At yung mga nag-haha react, sana you just found it cute and witty, but hopefully you realize that it’s a serious, important matter.”
Read: Old painting of Henry VIII discovered via random post on X

May nagbigay din ng suhestiyon kung paano mas mapapalawak ang benepisyo ng pagkakaroon ng emotional baggage.
Ayon sa isang netizen, “The school teachers as second parents, are to be trained in handling students in processing their emotions which should be Christ-centered.”
Ang isa namang netizen ay hindi sumasang-ayon sa pagiging open area ng counter.
Aniya, “Mas maganda sana kung may isang room. Privately. Pero kudos. Maimprove pa yan. Mental health is our concern now and kailangan itong pansinin ng ating pamahalaan at mga concern groups.”

Pahayag ni Priscilla Mislang, Grate 10 teacher ng naturang school sa One Balita interview, "Minsan ang problema natin, sino yung pagkakatiwalaan natin na sasabihan, di ba?"
Sabi ng school principal na si Gerry Lumaban, sa ganitong paraan daw ay magkakaroon ng outlet ang mga may pinagdaraanan sa school.
"Napansin ko na puwede pa lang gawin na ang kanilang mga suliranin outside of the school ay puwedeng pansamantalang ilagak sa ating mga emotional baggage counter," sabi ng principal.
CLASSROOM AND TEACHER SHORTAGE
Maganda ang intensiyon ng emotional baggage counter para sa mental and emotional health ng mga estudyante.
Pero mayroon pa ring mas mabibigat na problemang hinaharap ngayon ang education system sa bansa, tulad ng problema sa kakulangan ng sapat na classrooms at teachers.
Bilang bagong kalihim ng Department of Education (DepEd), layon ni Secretary Sonny Angara na mapabilis ang proseso, mula sa paglalaan ng pondo hanggang sa pagpapatayo ng mga bagong classrooms.
Ayon sa report ng ABS-CBN News, plano ni Sec. Angara ang pagpapatayo ng climate-resilient classrooms.
Ang goal nito ay para hindi maantala ang klase tuwing may kalamidad, gaya ng bagyo.
"Iyong identification of vulnerable sites, kailangan bigyan ng atensiyon. Pag-aaralan ang resilient classrooms, palalakasin ang bubong, etc,, so pag-aaralan namin iyon,” ani Angara sa isang post-SONA forum noong July 24, 2024 sa Pasay City.
Para mapunan naman ang kakulangan ng mga guro, isusulong ang pagpapasa ng budget na lilikha ng 140,000 teaching positions para sa 2025.
THE MATATAG CURRICULUM
Pagtutuunan din ng DepEd ang pagpapalakas ng kasanayan ng mga Pilipinong mag-aaral para umangat ang kanilang performance sa Program for International Student Assessment (PISA) na muling gaganapin sa 2025.
Base kase sa 2022 results, hindi makapantay ang kakayahan ng ating mga estudyante sa kanilang mga kaedad sa ibang bansa lalo na sa larangan ng science, creative thinking, math, at reading.
Bilang tugon, lumikha umano si Secretary Angara ng task force na siyang tututok dito.
Ayon sa kanya, "We are also going to craft some PISA-type quizzes and examinations to give to our students periodically because we need to monitor their progress to see the interventions we are making…
“And, hopefully, we also have data to a more granular level, meaning at the student level, where we can really monitor who are adapting well to the new learning programs."
Pinasinayaan din sa taong ito ang pagpapatupad ng MATATAG curriculum para sa mga mag-aaral ng Kindergarten hanggang Grade 10, na siyang nagbibigay ng higit na atensiyon sa pagpapalakas ng “reading and comprehension skills,” gayundin ang madalas na pagsasagawa ng “science projects.”