Nagkakaisa sina Mommy Dionisia, 76, at Michael “Mike” Yamson, 50, sa pagsasabing tunay ang pagmamahalan nila.
Halos labing-isang taon na silang nagsasama, at ang relasyon nila'y pinatatag na ng mga pagsubok.
Sabi ni Mike, isang dating seafarer, dumaan daw siya sa stage na kailangang kumbinsihin ang pamilya ni Mommy Dionisia at patunayang totoo ang kanyang hangarin.
Pero hanggang ngayon ay patuloy pa ring pinagdududahan ng iba ang kanyang intensiyon kay Mommy Dionisia.
HOW MIKE GOT MANNY’S APPROVAL
Kabilang daw sa mga nag-obserba sa kanya ay ang world-famous son ni Mommy Dionisia, ang boxing champ na si Manny Pacquiao.
Isang taon daw silang hindi kinausap ng anak, subalit kalaunan, binati na rin sila.
Ani Mommy Dionisia: “...nakita ni Manny na kuwan siya, totoo. Nipansin na niya."
Dugtong ni Mike, “After one year, kinakausap na ako ni MP [tawag kay Manny], so nagkakasundo na kami.”
Read: Mommy Dionisia, kasama ang ex at present sa 75th birthday
At that time, may mga maliliit na negosyo silang ipinatayo.
“Nag-put up kami ng grocery store at boutique, so napalago namin more than one year," pagbabahagi ni Mike.
Pero pinahinto raw sila ni Manny dahil, ayon kay Mike, “Wala ng time sa family, parties kasi, naka-focus sa business."
Yun ang hudyat ng pag-welcome ng pamilya sa partner ng kanilang ina.
Itinampok ang kuwento ng couple sa YouTube interview ni Bernadette Sembrano nitong August 10, 2025.
MOMMY DIONISIA AND MIKE'S LOVE STORY
Nagsimula ang kanilang relasyon sa pag-uusap sa telepono at text messaging.
Kuwento ni Mommy Dionisia, sinusuyo siya ni Mike noon na tanggapin siya para maging masaya ito sa tuwing nasa laot o sa dagat.
Minsan daw ay sinabi ni Mike kay Mommy Dionisia na pupunta ito sa General Santos para magpakilala.
Tanong daw ni Mommy Dionisia, hindi ba ito natatakot na may dalawa siyang anak na boksingero? Bukod kay Manny, boxer din ang kapatid nitong si Bobby Pacquiao.
Hindi raw natatakot si Mike.
Pero ang unang kinausap ni Mike noon ay ang ina at mga kapatid ni Mommy Dionisia.
Sumunod dito ang mga anak.
Inusisa ni Bernadette si Mike kung paano siya na-develop kay Mommy Dionisia.
“Ganoon kasimple lang,” sagot niya.
“Parang lumalim siya. Habang tumatagal, ang nakikita ko sa kanya, unti-unti na parang gusto ko na siyang makilala nang lubusan.”
HOW MOMMY DIONISIA WAS CONVINCED OF MIKE’S INTENTION
Paano napatunayan ni Mommy Dionisia na mahal siya ni Mike?
Aniya, hindi raw ito basta-basta sumusuko.
Sa tuwing lumalaki ang away nila, sinasabihan niya si Mike na magbalot na ng damit at umuwi na sa kanila sa Iloilo.
Humahagulgol daw si Mike at humihingi ng tulong sa bodyguard ni Mommy Dionisia na huwag siyang paalisin.
Nais tumbukin ni Mommy Dionisia na kung ayaw talaga siya ni Mike, nag-alsa balutan na ito para iwan siya.
May isa pa raw patunay si Mommy Dionisia: “Kung hindi totoo ang pag-ibig ni Michael sa akin, hindi ako niya hahawakan. Mahiya siya sa daming tao, mahiya siyang maghawak, akbayan niya ako, hawakan niya ako.
“Yung mga tao, tingin lang sa amin. Mga kilala sa amin [sasabihin], ‘Ang sweet naman,’” nangingiting kuwento ni Mommy Dionisia.
In short, magandang senyales para kay Mommy Dionisia ang Public Display of Affection (PDA) ng partner.
Dagdag ni MIke ukol sa PDA nila ni Mommy Dionisia, “Until now.”
ON MISUNDERSTANDINGS AND MONEY
Ang mga away daw ng couple ay maliliit na bagay lamang, tulad ng “adjustments” sa malaking age gap nila.
“Kapag medyo mas lamang, sobra ng edad sa iyo ang partner mo, maraming insecurities, maraming hindi pagkakaunawaan kahit small things lang na salita. Sensitive,” sabi ni Mike.

Ano naman ang masasabi ni Mike sa paratang na pera lang ang habol niya sa ina ni Manny Pacquiao?
“Until now," pagkumpirma ni Mike. “Kasi we’re into social media. Bumuo kami ng sarili naming Facebook account, pati YouTube na rin, so more on bashers tayo ngayon.
“Hindi mo maiwasan talaga na below the belt na napakagrabe na salita.
“Hindi ko na pinapansin. Hindi ko na iniinda iyan.”
Katwiran ni Mike, sa tagal na ng pagsasama nila ni Mommy Dionisia, napatunayan na niya ang malinis na intensiyon.
“Hindi mo naman kasi puwedeng itago yung nararamdamdan kung nagsisinungaling ka, hindi ka totoo sa partner mo.
"Hindi mo maitatago iyan for almost 11 years. Lalabas talaga ang intensiyon mo sa partner mo.”
Dagdag ni Mommy Dionisia, hindi raw siya hinihingan ng pera ni Mike.
Sa halip: “Sabi niya sa akin, ‘Patunayan ko sa imo, kamatayan lang ang hiwalayan natin. Sino mauna sa atin, kamatayan lang maghiwalay sa atin,’ sabi niya.”
MIKE ABANDONED DREAM FOR MOMMY DIONISIA
Ibinahagi rin ni Mommy Dionisia ang naunsiyaming pangarap ng kanyang partner: ang mag-abroad.
Kinausap pa nga raw siya ng ama ni Mike tungkol dito.
Subalit sinabi raw ni Mommy Dionisia na kapag ipagpapatuloy ni Mike ang pagbabarko, tatapusin na ang kanilang relasyon.
Ang paniniwala raw kasi niya, “in every port, report,” pagtukoy sa reputasyon ng ibang seaman na may multiple relationships.
Si Mike ay mula sa pamilya ng mga seafarers, at isa sa mga kapatid niya ay nakabase na sa San Diego, California sa U.S.
“Lahat sila ay graduate ng college, mga professionals, at may kanya-kanyang buhay.
“Bilang bunso, may sarili akong buhay, may sarili akong gustong gawin.
"Yun nga ang ginawa ko.
"At ang desisyon ko na mapunta ako sa kanya, at naging magkasama kami sa isang bahay,” ani Mike pagtukoy kay Mommy Dionisia.
Sa ngayon ay hindi pa ikinakasal sina Mike at Mommy Dionisia, pero gusto raw nila.
Dagdag ni Mike: “Hindi ma-explain, pero ginusto ko siya, e. Di ko ma-explain, pero yun yung nararamdaman ko, e. Ginusto ko nga, so minahal ko, ginusto ko.
“So, yun, di mo ma-explain ang nararamdaman mo. Masaya ka kasama siya.”
MIKE TAKES GOOD CARE OF MOMMY DIONISIA
Naikuwento naman ni Mommy Dionisia na dalawang beses na siyang bumagsak dahil nagkasakit.
At sa parehong pagkakataon ay walong buwan siyang kinailangang alagaan.
Saksi raw ang mga kaanak ni Mommy Dionisia sa paghagulgol ni Mike nang mawalan siya ng malay.
Sa ngayon, si Mike raw ang umaasikaso kay Mommy Dionisia.
Ito ang laging nagluluto ng pagkain, nag-aalaga, at nagbibigay ng mga gamot at maintenance.
Nangingiti pang sabi ni Mommy Dionisia, “Andaming naiinggit sa akin, mga kaibigan. Kasuwerte…”
