Mula sa pagiging estudyante, napilitang magtrabaho si Fresquivel “Fres” Morla, 24.
Isa siyang high-school graduate na naging tagabalot ng ordered items online.
Pero ngayon, isa na siyang milyonaryo at full-time businessman.
Iyan ang buod ng success story ng owner ng Homey Philippines—isang beddings, linens, and home textiles business na inilunsad four years ago.
Nagbebenta siya ng bedsheets, unan, comforters, unan, at iba pa.
Read: All 38 featured vehicles of the Discaya family and their prices
THE CHALLENGES IN FRES’S LIFE
Paglalarawan ni Fres, dati lamang siyang tipikal na estudyante na ang tanging hangad ay makapagtapos.
Siya ay binatang happy-go-lucky na ang pinagkakaabalahan noon ay mga barkada at mga kaibigan.
Ang sandalan ng kanilang pamilya ay ang kanyang ama, kaya malaking dagok ito sa kanila nang pumanaw ito.
“Wala na kaming father figure na malalapitan, matatanungan… Anong gagawin dito? Saan kami hahanap ng kakainin namin pang-araw-araw? Ano yung pambayad dito?” lahad niya sa DTI Asenso Pilipino episode ng DTI Philippines YouTube channel nitong August 26, 2025.
“So, dun na dumating yung point na kailangan na naming tumayo sa sarili naming paa.
“Kahit hindi kami sanay noong mga panahong iyon, wala kaming choice dahil wala na yung provider namin.”
Pakiramdam daw ni Fres ay nawalan siya ng direksiyon. Balak pa raw niyang kumuha ng abugasya dahil ito ang gusto ng kanyang ama.
“Nawalan ako ng purpose. Ano nang gagawin ko?’ Di ko na alam kung anong trabaho ang papasukin ko… ano yung next…”
Paano naman siya nakabangon mula sa pagkakasadlak?
“God’s will din. Ako rin, hindi ko alam kung paano ko naangat yung sarili ko, e,” sagot niya.
Read: Vlogger Claudine Co, binabatikos dahil sa pagbalandra ng lavish lifestyle
FRES'S GOAL
Sa gitna ng nararamdamang kalituhan tungkol sa kanyang gagawin, isang araw ay bigla raw niyang naramdaman na kailangan niyang bumangon.
Kuwento ni Fres: “Out of nowhere kasi nung time na iyon, magkasama kami ng partner ko. Parang sa kanya ko lang din na-realize kasi, parang sinabi niyang malungkot ako.”
Ibinahagi tin ni Fres ang nabasang motivational post na nakapagpa-inspire sa kanya.
Ani Fres: “If you have an idea na gusto mong simulan… sa pagnenegosyo tapos naniniwala ka doon, and sobrang lakas ng belief mo na magwo-work iyon pero wala ka lang kapital, mangutang ka.”
Iyon daw mismo ang sitwasyon ni Fres. Mayroon siyang negosyong nais simulan, pero wala raw siyang kapital para makapagsimula.
Nabuhayan daw ng loob si Fres at maging ang partner niya ay napansin ito.
“Doon bumalik yung saya ng mata ko. Doon bumalik yung saya ng ngiti ko,” sabi ni Fres.
Napagtanto niyang may bago siyang purpose. Pakiramdam din daw niya ay ginising siya ng Diyos para magsimula muli.
FRES'S FIRST JOB: "TAGABALOT" NG PARCEL
Hindi raw nangutang si Fres.
Sa halip, pumasok siya bilang tagabalot ng mga parcels na inu-order online.
“Sa mga online sellers, yung mga nagbabalot ng mga order nila through online, yun ang naging trabaho ko,” sabi ni Fres.
Dahil high school lang ang natapos niya, pakiramdam niya noon ay mahihirapan siyang makakuha ng ibang trabaho.
Pero malinaw raw kay Fres ang hangaring makaipon ng kapital para sa pangarap niyang business.
“Basta sumahod ako para makapagsimula, kahit magkanong sahod, basta makapagsimula…” sabi niya.
Pinagbutihan at minahal ni Fres ang kanyang trabaho bilang tagabalot ng orders.
Lalong nag-alab ang kanyang paghahangad na magkaroon ng business dahil na-inspire siya sa kanyang employer.
“Doon lang ako unang naka-meet ng may tao palang online seller lang na kumikita ng parang million o seven digits,” sabi niya.
Ginusto raw niyang maging katulad ng kanyang employer.
“Dun na nag-switch yung dream ko na maging entrepreneur. Gusto kong maging kagaya niya. Siya yung first mentor ko and naging business partner ko na rin siya.”
Bukod sa pagsisipag, malaking tulong daw kay Fres na tinuruan siya ng kanyang employer.
“Yung pinakanatutunan ko sa kanya dahil minahal ko yung trabaho ko, nagkaroon ako ng integrity and trust na na-build doon sa boss ko.
“So kahit hindi ko trabaho, even small things na ginagawa ko doon, napapansin niya.”
Ipinakita raw niya sa kanyang boss na eager siyang matuto.
“Kahit ito lang yung trabaho ko, mapagkakatiwalaan ako. Doon na siya nagkaroon ng trust sa akin…
“Masaya ako doon sa ginagawa ko kasi feeling ko, negosyo ko siya.”

FRES STARTS OWN BUSINESS
Makalipas ang tatlo o apat na buwan, umalis si Fres at sinimulan ang kanyang online-selling business.
“Nagkaroon ako ng lakas ng loob, confident ako na kapag pinag-aaralan namin ng partner ko yung ginagawa sa online selling, okay naman yung ideas namin.”
Sa simula raw ng kanilang negosyo, “Nagkakaroon din kami ng result, pero lack of resources lang.”
Sa paghahangad na mapalago ito, lumapit daw siya sa dati niyang boss para sa partnership.
Pareho din ang mga produktong ibinebenta ni Fres, pero focused siya sa online selling.
Itinayo niya ang sariling negosyo at tinawag itong Homey Philippines.
Pagmamalaki ni Fres, bukod sa may magandang kalidad ang mga bed sheets ay maganda rin sila sa mata.
Sabi niya, “Very aesthetic and modern din siya ngayon. Yung binebenta namin bumabagay din sa panahon ngayon.”
Lumaki ang customer base niya. Nagkaroon siya ng repeat orders.
Tiniyak daw ni Fres na satisfied ang kanyang customers, lalo pa at ang malaking porsiyento ng kanyang mga clients ay nabiktima ng scam sa online orders.
Sabi ni Fres: “Halos karamihan pa ng mga customers namin, nakakalungkot lang, na galing scam. I think siguro 90 percent of our customers, galing silang scam.
“Ito ang mga customers na bibili ng bedsheet, pero iba ang ipapadala.”
O kaya raw ay low quality ang makukuhang items.
Dito raw bumawi si Fres. Tiniyak nilang good quality ang orders sa kanila.
“Pinapakita ko sa kanila yung assurance na safe ka sa amin. So kung di mo magustuhan, puwede mong ibalik.”
Pero hindi raw ito madali noong una.
“Ang hirap i-prove na legit kami. Minsan binibigay ko pa ang sariling Facebook account ko para ma-contact kami.”
Naitampok daw ang kanilang negosyo sa ibang TV programs at nakatulong ito para makilala ang mga p[rodukto niya.
Isa pang naging hamon kay Fres ay ang tamang pagpapatakbo ng negosyo.
Paniniwala kasi ni Fres, hindi matatawag na business owner kung pagbebenta lang ang alam. Kailangan din daw ng ibang aspeto tulad ng tamang paghahawak ng finances at mga tauhan.
Pagbibigay-halimbawa pa niya, naging problema nila noon ang overscaling—o ang paglago ng negosyo nang walang concrete plan.
Dahil dito, iniwan daw sila ng mga tao. Hindi na nila alam kung saan sila kukuha ng products.
Nang matanong tungkol sa kanyang mga produkto, sinabi ni Fres na gawa sila sa premium Canadian cotton.
“Ang daming scammers, lagi nilang sinasabi cotton sila pero hindi pala totoo,” kuwento ni Fres.
Ang ginagawa raw niya ay bibili sila ng raw materials na Canadian cotton at ipapatahi ang mga ito sa mga lokal na mananahi.
Naranasan na raw niyang mag-import ng ready-made products abroad. Pareho lamang daw ang pagkakagawa, at minsan ay may damages pa.
“Mas napagtanto ko din na mas magaling magtahi ang mga Pilipino,” sabi ng batang negosyante.
Bukod pa rito, nagagawa pa niyang makatulong sa mga kababayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho.
Ang mga mananahi ni Fres ay mga elders sa Bulacan.
Dagdag niya: “So, mas quality na yung gawa, nakakapag-provide pa ng trabaho.
“So, mas pipiliin ko na lang dito magpagawa sa mga Pilipino.”
Aminado rin si Fres na nakapakalaking factor sa kanyang negosyo ang social media. Kung wala raw ito, baka hindi sila makabenta.
Aniya, gamit ang social media, kahit walang physical store, basta matutunan lang kung paano ito mag-work, puwede nang makapagsimula.
Pinag-aralan din daw nila kung paano gamitin ng big brands ang social media pagdating sa marketing at ginaya nila ito.

ADVICE TO BUSINESS OWNERS
Sa mga nagpaplanong magnegosyo o may sinimulang negosyo, ang payo ni Fres: ”I-build ang foundation kung saan ka magaling? Paano ka magkakaroon ng foundation? Paano maging the best?
“Pag-aralan mo and dig deep mo kung anong career ang gusto mong gawin.
“Walang bagay na hindi mo magagawa basta pinag-aaralan siya.”
Suwerte nga raw ang mga tao ngayon dahil lahat ng kailangang impormasyon ay “available” na at madaling mahanap online.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagiging willing matuto.
Halimbawa, kapag may natutunan ang isang negosyante, kahit hindi magtagumpay ang negosyo ay bitbit pa rin niya ang natutunan.
“I believe wisdom, principles, and values ay ang pinakalamahalaga sa negosyo.”
Sa estado ngayon ng kanyang buhay, nais lang daw ni Fres na i-enjoy ang journey bilang businessman, maging successful man o hindi.
Next, mas palaguhin ang pera.
Hindi siya masyadong nag-i-invest sa material properties, pero marami raw siyang insurances, stocks, at business assets sa negosyo.
Never din daw nade-delay ng sahod ang kanyang mga trabahador.
Most of all, iginiit din niya ang pagkakaroon ng relasyon sa Diyos.
Ilang beses na raw niya naranasang magkaroon ng business failures, subalit nang magkaroon siya ng pananampalataya, mas nagbubunga raw ito.
“Even if ang daming challenges hindi ko siya makita as challenge, e,” paliwanag niya.
“Ang daming problems, hindi ko siya makita as problem.
“Parang nakikita ko siya as opportunities, parang very abunddant ako pag lumalakad ako na kasama Siya.”
