Nang dahil sa ukay-ukay, nagkaroon ng negosyo ang binatang Gen Z na si Gabriel dela Peña, 23.
Noong pandemic, sa PHP3,000 na puhunan, sinimulan ni Gabriel ang kanyang negosyo
“Ang [patok] po noon, tag-ulan… nag-start po kaming mag-ukay ng mga jacket hanggang tuluy-tuloy po…” ani Gabriel sa DTI Asenso Pilipino episode na in-upload sa YouTube channel nito noong September 7, 2025.
Um-order daw si Gabriel ng bundle ng ukay-ukay items mula sa supplier na nakita nila via Facebook.
Sa PHP3,000 na budget, 15 piraso ng ukay-ukay items ang nabili nila na ang naging presyo per piece ay PHP300.
Matumal daw ang benta noong mga unang buwan.
“Madalas ay lugi,” sabi ni Gabriel.
GABRIEL DELA PENA'S WISE DECISION
Nag-iba siya ng approach. Sa halip na assorted, sinadya ni Gabriel na mag-focus sa pantalon.
“Bumili po ako ng dalawa lang para sa akin lang po. Then nag-ask po ako sa kanya [supplier] kung puwede pong kumuha ng bundle para makapagsimula ako. Nagbigay naman po siya,” ani Gabriel.
Ang naging puhunan naman niya sa ukay-ukay pants ay PHP5,000.
At ang una niyang naging customer ay ang kanyang barbero at mga kaibigan.
Nagsimulang magbenta si Gerald noong Hunyo at naramdaman ang pag-pick up ng negosyo pagsapit ng Disyembre, o makalipas ang anim na buwan.
Ani Gabriel: “Nung nag-start po kami, puro ganoon pag ukay, karamihan jacket, damit… lahat sila nandoin, e. So, ang ginawa ko, para iba naman, pantalon…”
Tinawag niyang Snazzy MNLA ang kanyang ukay-ukay business.
May pagkakataong nakakahawak daw si Gabriel ng PHP45,000 kita sa pag-uukay kaya naisip niyang nasa tamang landas siya.
PInagsabay noon ni Gabriel ang pagkokolehiyo at pagbebenta.
Hindi raw niya inakalang magiging lucrative ang kanyang venture.
QUALITY ITEMS
Ikinuwento ni Gabriel ang proseso ng pagbili niya ng mga segunda manong pantalon.
Bulto ang order niya sa mga suppliers.
Mula sa bultong ito, pinipili niya ang mga ibebenta.
“Example, pag nagbukas ka ng bili ng ukay, sabihin nating isandaan [piraso] yung laman, ang okay lang doon 60-70 [items]. Ang iba, tapon…
“Gusto ko po yung ibebenta ko, yung gusto ko, e,” paliwanag niya.
Ang mga hindi niya ibebenta ay ipamimigay sa iba.

Read: NETIZENS REACT: Company fires employee 2 days after getting hired
ENTERING THE FOOTWEAR BUSINESS
Paano naman nagsimula ang negosyo niyang footwear.
Sa pagtitinda ng mga pantalon, naisip daw ni Gabriel maganda itong ternohan ng footwear.
Isinusuot at minomodelo ni Gabriel ang mga binebentag pantalon at ina-upload ito sa social media.
Naisip niyang gumawa na lang siya ng sariling footwear brand gamit ang naipong PHP30,000.
Nag-ikot siya sa Marikina at naghanap ng supplier ng footwear, particularly, slides at clogs.
Tinawag niyang Strides MNLA ang kanyang footwear brand.
At mula nang simulan niya ang footwear business noong December 2023, nakabenta na raw siya ng tinatayang 5,000 pairs.
Galing sa supplier ang raw materials, pero ang designs ay konsepto ni Gabriel at ng kanyang partner.
Malaking factor daw sa kanyang negosyo ang social-media platforms, kunsaan nangyayari ang halos lahat ng purchases.
“Sobrang laki po noon, parang 90 percent o puwedeng 100 percent, nasa online talaga. So, gagalingan mong mag-promote, sisipagan mo ng content.”
Tiniyak daw niyang makapag-post sa social-media araw-araw.
Bagama’t online selling ang pagbebenta, nagpagawa na rin sila ng office, kung saan puwede ring mag-walk ang kanilang buyers.
Pero ang pangarap daw ni Gabriel ay makapagpatayo ng physical store.

Read: 911 emergency hotline set to launch on September 11
ADVICE FOR ASPIRING ENTREPRENEURS
Ano ang nakikita niyang malaking hamon sa kanyang negosyo?
“Siguro yung mga kakumpitensya. Kailangan po naming galingan lalo para hindi po kami pare-pareho, sana magtuluy-tuloy [ang business namin].
“So, lagi mong iniisip, gumawa ka ng panibago. Iba-iba, tuloy-tuloy mo lang, wag kang mapapagod…”
Sa mga nagnanais magnegosyo, may payo si Gabriel.
“Kung may naisip po kayo na gusto niyong itinda, try niyo lang po. Huwag po kayong magdadalawang isip. Basta gusto niyo po and masaya po kayo sa ginagawa niyo.
“And huwag niyong iisipin agad yung kumita ng pera, kasi kapag ikaw ang habol nang habol, doon yun lalayo, e.
“Dapat, basta gusto mo, tuloy mo lang, pera na ang lalapit sa iyo.”
Ibinahagi rin niya ang para sa kanya ay biggest mistake bilang businesswoman.
Sabi niya: “Tumitingin ako sa ibang tao, kinukumpara ko ang sarili ko. Kakakumpara parang mas babagal ka.
“Dapat nasa isang daan ka lang, isang direksiyon para tuluy-tuloy ka.”
Nagawang makapagsimula at patakbuhin ni Gabriel ang kanyang dalawang negosyo kahit na wala siyang training sa pagnenegosyo.
Pero pinapangarap pa rin niyang matuto at madagdagan ang kaalaman.
May ganitong inaalok ang DTI—isang training para sa mga kabataang entrepreneurs, katulad ng programa nitong Young Entrepreneurship Program.
Para sa mga interesado, maaaring mag-message sa social-media accounts ng DTI o makipag-ugnayan sa local government unit.
