Very promising ang future ni Daniel Quisa-ot, 27, dahil matalino siyang estudyante.
Kumuha siya ng Bachelor of Science in Electrical Engineering sa Central Mindanao University, Bukidnon.
Isa siyang scholar ng Department of Science and Technology (DOST), naging Dean’s Lister, at kilalang quizzer at math wizard sa school, ulat ng The Summit Express.
Pangarap niyang magkaroon ng magandang buhay para sa sarili at para sa pamilya.
Ngayon, mayroon siyang apat na professional licenses bilang electrical engineer, master plumber, master electrician, at plant mechanic.
Pero may punto sa kanyang buhay na mistulang gumuho ang pangarap niyang magkaroon ng magandang kinabukasan.
Ito ay dahil nabilanggo siya noong 2019 at naging isang Person Deprived of Liberty (PDL).
studying behind THE bars
Tumanggi si Daniel na magdetalye pa tungkol sa kinasangkutan niyang kaso.
Pero ayon sa ulat ng GMA Integrated News, itinuloy ni Daniel ang pag-aaral sa loob ng bilangguan.
“Nung time na graduating po ako, yung last semester na lang yung kulang ko, nabilanggo po ako.
"At yun ang rason na naipag-drop ko yung mga subjects ko do’n, at nakahinto sa pag-aaral,” aniya sa GMA.
Binigyan naman siya ng kanyang unibersidad ng kunsiderasyon.
Ani Daniel: “’Yung mga lessons ko po, mga handouts, mga lectures po, pinapadala sa akin sa bilangguan.
“Yung exams ko lang dadalhin ng mama ko, ‘tapos pinapasagutan sa akin sa panahon ng dalaw.”
Pati ang pinili niyang thesis topic, hindi na rin nalayo sa pagkapiit niya sa kulungan.
Ito ay design and installation of jail alarm and communication system for safety and monitoring purposes sa kinabilangang bilangguan.
“Doon ko rin po nai-conduct, doon ko po ginawa [ang thesis] sa tulong ng mga inmates din doon, na mga kasama ko na may iba't ibang kaso.”
Kahit nakabilanggo, nagawa ni Daniel na mag-graduate.

Read: Summa cum laude Tricia Ann Anda moves thousands with speech
CHALLENGES, TRIUMPHS, LESSON
Hindi roon nagtapos ang pasanin ni Daniel.
Isa pang masamang balita ang natanggap ni Daniel: Na-diagnose ang kanyang ama with Stage 4 colon cancer.
Di nagtagal, naging bedridden ang ama kaya hindi na nadadalaw ang anak sa piitan.
Makalipas ang dalawang taon, na-dismiss ang kaso ni Daniel at nakalabas siya.
Nakasama niyang muli ang kanyang pamilya, lalo na ang ama. Pero pumanaw ang huli isang linggo matapos makalaya ni Daniel.
Mahirap ang kanyang pinagdaanan, pero ginawang motivation ito ni Daniel para tuparin ang kanyang mga pangarap.
Kumuha siya ng dalawang licensure exams—para sa electrical engineer at master electrician—noong 2021.
Hindi siya nakapag-review pero pumasa siya. Karagdagan ito sa dalawa pa niyang lisensya—master plumber at plant mechanic.
Ibinahagi rin ni Daniel kung bakit nagdesisyon siyang kumuha ng dalawang magkasunod na licensure exams.
Aniya sa The Summit Express, “… if ever I can’t pass the first exam, the other one will give me hope…”
Sa ngayon ay nagtatrabaho si Daniel sa gobyerno bilang isang electrical engineer.
Ito ang kanyang iniwan na mensahe: “Kung may mga panahon po na tine-test kayo ng buhay.
"Kung may mga panahon po na dark past sa ating buhay.
"Di po nagbabago yung destiny natin, di po nagbabago yung plan ni Lord sa atin.
"I-enjoy lang natin yung challenge na iyon hanggang sa makatapos tayo.”
Read: SUCCESS STORY: Alyssa Niega fails the UPCAT, tops UPLB Class 2025
