Karaniwang concern at hamon sa mag-asawa o mag-partners ang pag-iipon.
Hindi ito madali lalo na kung may financial obligations pa sila sa kani-kanilang mga pamilya.
May payo ang isang financial literacy advocate/businesswoman.
Aniya, mabisang paraan ang pagkakaroon ng specific financial goal at side hustles para makaipon.
Ang isyung ito ang tinalakay sa Panalong Diskarte ng DZMM Teleradyo noong October 26, 2025.
Pinag-usapan ang problema ng letter sender na si “Rhea” at ng kanyang partner na nag-iipon para sa kanilang kasal.
Tatlong taon na nagtrabaho bilang seaman ang lalaki, subalit, hanggang sa natapos ang kontrata nito, ay hindi nakaipon dahil sa obligasyong pag-aralin ang kanyang mga kapatid.
“Marami tayong ganyan,” sabi ng Diskarteng Panalo host na si Salve Duplito, isang batikang business journalist at financial literacy advocate.
“Sa lahat ng parte ng Pilipinas, merong mag-aasawa na nagkakaroon ng maraming financial obligations.”
Pero diin ni Duplito, “Pag gusto mo, magagawa mo.”
Si Duplito ay kinilala rin ng Securities and Exchange Commission (SEC) dahil sa kanyang accomplishments sa larangan ng financial literacy.
Owner din siya ng company na nagko-conduct ng trainings, seminars, and webinars tungkol sa financial literacy.
Read: Victim loses PHP20M after falling for fake Squid Game star online
SAVING TIPS FOR COUPLES
Unang payo ni Duplito, “Klaruhin mo sa inyong dalawa kung magkano exactly ang gusto niyong ipon.”
Importante raw ang pagkakaroon ng specific goal at pagsi-set ng specific amount na gustong maipon.
Sabi niya, hindi sapat ang pagkakaroon ng mindset na makaipon lang.
“Kailangan ng exact figures,” ani Duplito.
Sa kaso raw ng letter sender na si Rhea, ang dapat na goal niya ay magkaroon ng sapat na ipon bago sumapit ang petsang itinakda nila para sa kasal.
Ang target amount ay kailangan daw i-divide kung magkano ang dapat nilang maipon kada buwan, linggo, o araw.
Ang kahalagahan ng ganitong approach, ayon kay Duplito, ay "pagka ganoon ang goal setting, mas nagkakaroon ng klaro na strategy in your head, kung papaano mo siya iipunin."
Dagdag niya, “Kung kulang ang kinikitang income, wag umutang, magdagdag ng income.”
Dapat daw humanap ng paraan para mapunan ang kulang sa kinakailangang target amount at huwag itong iasa sa wishful thinking.
“Kasi kung puro, ‘Sana lang makaipon tayo,’ pero walang specific strategy, mahirap.
“Para magkaroon ng specific strategy, dapat may specific goal.”
Pagbibigay-halimbawa niya, kunwari ay PHP1 milyon sa loob ng limang taon.
Paano ito magagawa kung tumutulong pa sa mga magulang at mga kapatid?
“E, di, magdagdag ng kita,” ani Duplito.

Payo niya, maghanap ng side hustle.
“Puwede resell, puwede kang mag-start ng sarili mong small business. [Kung] merong extra skill, mag-accounting, mag-bookkeeping ka every Saturday morning kayong dalawa mag-nobyo… E, di, may dagdag kita para mag-save for the future.
“Kasi nakita mo na kulang ang kita mo, e. Wala ka nang magagawa doon. Meron tayong mga obligasyon, so increase your income.”
Ipinayo rin niya ang paraan para matiyak na hindi magagastos ang savings.
“Kapag ginawa ito, ilagay ang pera sa separate bank account, wag ihahalo sa iba.
“Dapat meron kang paglalaanan na pang-wedding lang at makikita ninyo, it will slowly grow.”
Read: Which country is the biggest consumer of instant noodles?
