PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

PEP OUTTAKES: The boy who never enjoyed Christmas parties

Habang lahat ay excited, siya, hindi.
by KC Cordero
Published Dec 4, 2025
Boy looking at a Christmas tree
Unang Christmas party sana niya yun noong grade one, pero pinalabas siya ng mga kaklase sa classroom dahil hindi siya nakapag-contribute ng 25 sentimos. (Photo: Pexels)

Nagsimula ang lahat noong Grade 1 ako.

Isang araw iyon ng Biyernes, buwan ng Disyembre, early 70s.

Nagtaka ako kung bakit pagdating ko sa classroom ay bihis na bihis ang mga kaklase ko. Bago ang mga damit at sapatos.

May dala silang maliliit na kahon na makukulay ang wrapper, saka pinggan, baso, at kubyertos.

Ako, kung ano ang suot ko mula noong Lunes, yun pa rin.

Natuwa ako sa nakita ko dahil ang sasaya ng mga kaklase ko.

Itinanong ko kung ano’ng meron.

Sagot nila: “Tanga, Christmas party natin ngayon.”

Natigilan ako. Clueless sa nangyayari.

Sabagay, madalas naman akong walang alam sa mga kaganapan sa aming classroom.

Minsan ngang pumasok ako ay sarado ang pinto. May excursion pala at hindi ako nakasama.

Nangyari rin na minsan ay bukas ang pinto, pero ako lang ang estudyante. May activity pala ang cub scouts at star scouts sa malapit na palayan kaya sila wala. At hindi naman ako cub scout.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Marami pang katulad na senaryo na nagugulat na lang ako na may espesyal na ganap—na laging hindi ako kasali.

Pero iba ang sitwasyon sa pagkakataong ito.

Nang mauupo na ako sa aking pupitre, tinawag ng isang kaklase ko ang aming guro, na noon ay abalang nagtitimpla ng juice. May sandwiches din sa kanyang malaking mesa.

Tila sumbong ng aking kaklase: “Ma’am, si Karlo Cesar po, andito. Wala naman siyang kontribusyon.”

Napahinto ako sa pag-upo. Napatingin sa aking guro.

Sambit ng isa ko pang kaklase na treasurer namin: “Hindi po siya nagbalik ng sobre.”

Tumigil sa kanyang ginagawa ang aking guro, at nagtama ang aming mga paningin. Nakita ko sa kanyang mga mata ang samu't saring emosyon—na ang malaking bahagi ay lungkot.

Read: How Esnyr and Shuvee Celebrate The Holidays Before and After Fame

WHAT’S WITH THE ENVELOPE?

At naalala ko ang sinasabing “sobre” ng aming class treasurer.

Unang linggo ng December ay binigyan kami isa-isa ng aming guro ng sobre. Ibigay raw sa aming parents.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pagkauwi ko, iniabot ko yun sa aking ama’t ina. May laman na maikling liham, na tahimik na binasa ng aking ina.

Aniya pagkatapos: “May Christmas party raw kayo sa akinse. May kontribusyon na 25 sentimos.”

Matapos basahin ay nagkatinginan sila ng aking ama. Iniipit naman niya ang sobre sa patungan ng mga unan.

Hindi ako nabibigyan ng perang baon noong ako’y nag-aaral. Kadalasan kapag recess ay pritong saging o kamote ang pabaon sa akin ni Inay.

Mula nang magkamalay ako ay mulat na ako sa hirap ng aming buhay, kaya hindi na ako nagtanong kung makapagbibigay ba ako ng kontribusyon na 25 sentimos.

Bunso ako sa siyam na magkakapatid. Menopausal baby.

Nung ipinanganak ako ay nasa late 50s na ang aking parents. Yun din ang dahilan kaya hindi na sila kumikita ng pera. Nabubuhay lang kami sa mga tanim na gulay.

Nang magsimula akong mag-aral, pareho na silang 60s. Ang mga kapatid ko ay hindi ko na rin halos inabutan sa aming bahay dahil sa alinman sa maagang nag-asawa o hinanap ang sariling kapalaran sa ibang lugar.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

At ngayon, habang nakatingin sa akin ang aming guro at napag-usapan ang sobreng hindi ko naisoli para sa Christmas party, na-realize kong hindi nga pala ako kasali sa kasayahan.

Lumabas ako ng aming silid-aralan na habol ng tingin ng natitilihan kong guro.

Pero bago ako tuluyang nakalabas, narinig ko ang pagpailanlang ng kantang “Beautiful Sunday” sa phonograph na dala ng isa kong kaklase, at ang kanilang masiglang sigawan at tawanan.

Naisip ko, mukhang masaya ang magaganap.

Read: Taguig City opens TLC People's Park in time for Christmas season

BOY WATCHES THE CHRISTMAS PARTY

Hindi muna ako umuwi.

Nagpunta ako sa bandang likuran ng aming classroom kung saan may maraming bintana—na noong unang panahon ay yari sa jalousie na kahoy.

Pumuwesto ako sa medyo dulo para hindi ako makita ng aming guro.

Boy behind window grills
Nanood na lang ang bata sa nagaganap na kasayahan. Photo: Pexels
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Nakita kong nagsasayawan ang aking mga kaklase. Natatawa ako sa kanilang mga kilos na parang mga trumpong wala sa tamang ritmo ang pag-ikot.

Nagkaroon din ng programa. May kumanta ng Christmas carols. May tumula. May mga palaro rin. Ripa o raffle. Kahit hindi ako kasali at may pader na nakapagitan sa kanila at sa akin, tawa ako nang tawa sa nangyayari.

Maya-maya pa ay sinabi ng aking guro na oras na para sa monito at monita. Nagpalitan sila ng mga regalo. Ang iba ay binuksan na ang natanggap—karamihan ay suklay o panyo o kaya ay kendi.

Saglit pa, nagbigay na siya ng hudyat na: “Kainan na!”

Muli silang nagsigawan at, in alphabetical order, ay disiplinadong pumila para sa juice at sandwich habang hindi magkamayaw sa tuwa.

Minasdan ko ang malaking garapon na pinagtimplahan ng aking guro ng juice. Nagpapawis iyon sa yelo at may kulay na nakatatakam. Hindi ko maiwasang mapalunok.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Habang nagtatakal siya ng juice, palibhasa ay hindi na nagkakagulo ang mga kaklase ko at ang mga pupitre ay nakapuwesto padikit sa mga pader para maluwag ang espasyo sa gitna, natanaw niya ako sa dulong bintana sa labas ng aming classroom.

Nakita kong binulungan niya ang isa kong kaklase.

Lumapit ito sa akin. “Pumasok ka raw sabi ni Ma’am.”

Pagkasabi ay nagbalik na ito sa dating puwesto at nakipagsayahan sa iba naming kaklase.

Hindi ako pumasok. Nahihiya ako. Ramdam kong outcast ako sa sitwasyon. Lumang damit. Pudpod na tsinelas. At walang kontribusyon.

Nagpasya akong umuwi na.

Saka ko naalalang naiwan ko sa pupitre ang tampiping pinaglalagyan ko ng mga kuwaderno, lapis, papel, at libro.

Umalis ako sa kinapupuwestuhan ko at naupo muna sa mga bench na nasa ilalim ng malaking punong mangga. Pag tapos na ang Christmas party, kukunin ko ang mga gamit ko dahil makakagalitan ako ng aking ina pag umuwi akong hindi ko sila dala.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Read: Celebrities react to DTI's PHP500 Noche Buena budget

BOY’S TEACHER OFFERS HIM FOOD

Makalipas ang mahigit isang oras, natanaw ko ang mga kaklase kong isa-isa nang nag-uuwian.

Nang sa palagay ko ay wala ng tao sa classroom, pumasok ako para kunin ang aking mga gamit.

Nadatnan ko ang aking guro na nagbabasta na rin ng pinagtimplahan niya ng juice at iba pang gamit. Napatingin siya sa akin.

Tumigil siya sa ginagawa.

Aniya sa akin na itinuro ang isang basong juice at isang pirasong sandwich sa ibabaw ng kanyang mesa: “Kain ka. Para sa iyo iyan.”

Umiling ako. “Hindi po. Kukunin ko lang po ang mga gamit ko.”

“Kung ayaw mong kainin, iuwi mo na lang.”

Sagot ko: “Hindi na po. Baka po makagalitan ako ng aking inay.”

Nawalan siya ng imik.

Pagkakuha ko ng aking gamit ay mabilis akong lumabas ng pinto saka kumaripas ng takbo pauwi sa amin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pagdating sa bahay, nang kumakain na kami ng tanghalian ay ikinuwento ko sa aking ama’t ina ang nangyari na pinalabas ako sa classroom dahil wala akong kontribusyon para sa Christmas party.

Napansin kong naging mabagal ang pagsubo nila ng pagkain.

Read: Marikina City opens annual Christmas Shoe Bazaar

BOY EVADES ATTENDING SUCCEEDING CHRISTMAS PARTIES

Noong Grade 2 na ako, nang sasapit nang muli ang Christmas at nagbigay ng sobre ang aking guro para sa party, hindi ko na kinuha.

Sinabi ko na agad na hindi naman ako dadalo. Nagtaka siya at nagtanong kung bakit, pero hindi na ako nagpaliwanag.

Wala kasing nabago sa buhay naming mag-anak. Hindi ko rin alam kung 25 sentimos pa rin ba ang kontribusyon o tumaas na.

Hindi rin naman ako makabibili ng mga bagong kasuotan, sapatos, at pang-exchange gift.

Matapos ang unang insidente ay naging alerto na ako pagsapit ng December kung kailan idaraos ang party para hindi na ako masabihang tanga na hindi alam kung ano'ng nagaganap.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ganun din ng mga sumunod na taon, hanggang makatapos ako ng grade six.

Tuluy-tuloy ang aking tradisyon na walang Christmas hanggang high school.

Mas humirap kasi ang buhay namin noon dahil naging sakitin na ang aking ama’t ina.

Nabubuhay kami sa sitwasyong makaraos lang, at ika nga ng mga sinaunang tao ay sa “awa ng Diyos.”

Naalala ko pa noong first year high school ako, pinagdadala kami ng aming guro ng basahang panlinis.

Kinabukasan, wala akong dala.

Tanong ng aming guro: “Wala kayong basahan?”

Isang kaklase ko ang sumagot: “Suot po niya, Ma’am.”

Nagtawanan ang mga kaklase ko, at nasitsitan ang mga ito ng aming guro.

Ako naman, hiyang-hiya dahil dalawang pirasong kamiseta nga lang ang pinagpapalit-palit kong isuot, at manipis na sa kalalaba.

Read: MikBrent share their holiday must-dos and year-end wishes

BOY AND HIS FATHER ATTEND A CHRISTMAS PARTY

Pero may isang pangyayari sa mga Christmas parties na mas nagbigay ng sugat sa akin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Third year high school ako noon.

May Christmas party sa bahay ng isang kaibigan ng aking ama na magdaraos ng ika-75 kaarawan. Imbitado siya.

Hindi niya mahindian ang kaibigan kaya nagpasama siya sa akin dahil medyo masama ang pakiramdam niya nung araw na iyon—70s na rin kasi siya.

Pagdating namin sa pagdarausan ng party, marami na sa mga kabaryo namin ang dumating.

May isang grupo ng kalalakihan na nag-iinuman na napatingin sa aming mag-ama.

Isa sa mga ito ang narinig kong nagsalita: “Tingnan ninyo ang mag-amang payatot, mamamantikaan ang bibig.

“Mamaya pag-uwi ng mga iyan, tiyak na medyo tataba nang konti. Ngayon lang makakakain nang masarap.”

Alam kong narinig iyon ng aking ama dahil bahagyang bumagal ang kanyang paglakad.

Ako naman, nagpanting ang tainga.

Susugurin ko sana ang nagsalita, pero nahawakan ng aking ama ang isa kong braso.

Nang tumingin ako sa kanya, umiling siya. Ibig sabihin ay huwag kong gawin kung ano man ang binabalak ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pumasok na kami sa bahay ng kaibigan ng aking ama. Mahigpit silang nagkamayan at naghuntahan tapos ay pinaupo kami sa mahabang mesa.

Matagal kaming tumingin sa mga pagkain. Napakarami. Napakasasarap. Sa amoy pa lang, nakakapaglaway na.

Gaano man nakatatakam ang mga iyon, tinalo ng pang-aalipustang narinig namin sa labas ang kalam ng sikmura at pagkasabik.

Alam kong pareho kami ng nararamdaman ng aking ama. Kaya nung nagkatinginan kami, sabay na kaming tumayo at umalis sa dulang.

Nakita kami ng mga lalaking nag-iinuman habang papalabas ng bahay ng may kumpleanyo. Ang nag-aapoy kong mga mata ay nakatuong muli sa nangantiyaw sa aming mag-ama.

Hindi na ito nakapagsalita.

May umimik ng: “Umalis yung mag-ama. Hindi kumain. Ikaw kasi.”

Nakatutok pa rin ang mga mata ko sa lalaking nangantiyaw at hinihintay kong magsalita siyang muli. Pero parang kahit malagihay na sa alak, mukhang kinabahan siya sa nakitang galit na nararamdaman ko nang mga sandaling iyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Habang papauwi kaming mag-ama, nauuna siya sa paglalakad, nakaramdam ako ng awa sa kanya.

Matanda na siya para sa ganung pang-aalipusta.

Sana ako na lang ang kinantiyawan dahil sanay na ako at manhid na.

Pero dahil sa naranasan niya, mas nasaktan ako. Yung pakiramdam na may sugat ka na nga—pero pinigaan pa ng kalamansi.

Hanggang makauwi kami, kita ko sa mukha niya ang sakit at pagkainsulto.

Ang pangyayaring iyon ang mas nag-trigger sa akin para lumayo sa mga tao at umiwas sa mga pagtitipon lalo na kung may kainan.

At ang bawat Christmas na nagdaan ay itinuring ko na para lang isang ordinaryong araw.

Read: Five things to know about Starbucks Traditions 2026

MEMORIES JUST MAKE US SAD

Hanggang magkaedad ako at magkaroon ng trabaho, lagi akong may distansiya kapag may okasyon.

Isang kaopisina ko noon ang nakapuna at sinabi sa aking hindi ako nakikiagaw sa mga pagkain pag may nanlilibre, halimbawa ay birthday.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sabi ko na lang, nagkakataong busog ako.

Siyempre ay hindi ko naman maiwasan ang pagdalo sa Christmas party lalo na kung required ng boss.

Pero gaya ng dati, sa gitna ng kasayahan ay nagbabalik ako sa batang grade one na nakasilip lang sa bintana—at nagmamasid sa nagaganap. Kumain man ako, konti lang.

Nang magkapamilya na ako at magkaanak, sinabi ko sa aking maybahay na imulat sa aming supling ang tamang tradisyon ng Christmas—na bukod sa malamig ang simoy ng hangin, dapat ay kaysaya ng bawat damdamin.

Tama na ang isang batang walang Pasko. Malungkot ang buhay na hindi naa-appreciate ang kutitap ng mga parol at Christmas lights dahil sa isang mapait na kahapong nag-iwan ng malalim ng pilat.

Isang character sa series na Only Murders in the Building ang nagsabing: “You can calibrate the dynamics of the past in order to forget the pain.”

In short, move on. Past is past. Mas isipin ang magandang naging resulta ng pait. Kalimutan na lang ang nangyari at mag-focus sa hinaharap.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

But I am cursed with a very photographic memory almost like the character of Mike Ross in the series Suits.

Magaling akong magmemorya kaya hindi ako nakakalimot sa mapapait na pangyayari sa aking buhay.

Ang kantiyaw ng mga kaklase ko hanggang high school.

Ang lalaking nagsabing mamamantikaan ang nguso naming mag-ama.

Pero hindi ako naging mapaghiganti. Sabi nga sa teaser ng 1996 movie na Hangga’t May Hininga, starring Philip Salvador and Anjanette Abayari, written by National Artist for Film Ricky Lee: “Forget your enemies, but don’t forget their names.”

Last July 2025 nang bumisita ako sa aming baryo ay nakita ko ang lalaking nangantiyaw sa aming mag-ama. Matanda na, late 70s. Nakaupo sa isang waiting shed at walang kasama.

Wala na ang poot na dati-rati’y sumisilakbo sa aking dibdib tuwing nakikita ko siya noong bata pa ako. Pinagmaliw na rin kahit paano ng panahon ang aking galit. Pero hindi ko nakakalimutan ang nangyari.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Iniwasan ko rin ang imbitasyong reunion ng aking mga kaklase para hindi na maungkat pa ang nakalipas at maiwasang manariwa ang hindi mabilang na mga hinanakit.

Kaya isang sumpa talaga ang may matalas na alaala.

Sabi nga ng isang minor character sa series na The Ranch na may onset ng Alzheimer's nang kumustahin ng mga kaibigan, okey lang sa kanya ang magiging kapalaran at mabura sa isipan ang nakaraan dahil: “Memories just make us sad.”

Read: Man finds Christmas gift he was supposed to receive in 1978

THE JOY THAT CHRISTMAS CAROLS BRING

Make no mistake about it, pero sa kabila ng aking mga masakit na naranasan, may excitement na hatid sa akin ang pagsapit ng Christmas.

Ang dahilan—mula pagkabata ay enjoy ako sa yuletide carols.

Tila pinaglalakbay ako sa ibang mundo lalo na pag naririnig ko ang mga linyang, "Chestnuts roasting on an open fire," "Sleighbells in the snow;" "I'm dreaming of a white Christmas," etc.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Para sa akin, sapat na ang mga awiting pamasko para gumaan ang mga dalahin at pansamantalang magliwaliw sa winter wonderland—at kahit paano’y maiwasan ang hindi ko malimot na nakaraan.

Ako lang sana ang nasa ganitong estado. Ako lang sana ang may mga basag na bubog na patuloy pa ring hinahakbangan tuwing Christmas.

Para sa inyong lahat, isang Maligayang Pasko!

Read: Kim Chiu shuts down Kimerald reunion fantasy after fans' relapse

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Unang Christmas party sana niya yun noong grade one, pero pinalabas siya ng mga kaklase sa classroom dahil hindi siya nakapag-contribute ng 25 sentimos. (Photo: Pexels)
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results