Mula sa dalawang palapag, apat na palapag na ang family property nina Arshie Larga.
Si Arshie ay isang registered pharmacist na nakilala noong pandemic dahil sa content ukol sa medical concerns, tulad ng mga gamot.
Kalaunan, tumawid siya sa paggawa ng lifestyle content at nagsimulang maglabas ng vlogs mula sa mga events at travels.
Read: Arshie Larga gives tips on how to distinguish fake medicines

ARSHIE LARGA'S BIGGEST INVESTMENT
Sa recent Instagram posts, ibinahagi ng content creator ang kanyang recent at biggest investment.
Caption niya: “Kept this a secret for almost a year kasi gusto kong i-share kapag tapos na. Finally, I can share my biggest investment this 2025. THANK YOU SO MUCH PO LORD!”
Ipinakita niya ang before-and-after videos ng kanyang establishment.
Sa first floor pa rin ang pharmacy, pero may expansion para sa isang gathering area.
Sa second floor ay may maraming tables and chairs na parang event area, gayundin sa third floor.
Sa fourth floor ay mayroong mga rooms with beds.
Bagama’t tapos na ang gusali, bare pa ang ibang floors at kailangan na i-furnish.
Sa pangalawang IG post, nagdetalye si Arshie ukol sa property.
“From ‘bahala na’ to ‘thank you, Lord—tapos na,’” bungad ng kanyang caption.
“Nagsimula lang ‘to sa usapan namin ng parents ko about turning our current structure into a four-storey building. Matagal na nila itong pangarap, pero laging nauudlot dahil sa budget. Ayaw rin nilang umutang sa bangko.
“Blessed enough ako na may savings, kaya nitong January 2025, sinimulan namin ang construction.
“Malaking tulong na civil engineer ang tatay ko, kaya hands-on siya sa papers, requirements, at buong construction.
“Hindi naging madali ang journey—locked-in ang parents ko sa site habang ako naman ang gumagawa ng paraan para ma-fund ang project.”
Matapos daw ang isang taon, natapos ang building.
Pinasalamatan ni Arshie ang kanyang mga magulang na naggugol ng oras at pagod para ma-supervise ang proyektong ito.
Ang ama raw niya ang tumutok sa construction, habang ang ina naman ang nangasiwa sa botika lalo't madalas na wala si Arshie.
“Talagang nag-sacrifice kayo ng time and energy para dito,” sabi ng vlogger sa mga magulang.
Dagdag pa niya: “Maraming salamat din sa mga brands na patuloy na nagtitiwala sa ’kin at nagbibigay sa ’kin ng projects. Kung wala kayo, wala rin kaming pampagawa nito. (More pa po this 2026)”

Pinasalamatan din ni Arshie ang mga supporters at viewers ng vlogs niya.
Ang proyekto raw na ito ay para sa kanyang mga magulang.
“To be honest, this project—aside from being an investment—is my way of repaying my parents for all their hard work and for helping fulfill their long-time dream.”
