Matapos pumasa ni Luke Jickain sa 2025 Bar Examinations, sinabi niyang ipagpapatuloy ang pagtatrabaho sa kinabibilangang government agency.
Si Luke, 41, ay dating modelo na pinasok din ang showbiz.
Higit isang taon na bilang legal officer si Luke sa Agricultural and Fisheries Logistics Office ng Department of Agriculture (DA).
Newly established daw ito, at mayroong 15 staff members na ang focus ng trabaho ay logistics.
“So we are mandated to make the logistics efficient kasi ano iyan, e, it increases the price kapag mas madaming layers in the logistics,” paliwanag niya sa exclusive interview para sa PEP Live noong January 14, 2026.
“So we try to make it efficient, and then hopefully, if we are able to do that, we can have a stable supply of food.”
Kung kukulangin ng supplies ang isang parte, may epekto ito sa supply and demand.
Pagpapatuloy niya, “So the best way is to really have a good process of moving things around."

HOW HE GOT THE JOB IN THE GOVERNMENT
Nagtapos ng Marketing si Luke sa San Beda College, pero pangarap daw talaga niyang maging abogado.
Taong 2019 nang simulan niya ang pag-aaral ng abogasya.
Inamin ni Luke sa PEP na ito ang naging rason kung bakit iniwan niya ang showbiz.
Taong 2024, nagtrabaho siya sa gobyerno habang nag-aaral at nagre-review para sa bar exams.
Pero paano ba siya napasok sa government agency?
“There’s a friend who asked me for a favor, kasi he wants to inquire [at DA]. So I went there to inquire for my friend.”
Ang kaibigang ito ang nagtanong kay Luke kung gusto ba niyang mag-apply roon para sa legal officer position.
Nagkaroon ng agam-agam si Luke dahil nag-aaral pa lamang siya noon, pero hinimok pa rin siya ng kaibigan.
Sinubukan ni Luke mag-apply. Natanggap siya.
“Thank you to the Department of Agriculture for giving me the chance even though na medyo unqualified ako when I applied,” saad niya.

Read: Karla Estrada recalls son Daniel Padilla telling her about his split with Kathryn Bernardo
luke's ADJUSTMENTS
Nangapa raw si Luke sa mga unang buwan niya sa trabaho.
“My first three months doing my work, lahat tinatanong ko, ‘Paano ito? Paano ito?’ Kasi I really don’t know how to do it.
“Pero concept-wise, I know the law, pero yung application part, parang I’m trying to figure it out. Eventually, I was able naman to catch up.”
Malaking bagay raw na matulungin ang kanyang mga officemates kaya madali siyang nakapag-adjust sa trabaho.
“That’s one good thing about our office. We really work [together], plus siguro, konti lang kami.”
Kapag may meeting after office hours si Luke, sasaklolohan siya ng mga kaopisina para hindi na niya kailangang magpunta rito.
Pagdating kasi sa bahay, diretso si Luke sa kanyang pag-aaral at pagre-review hanggang sa makatulog.
Trabaho at pag-aaral ang inatupag niya sa loob ng maraming taon. Sadyang umiwas siya sa mga social gatherings dahil ayaw niyang magsayang ng oras.
Kuwento niya: “I come to the office early so I can leave early. ‘Tapos I’ll go home, take a bath, brush my teeth, mag-aaral na ako sa sofa until I fall asleep.
“Kasi I have to maximize my time. Parang every minute counts o every hour counts. If I can save time and put that to review, I consider it as a good day.”
Nagbunga naman ito dahil kasama ang pangalan ni Luke sa 5,594 bar passers na inilabas noong January 7, 2026.
Read: Luke Jickain and Nico Antonio pass the 2025 Bar Examinations

CONTRASTING WORLDS
Ang sabi ni Luke, talagang magkaibang mundo ang showbiz at modelling kumpara sa pagiging government worker.
“It’s quite different especially in showbiz, especially in the modeling na very glamorous, everything so sosyal.
“I remember at my first day in DA, I asked my officemate where we will eat lunch and sabi niya sa ‘gedli.’ Sabi ko, ‘What’s gedli?’”
Ang gedli ay salitang kanto na ang ibig sabihin ay “gilid.”
Sabi pa ni Luke, “Until now, that’s may favorite lunch place. Doon kami sa gilid, outside DA [kumakain].”
Kung dati ay mga artista at modelo ang laging nakakausap ni Luke, ngayon ay mga mangingisda at magsasaka.
“We talk to the farmers, fisherfolk, regional city offices, the bureaus, agencies…” aniya.
“This environment, this job I have now, it’s really something humbling, but then you’ll feel the difference directly to the people. So nakakataba ng puso.”
Dagdag-biro niya, “Although sa modeling, nakakataba ng wallet. Joke lang.”
Hindi naman daw matatawaran ang mga natutunan niya sa pagtatrabaho sa government agency.
Nasasaksihan niya raw ang pamumuhay ng mga kababayang magsasaka at mangingisda.
One time, nagpunta ang kanilang team sa Iloilo at nakausap ang mga miyembro ng isang kooperatiba.
Naghatid daw sila ng grants at tulong sa kanila. Nagbigay rin sila ng libreng makinarya.
Sabi ni Luke, “We really have to explain it to them kasi we should understand na yung skill sets nila is different.”
Nakita raw ni Luke na ang tradisyunal nilang kaalaman sa farming ay “hindi at par” sa technology na ipinapakilala nila.
Mas nabuksan daw ang isip niya at mas nabigyan ng saysay ang kanyang ginagawa.
“I see rin the needs of the people. Okay din na nandito ako, so nakakatulong din,” ani Luke.
Bukod sa hangad na makatulong sa iba, naisip din daw ni Luke na kailangan na niyang isipin ang direksiyon ng kanyang buhay.
“I’m not too young anymore. During my younger years, my goal was to date a beautiful woman and to get good work.
“Now, there’s more meaning to my life: so being able to help a lot…”
Mas may kapasidad daw siyang makatulong sa mas nakararami matapos niyang pumasa sa bar exams at ngayong isa nang ganap na abogado.
“I think I’m in the position to be able to help more. So far, okay yun for me. Kahit shallow ako nung younger years ko, at least, nagkakaroon naman ng meaning later on.”

WHAT’S NEXT FOR LUKE?
Ngayong isa na siyang ganap na abogado, ano ang susunod na plano ni Luke?
Mananatili raw siyang government worker sa susunod pang mga taon.
“There’s no really immediate steps for me, kasi I told the department na, ‘Thank you for trusting me and hiring me.’ So it’s my turn naman to give back," paliwanag ni Luke.
“I have no plans naman to leave or ask for higher salary. I’ll just stay where I am for now.”
Nais daw suklian ni Luke ang mga taong tumulong sa kanya para matupad ang childhood dream na maging abogado.
Sabi niya: “I’d like to give back to the people who helped me kasi, especially my boss, he knows naman I was reviewing during that time.
“And then pag he needs somebody to the meeting, he would send someone else so I could be freed from extra work from the office. So I owe it to them. So this time naman, I’ll give back.
“I’ll sit in the same old small cubicle for next few years," paniniyak ni Attorney Luke.
Sa tanong kung tatalikuran na ba niya nang tuluyan ang showbiz, sinabi ni Luke na bukas siya sa posibilidad na magkaroon ng showbiz comeback.
