Ang isang lote sa Amadeo, Cavite, ay dating emission testing center para sa mga sasakyan.
Pero ngayon, isa na itong coffee shop, ang Café Carolina, na pagmamay-ari ng mag-asawang Eleonor Dizon, isang registered medical technologist, at Dinn Dizon, isang architect.
Espesyal ang commercial space na ito sa mag-asawa dahil nagsisilbi itong pahingahan nila matapos ang pagiging abala sa trabaho.
Kaya ito ang vibe na gusto nilang makuha ng mga customers.
“Kahit pagod ka, dito, yung trabaho mo, hindi mo nararamdaman na trabaho,” ani Dinn.
“Dito kami nagsasama-sama bago kami magsiuwian sa kanya-kanya naming pamilya, sa kanya-kanya naming bahay.
“Naging second home namin.”
Itinayo ang Café Carolina noong 2022.
Ipinangalan nila ito sa pumanaw na ina ni Dinn, si Mama Carol.

HOW IT ALL STARTED
Ang konsepto ay mula sa mag-asawa at sa kapatid na babae ni Dinn.
“We envisioned a small safe space na puwede naming tambayan,” kuwento ni Eleonor.
“A place to gather, also feel at home outside our home.
“Gusto din namin ang space na ito na mag-serve as a remembrance for their late mom,” sabi niya patukoy sa kanyang husband at sister-in-law.
Ani Dinn, marami raw silang tiningnang lote. Isa rito ay malapit sa kanilang bahay, na siyang napili para maging lokasyon ng kanilang coffee shop.
Sa pagpapatuloy ni Dinn: “Nung inalok siya sa amin nakita ko agad yung beauty nung puno, yung acacia. Sabi ko, it’s the best place sa itatayo naming café.”
Dahil sa lawak ng mga sanga ng century-old acacia, halos sakop nito ang buong lote.

CAFÉ WITH A HOMEY FEEL
Ang agad pumasok sa isip nina Din ay "matatambayan na outdoor."
Dagdag ng architect: "Ang ganda ng naging feature nitong café. Yung century-old acacia, nalililiman niya lahat yung surroundings ng café.”
Kuwento ni Eleanor, noong buhay pa si Mama Carol at girlfriend pa lamang siya ni Dinn noon, ipinaramdam sa kanya ng ginang ang mainit na pagtanggap at pag-asikaso sa tuwing darating siya.
Kaya nung magpatayo sila ng coffee shop: “Yun talaga yung mindset ko, na i-share sa mga papasok na tao dito kung paano yung warmth at accommodation na ginawa ni Mama Carol sa akin.”
Paglalarawan niya sa café, “It’s warm, intimate, comforting.”
Ayon naman kay Dinn, may “outdoor feel” ang lugar kahit na nasa indoors dahil sa ginawang disenyo.
Ang lote ay 500 square meters: 70 percent nito ay outdoor space at ang 30 percent ay indoor.
Ang outdoor ay naging dining space habang ang indoor ay naging bar at kitchen area.
Para sa proper ventilation, gumamit sila ng jalousie windows.
Read: TESDA’s super app for trainings, scholarships, employment: What you need to know

OUTDOORSY FEELS
Ang outdoor area ay kayang mag-accommodate ng 50-60 katao.
Bukod sa may playground para sa mga bata, may corner din para sa mga pets.
Mayroon ding multi-purpose gazebo, kung saan nagho-hold ng events at coffee classes.
Dito rin maaaring pumuwesto ang big groups.
May ilang bahagi ng café na original structure pa ng emission testing center, tulad ng bubong pati na rin ang ilang poste.
Naroon din ang semento kunsaan ipinupuwesto ang mga kotse para sa emission testing.
Ang dating office, kunsaan nangyayari ang processing ng papers, ay ginawang bar at counter.
Pinalawak na lamang ito at tinanggal ang mga pader.
Gumamit din sila ng recycled wood at restored furniture.
Ang kombinasyon naman ng grey at yellow tiles at wood colors ay nakadagdag sa homey feels ng cafe.
Read: How Philippine Red Cross Safe Card can help during an emergency

CAFÉ WITH SENTIMENTAL VALUE
Pagbabahagi ni Dinn, dahil post-pandemic nang itayo ang business, hindi nila alam kung may tatangkilik noon sa kanilang cafe.
“Yung financial struggle, nandoon siya, pati yung concept dahil first time namin itong magtatayo ng café,” aniya.
May mga pros and cons din ang lote dahil may lumang structure na nadatnan na nila.
“Pros niya, makaka-save ng materials dahil may structure, may shell. Pag-iisipan mo na lang kung paano mo gagamitin sa design. Iko-connect mo yung outdoor environment sa indoor environment.”
Naging disadvantage naman daw noon ang mismong lumang establishment.
Hindi matiyak kung anong mga parte nito ang mananatili o kailangan na ring i-renovate.
“Yung nakalaan na cost mo, nag-a-add up na nang nag-a-add up pag na-misalign ka. Puwede kang mamproblema sa financial and sa timeline mo na sinusundan.”
Pero sa kabila ng mga pinagdaanan bago maitayo ang café, sinabi ni Dinn na ito ang kanilang priority.
“Kasi dito ko nagabayan yung asawa ko at kapatid ko. Dito sa space na ito.
“Ang iniwang obligation as eldest, dito ko siya nano-nourish. Sobrang thankful na meron ito."
Higit pa sa kita, malaking bagay para sa owners na nag-improve ang kanilang relasyon while putting up this cafe.
Sabi ni Dinn: “Ang mahalaga yung puso mo, nilalagay mo doon kasi, at the end of the day, hindi yung outcome, hindi yung dami nung nase-sell mo na coffee…
“Ang mahalaga, yung relationship na nabi-build niyo. Nagiging stronger yung mga pinagdaanan niyo, maalala niyo. Dito namin siya nabuo…
“Kung di kami nag-step na ganoon, siguro yung relationship namin, di ganoon ka-strong, di ganoon ka-deep.”

Ang sabi naman ni Eleonor pagdating sa pagtatayo ng business: “Don’t settle for less. Try to dream big. Saka take the risk.
“Yung journey, di siya easy, pero at least try hard to embace it.
“Saka, siyempre, if it’s God’s will He’ll place you were you’re meant to be.”
