Dumarami ngayon ang mga pinipiling mag-ipon gamit ang alkansiya.
Sa totoo lang, may mga hatid itong convenience, tulad ng hindi na kailangang dumaan sa hassle ng pagbubukas ng savings account sa bangko.
Marami rin ang matagumpay na nakakaipon ng marami sa pamamagitan ng “ipon challenge,” kung saan nagsi-set ng target amount na ilalagay sa alkansiya sa bawat araw.
May dagdag na pahayag ang "wealth coach" na si Chinkee Tan.
Aniya, mas madali ang access sa alkansiya sa oras ng pangangailangan.
Yun nga lang, madali rin itong magastos kung walang disiplina ang nag-iipon.

Read: PHP14,000 ipon ng isang estudyante, inubos ng anay; alamin ang BSP guide sa mutilated banknotes
DISADVANTAGES OF SAVING THROUGH AN ALKANSIYA
May mga disadvantages din ito.
Ilang beses na ba ang mga napaulat na mga perang nasira, inamag, o inanay dahil sa alkansiya sila nakatago. Tinatawag silang mutilated money.
Tandaan, ang pera ay papel at metal na maaaring masira. Kaya kung iipunin ito sa alkansiya, “ilayo ito sa mga lugar na puwedeng mabasa,” ani Chinkee.
Isang hack na ipinayo ni Chinkee ay ang paglalagay ng Silicone gel sa alkansya para ma-absorb ang moisture.
“Pag nabasa at naamag, doon na makaka-attract ng anay,” sabi ng wealth coach.
Ang barya naman ay maaaring kalawangin kapag napasukan ng moisture o basa.
Samantala, sinasang-ayunan man ni Chinkee ang pag-iipon sa pamamagitan ng alkansiya, hindi niya iminumungkahi ang pagtatago rito ng malaking halaga.
Aniya, mas mainam na ibangko ito.
Kapag sa bangko kasi, may insurance ang pera, hindi tulad sa bahay kapag nadamay ito sa sunog o binaha.
“Magtago ng pera sa bahay, pero ang bulto ng ipon ay ilagay sa bangko,” aniya.
Basta’t tiyakin lang daw na reputable ang bangko at miyembro ito ng Philippine Deposit Insurance Corporation o PDIC.
Lastly, huwag iki-click ang mga links na ipinapadala sa emails at text messages, lalo na kung hindi mo kilala ang nagpadala at wala kang matandaang transaksiyon sa kanila.
Nakakabahala ang mga ulat ukol sa online savings scams, so maging sigurista.
