Sa kabila ng kanyang thriving career sa showbiz, tinalikuran ito ng dating Kapamilya actor na si Don Laurel, 51.
Mas pinili kasi niyang tuparin ang kanyang childhood dream: ang maging pulis.
Sa kasalukuyan, higit 15 years nang naninilbihan si Don bilang miyembro ng Toronto Police Service sa Canada.
Kasama niya roon ang kanyang misis, ang dating aktres at kapwa ABS-CBN artist na si Aurora Halili.
Kasama nila roon ang kanilang apat na anak.
Kung si Don ay abala sa pagseserbisyo bilang pulis, si Aurora naman ay isang Zumba instructor doon.
Si Don ay napabilang sa ABS-CBN projects tulad ng sikat na teen drama na Gimik (1996), kung saan nakasama niya sina Judy Ann Santos, Patrick Garcia, Diether Ocampo, Rico at Yan.
Kabilang sa mga primetime teleseryeng ginawa niya ay Mula Sa Puso (1997), Saan Ka Man Naroroon (1999), and Sa Dulo Ng Walang Hanggan (2001).
Nakasama siya sa mga pelikulang Batang PX (1997), Soltera (1999), at Anak (2000).

Read: Former ABS-CBN actor Don Laurel now a real-life police officer in Canada
DON’S CHILDHOOD DREAM AND ENTRY TO SHOWBIZ
Naninirahan na sa Canada si Don nang mag-audition siya para maging artista.
“Twelve years old ako pumunta kami sa Canada, buong pamilya namin,” kuwento ng former actor sa video na ipinost sa Facebook account ng Kabalen Toronto Restaurant nito lamang April 2026.
“Sabi ko sa nanay at tatay ko, magpupulis ako. E, ayaw nila. E, anong gagawin ko?”
Hinimok daw siyang sumali sa isang talent search sa Canada.
Lahad ni Don: “Yung tatay ko naman, that time, merong talent search ang ABS-CBN Channel 2 dito sa Toronto.
“Nagkataon nanalo tayo, di ba?”
Pagbabalik-tanaw ni Don, sa talent portion ay nagsuot siya ng swimwear at kumanta.
“Nagustuhan naman nila yung Tagalog kong baluktot,” hayag niya na may halong biro.
Ang sabi ni Don, marami sa mga proyektong kanyang ginawa—partikular ang mga prime-time series—ay idinirehe ng yumaong direktor na si Wenn Deramas,.
“I was privileged enough to be involved sa mga big projects. It was a good experience,” pahayag niya.
Sinabi niya na naging maganda ang takbo ng kanyang career, kaya’t, “very thankful na na-experience ko ang ganoong buhay.”
Bandang 2002, bago siya nag-30 years old, tinalikuran ni Don ang showbiz at bumalik sa Canada.
“Kasi ang gusto ko talaga magpulis,” aniya.
Sinabi ni Don na pagpupulis talaga ang hangad ng kanyang puso.
Nagsimula muna siya bilang miyembro ng Primary Response Unit ng Toronto Police Force noong 2008, ulat sa Amazing Earth ng GMA-7 noong 2024.
Sa ngayon, nakatalaga siya sa Community Safety Unit.
Paglalarawan ni Don, ”It is a dangerous job. Even before meeting Aurora this was my dream job.”
Pero lumipas man ang maraming taon, malaki pa rin daw ang pasasalamat ni Don sa ABS-CBN.
Sa tanong kung bukas pa ba siyang umarte, sagot niya, “Oo naman. Hindi ko hihindian…”
