Bakas ang lungkot sa mukha ni Buboy Villar sa pag-alis ng bunsong anak nito na si George.
Nitong nakaraang Lunes, March 14, 2022, ibinahagi ni Buboy sa isang vlog sa YouTube na hinatid na nito sa airport ang dalawang taong gulang na anak na maninirahan sa U.S. sa loob ng isang buwan.
Kuwento ni Buboy habang kinukunan ng saliva samples si George para sa kanyang COVID-19 test, "Kaya po siya nagganito kasi may swab test siya, para sa Amerika. Pupunta kasi siya ng Amerika. Although, saglit lang naman siya dun."
Sa kanyang vlog sinabi ng Kapuso actor na nami-miss na rin ng kanyang ex-partner na si Angillyn Serrano Gorens ang kanilang bunsong anak.
Sabi ni Buboy, "I'm pretty sure na sobrang miss na rin ni Angillyn si George."
Tanong naman ng cameraman nito, "Ba't parang naiiyak ka?"
Nalulungkot man, naiintindihan ni Buboy kung bakit kailangang umalis ni George pansamantala lalo't para ito sa future nila.
Aniya, "Hindi. Ako, okey ako, basta't para sa mga future ng anak ko, isa-sacrifice ko iyan. Yung pagka-miss ko, andiyan na iyan. Pero mas maganda i-secure natin yung future nila."
Dagdag na paliwanag ni Buboy, "Kaya kailangan niya pumunta dun kasi kailangan niya ng appearance.
"Kasi nga U.S. Citizen si George. Although, ganun talaga, nakakalungkot. Pero kailangan natin tibayan yung puso't isipan natin.
"Ayoko rin naman umiyak sa harap ng anak ko kasi... Ayoko baka mamaya mai-stress din yung si Sir."
Ang "Sir" na tinutukoy ni Buboy ang adult person na kasama ng anak niyang si George papuntang U.S.
Hindi ipinakita ang mukha at hindi rin nabanggit sa video ang pangalan ng lalaking pinagkatiwalaan ni Buboy na magdadala kay George sa ina nitong si Angillyn.
Patuloy ni Buboy sa vlog, "Siyempre baka umiyak din si George. Siyempre alam ni George na lagi lang ako tawa nang tawa. Laro lang kami nang laro. Pero laban lang tayo."
Matatandaang noong 2019, sa U.S. ipinanganak ni Angillyn si George dahil na rin sa komplikasyon habang ipinagbubuntis niya ito.
Nagpasalamat naman si Buboy sa mga magulang ni Angillyn na buo rin ang supporta sa kanyang anak.
Dagdag nito, "At saka special thanks sa lolo't lola. Kaya bawal maging malungkot. Walang iiyak."
May ilang bilin naman si Buboy para kay George bago ito ipasok sa airport at tuluyan na silang maghiwalay.
Sabi nito sa anak, "You hug Ate Vlanz for me, ha, and kiss Ate Vlanz for me. Okay?
"You're gonna play with mama, and mamita and then, Vlanz.
"Ate Vlanz is so excited for you to go there to America."
Patuloy ni Buboy, "Kung pwede lang akong sumama, George, kaso hindi, next time na tayo..."
Si Vlanz ay ang panganay na anak ni Angillyn at ni Buboy na ngayo'y limang taong gulang na.
Noong October 2020, unang kinumpirma ni Angillyn ang breakup nila ni Buboy matapos ang kanilang limang taong relasyon.
Nanatili namang magkaibigan ang dalawa para na rin sa kanilang mga anak.
READ MORE: