Patuloy sa pag-arte sina Jan Marini at ang mister niyang si Gerard Pizarras sa pamamagitan ng manager nilang si Rams David ng Artist Circle Management.
Pareho silang freelancer na hindi sila nakatali sa kahit na anong TV network. Ang pinakahuling serye ni Jan ay sa ABS-CBN, ang A Soldier’s Heart.
Pagmamalaki ni Jan,"Nag-number one daw yung episode na yun. Natuwa naman ako kasi first appearance ko yun for so long.”
Kaya lang daw, “Pero inabutan yun ng pandemic so na-cut short, hindi ko na natapos.
"Ang huli ko namang show sa GMA-7, I’m not sure, pero baka yung Sana ay Ikaw Na Nga with Andrea Torres. I’m talking about full-length regular, ha?
“Nag-Wish Ko Lang na rin ako. Yung Wish Ko Lang yung talagang balik ko, talagang full taping nitong pandemic, after the lockdown."
Sa kabilang banda, ang Magpakailanman ang pinakahuli namang show ni Gerald sa GMA-7.
Napasok si Jam at Gerald sa talent management ni Rams noon sa tulong ng production manager na kaibigan nila, si Redgyn Alba ng GMA-7.
Ibinalita noon ni Redgyn kina Jan na magre-resign na si Rams sa production ng GMA at magtatayo ng sarili niyang artist management outfit.
Kuwento pa ni Jam, “That was 2013, kasi kami after Mr. M [Johnny Manahan], hindi na kami nagpa-manage sa kahit sino.
"So, naisip lang din namin, sige nga, para may representation and kaibigan din naman namin si Rams, naka-work namin several times, so yun, thankfully okay naman sa kanya.
"So, nagkaroon kami ng a few years of working together and then nagpaalam kami for a while kasi nag-full time ako as a homeschooling mom.
“So parang kailangan ko rin magpahinga from work sa showbiz.”
Wala silang anumang kontrata kay Rams, at usapang kaibigan lang ang kanilang pagtatrabaho as manager/talent.
JAN PROUD to be HOMESCHOOLING HER KIDS
By homeschooling mom, ang ibig sabihin ni Jan ay siya ang naging guro ng kanilang mga anak dahil nga nagsara ang mga eskuwelahan dahil sa pandemya.
“Parent educator is what it’s called, so seven years ko na yung ginagawa. So naka-enroll kami as a family sa provider, meaning para ma-credit yung mga itinuturo ko.
“Kailangan yun, otherwise ako ang didirekta sa DepEd to present my kids’ grades. So ngayon, para mapadali yung sistema, I enrolled in a homeschool provider kung saan doon ko na sina-submit yung grades.
“And we decided to enroll in the U.S. so technically U.S. graduate sila.
“Ginagamit namin yung curriculum ng American school, accredited doon. Para i-honor din yung mga units na itinuro mo sa anak mo. That’s why yung daughter namin, after ko siyang mag-homeschool hanggang senior high, she’s now enrolled at the Ateneo.”
Dalawa ang anak nila. Si Rian ay 21 at si Rain naman ay 15 anyos.
Noong 2022 sila muling bumalik sa pangangalaga ni Rams.
Kuwento ni Gerard, “SI Jan, di ba nakapagpahinga for many years? So, mas maganda kapag meron ulit magre-represent sa kanya.
“Hindi naman nawala yung work sa akin for seven years and we felt lang na kailangan, kasi ngayon the competition is really ano, and hindi puwedeng isang network lang yung pinagtatrabahuhan mo.
"So, ramdam namin na kailangan meron kaming koneksyon wherever the network is available.
“So right now sa GMA, so si Ateng [Rams] is very well-connected sa GMA, so naisip namin friend namin si Ateng so bumalik kami sa kanya.”
Ang Second Chances ang huling show na ginawa ni Gerard sa GMA noong 2015 pero kailan lamang ay ilang beses siyang napanood sa Magpakailanman pati na rin sa Ipaglaban Mo.
HAPPY FOR MR. M'S TRANSFER TO GMA-7
At ngayon nga ay nasa GMA na rin si Mr. M na dating “ama” nina Jan at Gerard sa ABS-CBN.
“Nung maging official yun, tinext ko agad si Tita Mariole, nag-send ako ng mga emoji na heart,” sabi ni Jan.
Si Mariole Alberto na dati ring isa sa mga executives ng ABS-CBN ay Kapuso na rin. Sabay sila ni Mr. M na lumipat sa GMA.
“Tag team talaga sila in developing artists. So bilang homegrown na Mr. M artist, lalo na ako, I felt happy! Akala ko nga magre-retire na si Mr. M. Natuwa naman ako na he will be able to still share his wisdom in developing talents.
“So nag-message ako kay Tita Mariole ng mga puso, and sabi ko, ‘God bless you in this new home of yours! And looking forward to working with you soon.’
“Sumagot siya, of course, always in their minds daw yung kanilang mga alaga,” kuwento pa ni Jan.
“Nagkaroon ako ng hope,” pahayag naman ni Gerard tungkol sa paglipat nina Mr. M sa GMA, “kasi alam ko kung paano mag-train sina Mr. M at mag-handle ng isang office.
“Sabi ko, ‘Ahh, siguro mas gaganda itong department ng GMA where talents are being developed.
“Nagkaroon ako ng, ‘Uy, mas magkakaroon pa ng magagaling na artista diyan sa GMA!’
“I’m pretty sure,” sabi pa ni Gerard.
JAN AND GERARD'S BATCHMATES IN SHOWBIZ
Ang mga ka-batch ni Gerard sa showbiz ay sina Piolo Pascual, Jericho Rosales, Kristine Hermosa, Dimples Romana at Dominic Ochoa na isa na ring Kapuso ngayon at napapanood sa Abot Kamay Na Pangarap na pinagbibidahan ni Jillian Ward.
Ayon naman kay Jan, “Original Talent Center bago naging Star Magic. Kami ang original na mga babies ni Mr. M!
"Ka-batch ko si Jolina [Magdangal], si Angelu [de Leon], Gio Alvarez, Victor Neri original kami ng Ang TV, si Claudine Barretto.”
