Nakatuon ngayon ang pansin ni Marvin Agustin sa kanyang mga restaurants at sa kambal niyang anak na sina Sebastian at Santiago, na 18 years old na.
“Iyong mga maliliit na bata dati, magka-college na sila this year. Matatanda na!” bulalas ni Marvin sa intimate mediacon niya nitong Marso 23, 2023, Huwebes ng gabi, sa Cochi Bistro, BGC Corporate Center, Taguig City.
Nagpakita na ba ng interes sa food business ang kambal? Susundan ba nila ang mga yapak ni Marvin?
“Nasa music sila. May banda silang magkapatid together with their friends. Ang isa, nagda-drums. Tapos yung isa naman, he writes songs. Ahhmm, yeah, he does bass, piano. Tinirahan lang niya yung kapatid niya ng isang instrumento, drums. Kaya hindi talaga niya yun pinag-aralan," kuwento ng 44 anyos na actor-entrepreneur.
Nakikipag-jamming siya sa mga anak niya?
Natatawang pagbibiro ni Marvin, “Mahal ang talent fee ko. Ayaw akong pasalihin, matanda na raw ako.”
Kabilang sa mga restaurants ni Marvin ang Cochi Bistro, Kondwi, Secret Kitchen, at Wolfgang Steakhouse PH.
Ite-train ba niya eventually ang sinuman sa kambal upang pamahalaan ang kanyang mga negosyo pagdating ng panahon?
“Iyong isa, yung si Santiago, will take up something about business management sa States. Dun niya gustong mag-aral.
“Iyong isa, gustong mag-Political Science, pero yung puso, nasa music. So hinahayaan ko silang mamili on their own.
“I guess yung generation natin ngayon na hinahayaan natin silang i-explore at i-discover kung saan talaga nila gusto."

MARVIN AGUSTIN ON SONS ENTERING SHOWBIZ
Sa musika lang nakatuon ang kambal? Hindi nila balak subukan ang pag-aartista, na puwedeng stepping stone?
“Ah, wala silang nakukuwento. But if that’s something na gusto nilang gawin, siyempre susuporta ako.”
Kapag nag-Amerika na si Santiago para mag-aral, ngayon lang sila magkakahiwalay ni Sebastian.
“Si Sebastian, gusto dito sa Pilipinas.”
Anim na kanta na raw ang nasulat ni Sebastian.
“Magaling siya. Actually nung una, parang hindi ako naniniwala. Parang sige na nga,” pagtatapat ni Marvin.
“Iyong kaibigan ko kasi, meron siyang set-up na recording studio sa bahay nila. Sabi ko, siyempre, parang hindi ko naman alam na magaling. Sabi ko, ‘Sige na nga!’ Isinama ko sa bahay ng kaibigan ko. Hmmnnn… gita-gitara. '
"Tapos sabi ko, ‘O, nasaan na yung song na sinulat mo?’ Tapos kinanta… "
Namangha si Marvin, "Parang ibang tao! Ooopps! Parang ibang tao!”
Napanood ba ng kambal iyong movie and TV projects nila before ng ka-love team niyang si Jolina Magdangal?
“Yes! Kasi sa generation nila ngayon, parang cool yung 90s, e. Kaya nga natuwa ako, e!” sabi ni Marvin.
“Dati kasi, parang nababaduyan sila sa akin. Pero ngayon, cool ako sa kanila! So pana-panahon lang iyan! Hahahaha!”
If ever, anong gusto niyang ipagawa kay Sebastian ngayong napatunayan niya na may talent ito as songwriter?
“Nasa kanya yun kung anong gusto niyang direksiyon sa buhay niya. Gusto niya ang music, gusto talaga niyang i-pursue.”
Kagaya ni Marvin ay parehong mahilig magluto sina Sebastian at Santiago. May girlfriend na ba ang mga ito?
Napakunot-noo si Marvin, “Iyan ang mga hindi ko puwedeng pag-usapan! Magagalit sila sa akin! Hahaha!”
