Isa sa pinakamalaking dilemma ng mga parents ngayon ay ang pagbababad ng kanilang mga anak sa screen ng smartphone o iba pang gadgets.
Convenient way kasi ito para maging behave ang mga bata o ma-pacify ang mga nagmamarakulyo.
Pero sa karanasan ni Armando Hart at ng kanyang misis na naninirahan sa Long Beach, California, USA, iba pa rin ang traditional parenting style.
Pinusuan ng netizens ang kanyang viral TikTok video kung saan ibinahagi niya ang posibleng mangyari kung mga libro ang ibibigay sa anak sa halip na smartphone.
Ang video ay ini-upload ni Armando noong March 23, 2024.
Nilagyan niya ito ng caption na, published as is: “We’re so blessed with our son Raya.
“I think he’s read more books than I have.”

Sa video ay makikita ang mag-ama na sakay ng kotse, at habang nagmamaneho si Armando ay nagbabasa ng libro si Raya.
Aniya, "Give them books instead of phones when they're little, and this is the result.
"Thank me later."
Pagbabahagi ni Armando sa panayam sa kanya ng Newsweek last April 15, noong bata pa si Raya at hindi pa marunong magbasa ay gabi-gabing binabasahan ito ng libro bago matulog.
Naglalaan talaga ng oras ang mag-asawa para sa reading time.
“It was all about leading by example and creating a nurturing environment where reading was celebrated.”
Sa ngayon, napakahilig ni Raya sa mga libro—mapa-educational o kahit nobela.
Naging mahilig din siya sa pagbubuo ng kung anu-anong mga projects, gaya ng pagluluto ng mga nababasang recipe at paggagawa ng artworks.
Mapapanood sa video na habang nagbabasa, ang bata ay may hawak na glass of lemonade, na siya mismo ang nagtimpla.
Read: Old coins from Medieval Ages discovered
WHY INSTILL THE LOVE FOR BOOKS IN KIDS?
Para kay Armando, ang pagbabasa ng mga libro ay nagbibigay ng balanse sa buhay ng kanyang anak.
Paglilinaw naman niya, hindi siya kontra sa teknolohiya.
Mas gusto lang niyang maranasan ni Raya ang buhay na nagbibigay ng prayoridad sa mga mas makahulugang karanasan at aktuwal na pagkatuto.
Aniya sa panayam naman ng website na Upworthy last April 18, “By instilling a love for reading, creativity, and exploration early on, we're equipping Raya with the skills and mindset he needs to thrive in an ever-changing world.”
Naniniwala rin si Armando na ang pagbababad ng mga bata sa smartphones o anumang gadgets ay isang realidad na palala nang palala.
Karamihan umano sa mga kabataan ay kulang na sa self-esteem, confidence, at fundamental values.
Paliwanag pa ni Armando, wala pa ring katulad ang physical activities, gaya ng pakikipaglaro sa kapwa bata at pag-eehersisyo, pati na rin ang aktuwal na social interactions.
Samantala, ang mahabang oras na inilalaan sa pag-i-scroll sa smartphone ay nakakabawas din sa genuine moments of happiness and fulfillment.
Read: Burger bought in 1995 remains intact
PARENTS MUST AVOID "PRESSURES OF CONVENIENCE"
Para kay Armando, dapat tugunan ang mas malalalim na dahilan na nakaaapekto sa mental and emotional health ng mga kabataan—kaysa isisi ang kanilang nagiging maling pag-uugali sa screen time.
Naniniwala siya na ang susi para magkaroon ng healthy habits ang mga anak ay ang pagkakaroon na parents na present lagi sa kanilang buhay.
Isama na rin ang pag-iwas sa “pressures of convenience”—gaya ng pagpapagamit ng smartphone sa mga ito para hindi na mahirapang mag-alaga o magbantay habang lumalaki ang mga anak.
Payo pa niya sa mga parents, gawing prayoridad ang pagkakaroon ng quality time para sa pamilya kahit sa pinakasimpleng paraan, gaya ng pagkain nang sabay-sabay habang nagkukuwentuhan—nang wala munang smartphone habang nasa hapag-kainan.
Paalala pa niya, imbes smartphones, books ang ipahawak sa bata.

Sa kabila aniya ng napakabilis na takbo ng mundo dahil sa trabaho at teknolohiya, importante pa ring pahalagahan ng magulang ang pagtuturo ng values sa mga anak.
“This means staying connected to our authentic selves and teaching our kids the importance of honesty, kindness, and respect.”
Ang video ni Armando ay nakakuha na ng eight million views.
Positibo rin ang komento ng mga netizens, na pawang nagsasabi na sana ay mas maraming parents pa ang mag-encourage sa mga anak na piliing magbasa ng libro.
Read: Childless marriage? Content creator defends her choice
ILL EFFECTS OF TOO MUCH GADGETS
Gayunpaman, batay sa 2022 study na nalathala sa JAMA Pediatrics journal, natuklasan na ang pagpapanood sa mga bata sa smartphone ay may epekto sa pag-uugali, lalo na sa abilidad nilang ma-regulate ang kanilang mga emosyon.
Kapag mas lamang ang social media interactions sa in-person connections, mas nasasanay ang mga bata sa feeling of isolation, at may epekto ito sa kanilang mental well-being.
Sa ulat naman ng Mayo Clinic noong 2023, ang excessive screen time ay nagiging sanhi ng obesity, hindi maayos na pagtulog, pagiging mahina sa klase, maagang exposure sa karahasan, at malaking kabawasan para makapaglaro sila nang pisikal nag-iisa man o may ibang batang kalaro.
Read: 11-year-old kid tells dad who declines buying her iPhone 15 Pro Max: "You’re ruining my life!"
AVERAGE SCREEN TIME SA SMARTPHONE NG MGA BATA: 6.15 HOURS
Inirerekomenda ng American Academy of Pediatrics na limitahan ang screen time sa isa hanggang dalawang oras araw-araw para sa mga batang two years old pataas.
Pero ang realidad, babad at tutok ang mga bata sa online videos at games.
Bago sumapit ang pandemya, ang mga batang edad apat hanggang 12 ay gumugugol ng average na 4.4 oras sa harap ng gadgets.
Noong nagkaroon ng lockdown at naging virtual ang mga klase, ang average child’s daily screen time ay nasa 6.15 oras na.
Hindi ito healthy para sa kanila, at hindi ito dapat maging habit.
