Ibang klase ang tapang at lakas ng loob ng aktres na si Beauty Gonzalez pagdating sa adventure. Sa isang bundok sa Guatemala pa niya sinubukang mag-hike na mag-isa lang.

Kuwento ni Beauty sa ginanap na mediacon para sa ikalawang season ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis, “Ang nangyari, I was there in Guatemala, parang ang gandang umakyat ng bundok.
"Guatemala is known for like, 40 volcanoes and at that time, in Antigua, there were two volcanoes, and they’re active and they’re quite known as hiking trails.
“Sabi ko, nandiyan na iyan, akyatin ko na.”

Mag-isa lang daw siyang umakyat ng bundok. Hindi na sumama sa kanya ang Mister na si Norman Crisologo at ang anak nilang si Olivia.
“Ayaw na raw niyang pahirapan ang sarili niya. Magpapamasahe na lang daw siya,” lahad ni Beauty sa hindi pagsama ng asawa.
Pero ang maganda, kahit na mag-isa lang siya, pinayagan pa rin siya ng kanyang mister.
“Yeah, because he wants me to do things—well, bakit naman hindi? Bakit naman ako pagbabawalan?
“Pinayagan ako, yeah. Well, I really don’t think there’s any reason because of danger or what, pinayagan niya ako because he sees that it’s good for my own journey and it would be unforgettable for me.”
BEAUTY UNFAZED BY DANGERS POSED BY VOLCANIC ERUPTION
Naging unforgettable nga ang ginawa niyang adventure dahil bago siya makarating sa destinasyon, nagkaroon ng pagsabog ang bulkan.

“Unforgettable talaga, paakyat pa lang — imagine mo, sa trenta na iyon, sampu ang bumaba, nag-give up na. Mga bata iyon, ha?
“We started as 30 hikers, naging 20 na lang kami hanggang naging 15 na lang. I was gone for 36 hours.
“It’s a hiking trail na 10 hours going up. The main problem was the mental health. Kasi, the more you say you can’t do it, the more you won’t do it.”
Habang nasa tent daw siya, doon niya nakita ang pumuputok na bulkan.
“Ang daming challenges noon — oxygen, altitude sickness and siyempre, hindi ako sanay na makitulog na may kasamang kahit sino, di ba? E, di inunahan ko na sila. Baka kapag nakatulog ang isa, hindi na ako makatulog. Baka humihilik.”
Apat daw silang magkakasama sa tent na hindi niya talaga kilala.
“It was like a new experience because I have to make friends which I don’t do. I have to talk to people which I don’t do.
“Timing din, kasi hindi siya palaging pumuputok. Nag-CR ako, nakita ko na pumuputok ang bulkan. Inangat ko ang panty ko at tinawag ko ang mga kasama ko. Sabi ko, ‘Hoy, hoy, heto na, heto na!’
“It doesn’t really explode all the time. Patsamba-tsamba lang. At that time, paglabas ko, biglang nanginig.”
May 10 kilometers na lang daw sila noon sa bulkan. Pero ayon kay Beauty, hindi pa rin daw niya inisip na bumaba na lang at hindi na tumuloy.
“Hindi, kasi it made me realize na yung mga problema na may solusyon, huwag problemahin. Yung problema na walang solusyon, huwag mo na rin problemahin. So, ang dami kong na-realize noong trip na iyon.”
BEAUTY DISCLOSES WAIVER AS PART OF VOLCANO HIKE RISK
May waiver raw siyang pinirmahan bago sila umakyat.
“It’s your own risk talaga,” pakli niya.
“Ako naman, I wanna do it now. If it’s my time, it would be my time. I just wanna do things. And I know naman na, ‘e, nandiyan na, bakit hindi ko pa aakyatin? Okay pa naman ang katawan ko.’”
Ayon kay Beauty, noong mga oras na iyon, nag-aalala na rin daw si Norman.

“He was so worried. Noong una, sabi pa niya, dalawang oras, tatawag na siya. ‘Sunduin mo na ako rito!’
“Pero, sampung oras na, nandoon pa rin siya sa taas. Sabi nga niya, napabilib ko siya and he was very proud of me na nagawa ko iyon.
“So, to many more mountains to climb.”
NEXT STOP: MT. KILIMANJARO
Parang wala sigurong ibang artist na tulad niya na gagawin ang ginawa niya na umakyat sa isang delikadong bundok na mag-isa?
“I know, they’re very boring, right?” natawang hirit niya.
“I know, I live in a different planet siguro. Everybody has their own stroke. Some like shopping, I like arts. Some like traveling, some like Mobile Legends.”
Plano raw niyang isunod ang Darahitan sa Tanay na siguradong mamaniin na lang niya. Pero ang talagang pangarap daw niya ay sa Mount Kilimanjaro sa Africa.
“Because you know, I wanna go to obscure places na slowly, it will disappear. Yung third world, America, Europe, it will always be there. Nandiyan lang iyan, e, because slowly, people from the third world will go there and make new business.
“Alam mo iyon, I wanna go to these places. It may be hard, but it’s fulfilling. Kapag napunta kayo roon, para kayong nasa National Geographic.”
Ayon pa kay Beauty, kaya rin daw siya nagpunta sa Guatemala, pangarap daw niya talaga ang mga makukulay na sementeryo.
“Iyan ang pangarap ko noong bata. I wanted to have my own colorful cemetery. And then, alam ko sa Antigua, sikat sila sa ganoon. That’s the only reason and the volcanoes just came last minute na… I wanna go there.”
BEAUTY WAXES PHILOSOPHICAL ABOUT HER ADVENTURES
Tinanong din namin si Beauty kung ano ang satisfaction niya kapag narating na niya ang tuktok ng bundok?
“Parang there’s nothing that I can’t do.
“Iyon nga, parang everything is possible at O.A. lang talaga ako. Na-realize ko sa lahat ng bagay.
“Alam mo iyon, parang huwag kang mag-problema sa mga bagay na walang solusyon at huwag mo nang problemahin ang mga bagay na walang solusyon.”
Sabi pa niya, “But you know, after that experience, it made me humble. It made me appreciate the things that I have in life.”
BEAUTY DONS COP’S UNIFORM IN WALANG MATIGAS NA PULIS SEASON 2
Sa isang banda, kahit sa mga karakter na ginagampanan niya sa telebisyon, gusto rin ni Beauty na may mga ginagawa siyang out-of-the-box.
Kaya season one pa lang, sobra na ang pasasalamat ni Beauty na siya ang ginawang leading lady ni Senator Bong Revilla Jr. para sa sitcom nila na Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.
Ngayon, hindi na siya misis lang ni Tolome. Sa mediacon pa lang ay naka-police uniform na si Beauty. Kaya mukhang may malaking ganap na nangyari sa kuwento.
Natatawang sagot niya, “Abangan niyo kung paano ang switch namin. Mas marami pang action, mas marami pang katatawanan. Handa niyo na ang mga panga niyo at sasakit sa katatawa talaga.”
At dahil season 2 na nga, mas kumportable na rin si Beauty kay Senator Bong bilang leading man.
“Yeah, very comfortable. From season one pa lang, Senator Bong really made me comfortable. He’s such a gentleman. Palagi siyang nakatutok hindi lang sa akin kung hindi sa lahat ng cast. Nagtutulungan kami kung ano pa ang kailangan gawin to improve.
“Sa season 2, it’s sweeter. Sweeter the second time around.”
