'Charming' may sariling show na sa GMA-7



Hindi na mapipigilan pa ang pagsikat ng child actress na si Eunice Lagusad o mas kilala bilang ang batang Charming sa GMA-7 primetime drama series na Bakekang.

Natutuwa ang walong taong gulang na mainstay ng Ay, Robot! (ang sitcom na napapanood sa QTV 11) sa popularidad niya ngayon. Tuwing tinatawag nga raw siyang Charming ng mga tao ay napapangiti siya dahil alam niyang tumatak sa mga manonood ang pagganap niya sa Bakekang.

Kuwento nga ni Eunice, noong Araw ng mga Patay ay nagulat siya dahil ang dami raw nagpa-picture taking kasama siya noong pumunta sila ng kanyang mag-anak sa Eternal Gardens sa Caloocan upang dalawin naman ang puntod ng mga namatay nilang kamag-anak.

Ngunit ngayon nga ay hindi na napapanood si Eunice sa Bakekang dahil tumanda na sa istorya ang karakter niyang si Charming, na ngayon ay ginagampanan ng StarStruck Batch 1 runner-up na si Yasmien Kurdi.

Bagama't wala na siya sa Bakekang ay hindi naman daw siya nalulungkot dahil binigyan siya ng GMA-7 ng panibagong show na halaw sa pangalan ng role na pinasikat niya.

"Princess Charming po ang title," masayang balita ni Eunice sa taping ng Ay, Robot! noong November 2 sa Broadway Centrum. "Ipapalabas daw po siya bago mag-24 Oras. Kapalit po yata siya ng Jewel in the Palace."

Four years old pa lang si Eunice nang sumabak siya sa showbiz. Una siyang lumabas sa soap drama ng ABS-CBN 2 na Kay Tagal Kang Hinintay bilang anak nina Bing Loyzaga at John Estrada. Pagkatapos nito ay napanood siya sa Mulawin ng GMA-7 at ang pinakahuli nga ay sa Bakekang sa nasabi pa ring istasyon.

Sa Ay, Robot! ay ang StarStruck Kids runner-up na si Sam Bumatay talaga ang lead character, kunsaan kasama din sina Ogie Alcasid at Tanya Garcia. Tinanong namin si Eunice kung mayroon ba silang rivalry ngayon ni Sam dahil mas sikat na siya kesa sa una.

"Wala po," nakangiting sabi ni Eunice. "Close po kami ni Sam. Saka siya po ang bida rito sa Ay, Robot! Supporting actress lang po ako rito."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN