Richard Gomez confirms political plans



Tuloy na tuloy na ang planong pagsabak sa pulitika ni Richard Gomez sa 2007. Ito ang kinumpirma ni Goma (palayaw ng aktor) nang makapanayam siya ng Philippine Entertainment Portal (PEP) sa launch ng Love and Conquer perfume ng Bench noong Nobyembre 16 sa Music Hall ng SM Mall of Asia.

"Oo, tuloy ang pagtakbo ko. Lalaban tayo!" bulalas ni Goma.

"Ang plano namin talaga is to run for governor sa Bulacan. Pero maraming nag-co-convince sa akin kung puwedeng mag-Senate na lang ako."

"Sabi ko, tutal malayo pa naman, let me just focus sa isang lugar muna and from there, pag-isipan natin kung anong puwedeng gawin. Wala pa akong party affiliation but once meron na, I'll let you know," pahayag niya.

May balitang magsasama-sama ang lahat ng mga taga-oposisyon at mula sa mabubuo nilang partido pipiliin ang mga magiging kandidato ng United Opposition para sa nalalapit na halalan. Isa ba siya sa mga ‘inaawitan' ng oposisyon?

"Well, you can say that! Actually, no comment dapat. But I guess you can say that!" tawa ng sikat na actor-sportsman.

Ayon kay Goma, matagal nang nagsimula ang kanyang interes sa pulitika. Matatandaan na noong 2001 ay tumakbo siya para sa Party List na MAD (Mamamayan Ayaw sa Droga), pero nang manalo sila sa eleksiyon ay bigla umano silang pina-disqualify ng Supreme Court para sa mga kadahilanang hindi naman napatunayan sa korte.

"But that's water under the bridge. We're starting all over again. The desire to help the people has always been there. The fire has remained hot!" sambit niya.

Aniya, tubong-Bulacan ang kanyang angkan at marami siyang mga kamag-anak na pumasok din sa mundo ng pulitika. Parang itinutuloy lang daw niya ang tradisyon ng kanilang pamilya.

Bukod sa bahay ng pamilya niya ay may bahay na rin daw sila nina Lucy sa San Rafael, Bulacan at madalas siyang nag-iikut-ikot ngayon doon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Goma, magdedesisyon pa siya kung siya ay tatakbong senador o gobernador. Suportado raw ng maybahay niyang si Lucy Torres-Gomez ang kanyang planong pulitikal.

"Si Lucy is very supportive sa mga ginagawa ko at sa lahat ng endeavors ko whether sports, politics or lifestyle!"

Samantala, hiningi rin ng PEP ang kanyang reaksiyon sa ipinahayag kamakailan ni Leo Martinez (director general ng Film Academy of the Philippines) na hindi na umano dapat tumakbo sa pulitika ang mga artista.

"Okey ‘yung idea na ‘yon kung gusto mo lang pumasok sa politics dahil gusto mo lang umupo sa puwesto at gusto mo lang ‘yung title at posisyon," aniya.

"Kung ganu'n ang gusto mo, huwag na lang. Pero kung talagang nasa puso mo na gusto mong tumulong at gusto mo talagang mag-effect ng change sa kung saan mo man gustong pumasok, okey ‘yon," mahinahong tugon ni Goma.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN