BJ 'Tolits' Forbes hindi naniniwala kay Santa Claus



Tuwang-tuwa ang child star na si BJ "Tolits" Forbes dahil sa pagkakapanalo niya sa category na Maximum Dance Blast sa S.O.P. Music Awards na ginanap last Sunday, November 26, sa SM Mall of Asia. Nakuha niya ang award para sa kanyang dance single na Cappuccino, from his dance album BJ Forbes Dance Hits



"Nagulat nga po ako noong tinawag ang pangalan ko as the winner," sabi ni BJ sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) pagkatapos ng kanyang pagkapanalo last Sunday. "Akala ko iba ang tatawagin, yun pala name ko ang tinawag. Siyempre, happy po ako. Kasi first album ko, may award na kaagad ako. Tapos nakakuha pa ako ng Gold Record Award kaya tuwang-tuwa po ako."



Hindi sigurado si BJ kung ilang awards na ang nakuha niya mula sa iba't ibang award-giving bodies.



"Iba-iba po kasi," sabi niya. "May award ako para sa movie, TV, at sa school. Ngayon, may award pa ako sa album ko. Siguro po mga 12 na mga awards ko. Yun lang po ang alam ko sa ngayon."



Gusto na ni BJ magkaroon ng second album. Inaamin kasi niyang mas enjoy siya sa pagkanta at pagsayaw kesa sa pag-arte.



"Mahirap po kasing umarte minsan," sabi niya. "Nahihirapan po akong umiyak. Masaya po kasi ako parati kaya mahirap umiyak. Ayoko rin ng umiiyak kasi ayoko na maging sad ako. Gusto ko, happy ako parati."



Ibig bang sabihin nito ay inaayawan na niya ang pag-arte? Magiging recording artist na lang siya?



"Ay hindi naman po!" mabilis niyang tugon. "Gusto ko pa ring umarte. Nahihirapan lang ako kapag pinapaiyak ako."



Sa murang edad ni BJ, marami na raw siyang naipundar. May sarili na siyang sasakyan, nakabili na siya ng bagong bahay sa Angono, Rizal, at nakakatulong pa siya sa mga gastusin nila sa bahay.



Kaya nga ngayong Pasko, si BJ na raw ang magreregalo dahil wala na raw siyang mahihiling pa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



"Nag-iisip nga po ako kung ano pa ang gusto ko sa Christmas," sabi niya. "Wala na akong maisip pa. Kaya ako na lang ang magbibigay ng mga regalo. Gusto ko pong mag-share ng mga blessings ko."



Sinabi rin ni BJ na hindi siya naniniwala kay Santa Claus. Since five years old pa lang daw ay alam niyang kuwento-kuwento lang ang tungkol kay Santa Claus.



"Sabi kasi nina mommy at daddy na magsabit daw ako ng medyas para lagyan daw ni Santa Claus ng gift. Kaya nagsabit ako. E nahuli ko si mommy na naglalagay ng gift sa medyas ko kaya doon ko nalaman na wala palang totoong Santa Claus," sabi pa ni BJ.



"Pero okey lang kasi sila mommy at daddy pala ang tunay na Santa Claus. Ngayong Pasko, ako naman ang magiging Santa Claus sa kanila."

Kasama si BJ sa Enteng Kabisote 3, isa sa official entries sa 2006 Metro Manila Film Festival na inaasahang magta-top sa box office uli. Basta may film entry sa pasko ang producer-star nitong si Vic Sotto, laging number one ang pelikula sa takilya. Si BJ ay tinatawag na anak-anakan ni Vic, gaya ni Aiza Seguerra, dalawang batang lumaki sa big noontime show na Eat Bulaga.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN