Boy2 Quizon inabutan ng bagyong Reming sa Bicol



Grabe ang naramdamang trauma ni Boy2 Quizon dahil sa super typhoon na si Reming noong nasa kasagsagan ito ng pananalanta sa Bicol region. Pumalo ng signal no. 4 ang lakas ni Reming nang abutin nito ang Naga City, kung saan naroon sina Boy2 at ang kanyang banda.

Ngayon lang daw nakakita si Boy2 ng ganung kalakas na bagyo, na pati kotse ay tinangay ng malakas na hangin at pati bubungan ng hotel na tinutuluyan nila ay nilipad.

Nandoon si Boy2 bilang bahagi ng kanyang series of concerts sa buong Pilipinas upang i-promote ang kanyang Biyaheng Reggae album ng GMA Records. Unang linggo pa lamang ng Nobyembre ay pabalik-balik na si Boy2 sa Bicol dahil personal niyang inasikaso ang dalawang gabing concert sa nasabing lugar.

Nag-promote pa ang apo ng Comedy King na si Dolphy sa ilang radio stations, pero dahil kay Reming ay hindi natuloy ang kanyang concert.

Sa phone interview kay Boy2 ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kaninang umaga, December 4, sinabi nito na nakatakda sanang idaos ang concert niyang "Biyaheng Reggae Concert Tour" noong December 1 sa Avenue Square sa Naga City, at sa Pacific Mall sa Legaspi City naman noong December 2.

Pero dahil nga sa napakalakas na bagyo, na kumitil sa maraming buhay at sumira sa kabuhayan ng mga kababayan natin sa Bicol, ay hindi ito natuloy.

"Grabeng experience talaga iyon!" tila hindi makapaniwalang sabi ni Boy2. "Hindi ko akalain na mayroon palang ganoong katinding bagyo."

Tungkol sa concert niya, nasabi na lang nito: "Nanghihinayang nga ako at ang aking grupo dahil sa pagka-cancel ng concerts namin dito sa Bicol. Sayang ang mga preparasyon at effort na inilaan namin dito. Bayad na namin ang venue, lahat-lahat. Pero malaki pa rin ang pasasalamat namin dahil hindi kami nadisgrasya o walang masamang nangyari sa amin."

Dagdag niya, "Bale by January na namin itutuloy ‘yung concert, free concert na ito na ‘yung mga makukuha naming sponsors at kikitain ay ibibigay namin sa mga nasalanta at naapektuhan ng bagyong Reming."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkatapos nga ng bagyo ay nilagnat ang actor/singer dahil sa trauma, pressure, at tensiyon. Doon lang kasi nakakita si Boy2 na may nilipad na kotse, tumaob na bus, at ang buong bubungan ng Flamingo Hotel sa Naga ay nilipad ng napakalakas na hangin.

Bilang musician ay seryoso raw si Boy2. Bukod sa pagkanta ay nagco-compose din siya ng mga awitin. Matinding excitement ang nakikita sa kanya tuwing ang album o concert niya ang paksa ng interview.

Mukhang mainit ang pagtanggap sa banda lalo na sa mga provincial tours. Tulad ng concert niya sa isang football field sa Dipolog City, na dinagsa raw ng mga tao ilang buwan na ang nakalipas. May mga pagkakataon pang uma-absent siya sa taping ng gag show nilang Bubble Gang sa GMA-7 kapag nasa malalayong probinsiya ang banda dahil sa personal niyang inaasikaso ang promo ng kanyang album at concerts.



WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN