Senator Lito Lapid hopes that "Tatlong Baraha" will be shown in Makati


Senator Lito Lapid a little bit worried about the fate of his film in Makati theaters.


Umaasa si Senator Lito Lapid na maipalalabas ang kanyang pelikulang Tatlong Baraha sa lungsod ng Makati sa darating na Pasko.

Inamin ng aktor na madidismaya siya kung sakaling hindi maipalabas and Tatlong Baraha—kung saan bida din ang dalawa niyang anak na sina Gov. Mark Lapid at Maynard Lapid—sa nasabing lungsod, sa dalawang linggo ng Metro Manila Film Festival (MMFF) na magsisimula bukas, Disyembre 25.

Sa panayam ng Startalk noong Disyembre 23, hindi naitago ng aktor ang pagkabahala nang tanungin ang kanyang magiging saloobin sa balitang hindi maipapalabas ang kanyang pelikula. Nanawagan ang senador, "Sana naman [maipalabas], Pasko naman, e. Magbigayan naman, ‘di ba?"

Matatandaan na dalawa sa pelikula ng kanyang anak na si Mark—Batas Militar at Apoy sa Dibdib ng Kaaway—ang nabalitang di naipalabas sa mga sinehan ng lungsod ng Makati.

Napabalita rin kamakailan ang pagkumpirma ni Senator Lapid sa kanyang pangangampanya bilang alkalde ng Makati sa susunod na eleksyon. Siya di umano ang magiging pangtapat ng administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo sa muling pagtakbo ni Mayor Jejomar Binay sa nasabing puwesto.

"Ayokong pagbintangan si Mayor Binay, pero bakit ngayon lang? Noong araw nailalabas naman yung pelikula ko. At sabi naman niya [Mayor Binay], hindi siya nakikialam," pagtatakang sabi ng senador.

Dagdag na panawagan pa ng senador na nakilala bilang Leon Guerrero, "Sana huwag naman at trabaho lang ito. Pagbibigay lang ng entertainment sa ating mga kababayan."

Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng Metro Manila Film Festival ukol sa mga nasabing ulat, partikular na si Chairman Bayani Fernando.

Nang tanungin ang senador kung may ginagawang hakbang si Chairman Fernando, ito ang kanyang naging pahayag, "Nasa kanya na ‘yun. Ayokong makialam kasi bilang [aktor], nagtatrabaho lang [kami]."

Samantala, sinabi ni Mayor Binay sa isang panayam na sa dami ng trabaho niya, di na raw niya pinakikialaman pa ang paglabas o di paglabas ng mga pelikula sa mga sinehan ng Makati.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May mga nagsasabi rin na publicity ploy lang ng senador ang panawagang ito. Dahil daw di malakas ang box-office power ng kanyang pelikula, at di ito makatapat sa publicity ng ibang entries, ginagawan daw ng istorya ng senador ang labanan nila ni Mayor Binay. Ito raw ay gimik para pag-usapan ang kanyang action film.

Sa huli, ang makakasagot sa mga alingasngas na ito ay ang mismong ang MMFF period na magsisimula sa December 25.

Kapag naipalabas sa Makati ang Tatlong Baraha, mukhang kahiya-hiyang gimik lang talaga ang naging panawagan ng senador. Kung sakali, dapat ay humingi si Senador Lapid ng tawad sa publikong pinasakay niya sa ganitong publicity gimmick.

Kapag di naman naipalabas ito sa Makati, kelangang managot si Mayor Binay sa mga kasalanang abuse of authority at unfair trade practice.

Ang Tatlong Baraha ay isa sa siyam na pelikulang kalahok sa MMFF 2006 na magsismula sa araw ng Pasko. Magkakaroon ng parada ng mga artistang kasama sa siyam na pelikula ngayon, Disyembre 24, sa ganap na ala-una ng hapon.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN