Maraming nagulat sa biglaang pagre-resign ni Gladys Guevarra bilang isa sa mga co-host ng daily noontime show ng GMA-7 at TAPE Inc. na Eat Bulaga!
Agad kinontak ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang executive-in-charge of production ng Eat Bulaga! na si Malou Choa-Fagar upang tanungin tungkol dito matapos ibalita sa Startalk kahapon, Enero 6, ang nasabing pagre-resign ng singer-comedienne sa programa.
Ayon kay Malou, na nakausap ng PEP sa cellphone habang paakyat siya ng Tagaytay for the weekend, "health reasons" ang simpleng dahilan na ibinigay ni Gladys sa formal resignation letter nito.
Huling nag-report sa programa si Gladys nung Huwebes, Enero 4. Kinabukasan ay hindi na siya nag-report sa Eat Bulaga! studio sa Broadway Centrum at ipinaabot na lang ang kanyang resignation letter sa tumatayo nitong manager na si Jun Nardo.
Marami man ang nalulungkot sa pag-alis ni Gladys sa EB matapos siyang maging bahagi nito ng anim na taon, ayon kay Tita Malou ay tinatanggap nila ang pagbibitiw nito sa programa.
Kung may pinanghihinayangan man ang lady executive ng Eat Bulaga!, yun ay ang hindi nila pagkakaroon ng chance na makapag-usap ni Gladys bago ito nagdesisyon. Ani Malou, sana ay nilapitan man lang siya at kinausap ng komedyana bago ito nag-tender ng resignation.
Aniya pa, ang official stand o statement ng Eat Bulaga! hinggil sa nangyari ay hindi nila maaaring pigilan ang sinuman na gustong umalis sa programa, kaya wala na silang magagawa sa kaso ni Gladys.
Ilang linggo bago naganap ang pagre-resign ni Gladys ay pumutok ang balita na nagkaroon umano sila ng relasyon ng isa sa mga kasamahan niya sa programa na si Janno Gibbs. Nanatiling tikom ang bibig ni Gladys sa isyu habang si Janno ay ilang beses itong kaswal na pinabulaanan sa kanyang mga interview.
May mga nakapansin din ng "cold treatment" sa isa't-isa nina Gladys at Janno sa Eat Bulaga! samantalang dati ay close na close sila at palagi pa silang pinagpapareha sa "Bulagaan" portion, kung saan sumikat ang Chuchay character ni Gladys.
Reaksiyon ni Malou, wala raw siyang masasabi tungkol doon dahil health reasons lang ang tanging inilagay ni Gladys na rason ng pag-alis nito sa show at wala itong sinabing ibang dahilan.
Tungkol naman sa hindi pagpapareha ng dalawa sa "Bulagaan," talaga umanong desisyon ng show na pagpalit-palitin ang pairing ng mga EB hosts sa nasabing segment at nagsimulang i-pair last year si Chuchay sa bagong pasok na male singer na si Super Mike, alias Mitoy.
Samantala, hindi naman nababahala ang ibang staff ng Eat Bulaga! sa ginawang pag-alis ni Gladys dahil katuwiran nila, "people come and go" sa nasabing programa, at hindi naman ito ang first time na may nag-resign na co-host sa longest-running noontime variety show on Philippine television.
Isa pa ay hindi naman daw "based on personalities" ang Eat Bulaga! (na magtu-28 years na sa ere sa Hulyo 30, 2007) kundi sa nilalaman nito. At ang pinakaimportante anila ay naroon pa rin ang original trio nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon na tumatayong mga haligi ng programa.