Pagkatapos ng Bituing Walang Ningning, nagkaroon ng pagkakataon ang artistang si Angelika dela Cruz na makapagpahinga nang medyo matagal. Pumunta raw muna siya sa Japan para magpahinga at mag-show roon ng isang buwan.
Kaya mukhang fresh na fresh na siya nang bisitahin siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) last Saturday sa pag-aari ng kanyang pamilyang Starz Bar sa Malabon.
Ayon kay Angelika, madalas daw siyang pumunta sa kanilang theater bar at personal niyang inaasikaso ang mga customers nila. Madalas daw kasing puno ang kanilang venue, lalo na tuwing weekends, dahil mga sikat na banda ang kinukuha nilang mag-show doon.
"Masarap mag-asikaso ng business namin ni Daddy [Ernie dela Cruz]. Gabi-gabi nandito ako para tumulong. Minsan, pinapakanta nila ako sa stage. Okay lang kasi enjoy akong mag-perform para sa kanila," masayang kuwento ni Angelika.
"Hindi naman kasi ako magimik na tao. Ever since naman, after work, uuwi kaagad ako. Kaya si Daddy, nagtayo ng theater bar para kahit papaano ay maranasan ko rin ang gumimik. At least, alam niya kung nasaan ako kasi parati rin siyang nandito sa bar namin," dagdag pa niya.
Ibinalita rin ni Angelika na may sisimulan siyang bagong soap opera sa ABS-CBN by February. Ito ay ang Kapag Langit Ang Humatol, kung saan siya na ang bida. Sa huli niya kasing soap opera na Bituing Walang Ningning ay siya ang kontrabida ni Sarah Geronimo.
Ani Angelika, "Pero enjoy ako magkontrabida, ha! Na-realize ko na mas maraming nagagawa ang kontrabida kesa bida. Napaglalaruan ko e. Pero huwag naman sana parati at baka ma-typecast ako."
Dagdag pa niya, "Sa gagawin kong bagong soap, bida naman ako at sobrang drama na ito. Mapa-practice na naman ang pagda-drama ko after a long time."
Gusto na ring mag-recording ulit ni Angelika lalo na't nanalo na siya sa kaso niya against BMG Records. Nakikipag-usap na raw siya sa ilang recording companies para sa paggawa ng album niya.
"Nagpapasalamat ako na nanalo na kami sa kaso with BMG Records. Ngayon, makakapag-recording na ako. Kung hindi pa dahil sa Bituing Walang Ningning, hindi malalaman ng tao na marunong akong kumanta. Kaya sana this year ay magkaroon na ako ng album," masayang wika ng young actress-singer.
In love din si Angelika ngayon sa kanyang non-showbiz boyfriend na nagngangalang Orion. Guwapo ito at bagay na bagay sila ni Angelika. Ayon sa dalaga, mas okay raw na maging boyfriend ang non-showbiz.
"Mas tahimik at walang problema. Tanggap nga siya ni Daddy. You know naman my Dad, di ba? Mahirap ma-please ng mga manliligaw ko. With Orion, nakita naman niya na matino siya at mahal talaga ako," nakangiting sabi ni Angelika.
