Tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang second runner-up ng Pinoy Dream Academy (PDA) na si Ronnie Liang kung bakit hindi niya itinuloy ang pagiging artista at mas pinili niya ang maging isang singer.
Nakalabas na kasi si Ronnie sa pelikulang Ako Legal Wife bilang lalakeng pinagpapantasyahan ni John Prats. Sa totoo lang, may dating at porma si Ronnie at may pag-asang magtagumpay siya bilang artista.
Ayon kay Ronnie, passion na raw talaga niya ang pagkanta. Malaking stepping stone nga raw para sa kanya ang pagkakasali niya sa PDA dahil nakikilala na siya kahit papaano.
"Since ten years old kasi, kumakanta na ako sa simbahan namin sa Pampanga. Kaya from then on, alam kong puwede akong maging singer someday," panimulang kuwento ni Ronnie last January 5, sa pictorial ng isang clothing brand kasama ang iba pang PDA graduates.
"Pero mahiyain ako noon. Never akong sumasali sa mga singing competition. Sa Pinoy Pop Superstar lang ako nag-try at sinuwerte namang makapasok. Yun nga lang, na-technical ako kaya natanggal ako sa show," dagdag pa niya.
Ang tinutukoy ni Ronnie ay ang Pinoy Pop Superstar (PPS) ng GMA-7, kung saan unang sumali si Ronnie. Dahil four straights weeks siyang nanalo ay automatic na sana siyang pasok sa Grand Finals.
Ngunit isa sa alituntunin ng PPS ay kailangang walang manager ang mga contestants. Bago pa man sumali si Ronnie sa singing contest ng GMA-7 ay mayroon na siyang manager, si George Roca. Nang malaman ito ng PPS ay na-disqualify si Ronnie, at hindi na nga nakasali sa grand finals, kung saan ang itinanghal na winner ay si Gerald Santos.
Nalungkot man sa nangyari, hindi pa rin nawalan ng pag-asa si Ronnie na matupad ang kanyang pangarap na maging singer. Hanggang sa dumating na nga ang Pinoy Dream Academy ng ABS-CBN.
"Blessing in disguise din kasi dumating itong PDA and dito ako talagang nahasa nang husto. Kahit na hindi ako ang nanalo, maganda ang naging exposure ko," nakangiting sabi ni Ronnie. Ang nanalo ay si Yeng Constantino.
"Mabibigyan kami ng kanya-kanyang album under Dream Music at magkakaroon pa kami ng PDA World Tour. Malaking bagay iyan para sa tulad kong nangangarap na maging isang malaking singer," aniya pa.
Dahil nga sa sobrang hectic ng schedule nila for PDA, bihira na raw makauwi ng Pampanga si Ronnie. Nami-miss na nga raw niya ang kanyang pamilya, pero suportado naman siya ng mga ito dahil alam nilang gusto niyang magtagumpay
sa pinili niyang career.
"Mas nakakatulong na ako ngayon sa family ko dahil sa kinikita ko sa PDA," natutuwang sabi pa ni Ronnie.
