Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa telepono noong January 10 ang aktres na si Beth Tamayo. Ayaw nitong i-divulge kung magkano na ang nagagastos nilang mag-asawa para sa isang maselang medical procedure para mabuntis si Beth.
"I'm undergoing a fertility work-up. Medyo mahal nga siya, basta ‘wag na lang nating pag-usapan kung magkano," pag-iwas ni Beth.
Magta-tatlong taon nang kasal sina Beth at ang husband niyang si Johnny Wong this coming May 30. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin sila ganap na nagtatagumpay na magkaroon ng anak.
August 2 of last year ay nagkaroon ng miscarriage si Beth. On the same day na nakunan siya niya lang din nalaman na nagdadalang-tao pala siya.
Hindi rin naman ganap na nalulungkot si Beth kahit hindi pa siya nabubuntis ngayon. Parang mga tunay na anak kasi kung ituring niya sina Keion at Kelvin—ang dalawang anak na lalaki ni Johnny from a previous relationship.
Kapag nandito sa Pilipinas ang dalawang bata, si Beth ang tumatayong ina ng mga ito. Sa Guam naka-base ang mga anak ni Johnny.
"Yes, mother na mother ang dating ko. Mahal na mahal ko ang mga batang yun. Kaya naman whenever they come to the Philippines to visit, or halimbawa, may special occasions, ako talaga ang nag-aalaga sa kanila," masaya niyang kuwento.
Mahilig sa bata si Beth, kaya naman matindi ang pagnanais niyang magkaroon na rin ng sarili niyang mga anak.
"We are still trying, hindi kami nawawalan ng pag-asa. At alam ko, ipagkakaloob din ni God yung hinihiling namin ni Johnny sa kanya," seryosong sambit pa ni Beth.
Pinabulaanan din ni Beth ang balitang tuluyan na niyang tatalikuran ang showbiz para mapagtuunan niyang mabuti ang plano nilang magkaanak.
Sabi ni Beth, "No, hindi naman, that's not true. It's just that lately walang masyadong magandang offer na dumarating sa akin, kaya hindi ako ganu'n ka-visible sa TV. The most recent na lumabas ako sa TV, sa Star Awards for TV ng PMPC at sa anniversary ng That's Entertainment sa Master Showman program ni Kuya Germs [German Moreno]."
Sa ngayon, since hindi siya busy sa pagiging artista, hinaharap ni Beth ang pag-aasikaso ng Fishbowl, ang kanyang bar and restaurant sa Esquinita, Sgt. Esguerra, malapit sa ABS-CBN compound.
"Iba rin kasi yung hands-on ka sa negosyo mo. That way, mas naaalagan mo at napapalago ang business," sabi niya.
"Dito ko rin nagamit yung mga natutunan ko sa cooking lessons namin. Nakakapagbigay ako ng input sa kung ano ang puwedeng ilagay sa menu ng bar namin para mas ma-appreciate ng mga clients namin," dagdag pa niya.
Magkaklase sina Beth at ang matalik niyang kaibigang si Judy Ann Santos sa katatapos lamang na kursong Basic and Advanced Skills in Cooking and Baking sa Center for Asian Culinary Studies sa Café Ysabel sa San Juan. Ang namumuno sa school at sa cafe ay ang kilalang chef na si Gene Gonzalez.
