Libel ang kaso na isasampa ng dating Wowowee co-host na si Kat Alano laban kay Luis Alandy dahil sa ipinahayag ng aktor kahapon ng umaga, January 17, sa controversial radio program ni DJ Mo Twister na Good Times.
Ang pangalan nina Kat, Desiree del Valle, at Tin Arnaldo ang isinagot ni Luis nang itanong ni DJ Mo—sa “Forbidden Questions” segment—ang pangalan ng mga famous celebrities na nakasiping niya. Sina Desiree at Tin ay mga ex-girlfriends ni Luis, samantalang hindi naman nilinaw ng aktor kung ano ang ugnayan nila ni Kat.
Na-offend diumano si Kat sa sinabi ni Luis. Sa pamamagitan ng kanyang manager na si June Torrejon, ipinarating ni Kat sa media ang plano na pagdedemanda laban sa aktor at pagreklamo sa Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP).
Kung hindi pa umalma si Kat, hindi malalaman ng publiko na talent siya ni June—na naging item din sa radio program ni DJ Mo nang mag-guest noon si Lolit Solis. Ang pangalan ni June ang sinabi ni Lolit nang itanong sa kanya ni DJ Mo kung sino ang itinuturing niya na "ass-licker" sa showbiz.
Nagkaroon ng replay ang interview kay Lolit at, surprisingly, hindi nag-react si June o nagsampa ng reklamo sa KBP.
Sa isang telephone interview kay June ng PEP (Philippine Entertainment Portal), sinabi ng talent manager na ang libel suit ay isang option ng kanyang kliyente. Ayon daw sa pagkonsulta niya sa kanyang abugado, may basis ang ganitong reklamo. Ngunit di sinasara ni June ang pinto sa mahusay na pagsasara ng isyung ito. Nasa kampo na raw ni Luis Alandy at ang manager nitong si Arnold Vegafria kung ano ang gagawin nila para ituwid ang pangyayari.
Sinabi rin ni June na hindi siya nagreklamo tungkol sa kaso ng alaga niyang si Kat Alano sa KBP. Tumawag lang daw siya rito upang alamin ang status ng pagsisiyasat ng KBP sa programa ni DJ Mo Twister, na nabalitang uuliratin ng KBP matapos gumawa ng ingay ang The Buzz at ilan pang tao sa industriya laban sa naturang programa.
Ayon kay June, ang tiyak lamang ay galit na galit talaga si Kat kay Luis. At kay June naman, nagtataka raw siya kung bakit dumarami ang mga lalaking walang modo at walang respeto sa kababaihan.