Tinawagan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa cell phone ang young sexy actress na si Katrina Halili sa taping nito ng Atlantika sa Calatagan, Batangas, kagabi, January 18. Hiningan namin ng pahayag si Katrina tungkol sa away nina Mark Herras at ang magkasintahang Jennylyn Mercado at Patrick Garcia.
Nadawit kasi ang pangalan ni Katrina sa gulo ng tatlo. Ayon kay Jennylyn, kay Katrina niya raw isinumbong ang "panggugulo" diumano sa kanya ni Mark. Inamin din daw ni Katrina kay Jennylyn na may "mutual understanding" na sila ni Mark.
Ayon kay Katrina, nagulat siya na mayroon palang away si Mark at sina Jennylyn at Patrick.
"Ngayon ko lang po nalaman na mayroon pala silang away. Two weeks pa po nang huli kaming nagkausap ni Jen, nang imbitahin ko siyang mag-attend ng birthday party ko last January 7 sa Mugen Bar. Sabi po niya hahabol siya dahil may commitment pa siya, pero hindi na po siya naka-attend. Since then, hindi pa po kami nagkakausap ulit ni Jen," panimulang kuwento ni Katrina.
"Hindi po totoo na may mutual understanding na kami ni Mark. Hindi po ba kagabi [January 17], tinanong ninyo sa akin kung boyfriend ko na si Mark? Sabi ko po hindi, pero puwede namang maging kami. Kaya lang, hindi naman po siya talaga nanliligaw sa akin. Close lang po talaga kami ni Mark, simula pa noong StarStruck days namin," paglilinaw niya.
"Iyong issue sa kanila ni Patrick, di ko po talaga alam dahil halos wala na nga kaming tulog sa taping ng Atlantika. Mga big scenes po kasi ang kinukunan namin dahil matatapos na kami sa February 9," pagbabalita pa ni Katrina.
Mas priority raw ni Katrina ngayon ang kanyang career dahil bata pa raw naman siya. She just turned 21 years old. ‘Tsaka muna raw ang love.
Sunud-sunod din ang projects niya ngayon. Hindi pa man natatapos ang isang soap niya, may sinisimulan na naman siyang bago.
After ng Darna noon, may Majika na siya agad. Hindi pa natatapos ang Majika, nagti-taping na siya ng Atlantika. Next month, pagkatapos ng Atlantika, ay simula na rin ng taping niya sa Lupin, with Richard Gutierrez and Rhian Ramos. Nakagawa pa siya ng dalawang movies last year—ang launching movie niyang Gigil at ang festival entry ng Regal Entertainment na Super Noypi.
"Nag-dinner nga po kami ni Mother Lily [Monteverde] noong isang gabi dahil hindi siya naka-attend ng birthday party ko. Happy daw po naman siya sa kinita ng Gigil at Super Noypi. Nagpasalamat po ako sa kanya. Nahiya lang po akong tanungin siya kung ano ang susunod kong project sa Regal Entertainment," natatawa pa niyang kuwento.
Bukod sa kanyang TV and movie projects, happy rin si Katrina sa mga endorsements niya. Kalahati daw ng talent fee niya sa lahat ng commercials ay ibinibigay niya sa mother niya. Ang kalahati naman ay iniipon niya sa bangko.
Ang talent fee naman niya sa TV shows ang ginagamit niyang pambayad sa kanyang bahay, kotse, at pang-sweldo sa dalawa niyang yaya at driver na mga kasama niya sa bahay. Ang ina raw kasi niya ang nakatira sa nabili niyang house-and-lot sa El Nido, Palawan.